ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: ABS-CBN refutes Willie Revillame's claims against the network


Mariing pinabulaanan ng ABS-CBN ang ilang mga akusasyon ng TV host-comedian na si Willie Revillame laban sa network. Ito ay kaugnay sa pagkakatanggal ng noontime show ni Willie na Wowowee, na pinagharian din niya ng humigit-kumulang na limang taon sa nasabing network. Sa isang sulat na nilabas ng ABS-CBN nitong Biyernes, August 20, na ini-report sa TV Patrol at SNN: Showbiz News Ngayon, isinaad ng network na walang katotohanan ang mga pahayag ni Willie na may malinaw na kasunduan na babalik siya sa Wowowee noong July 31, bago pa man matanggal ang naturang palabas sa ere. Wala raw itong katotohanan dahil ang suspension ni Willie ay hanggang August 24 pa. Ibinunyag din nito ang mga kondisyon ni Willie sa pagbabalik sa TV show, kasama na nga ang pagpapatanggal sa kanyang mga co-host na sina Mariel Rodriguez at Pokwang, at paghingi ng karampatang suweldo habang siya ay suspendido. Ang nasabing sulat ay sagot umano sa isang sulat na ipinadala ni Willie kay Mr. Eugenio Lopez, chairman ng ABS-CBN, noong August 9 na nagpapahayag ng mga hinaing ni Willie sa mga nangyari. Matatandaang nag-"indefinite break" si Willie mula sa show noong May 24 matapos magbigay ng apology sa ABS-CBN para sa isang insidenteng naganap noong May 4, kung saan nagbanta ito sa ABS-CBN nang live on Wowowee na magre-resign sa show kung hindi tatanggalin sa network ang showbiz commentator na si Jobert Sucaldito. Matapos ang nasabing "outburst" ay hindi na nakita si Willie sa Wowowee, hanggang sa mapalitan ang noontime show ng Pilipinas, Win na Win! noong July 31. Inalok naman daw si Willie ng isang weekly show ng ABS-CBN, kapalit ng Wowowee, subalit umugong ang bali-balitang ayaw raw nitong tanggapin ang offer. Nagpa-presscon si Willie noong August 9 kung saan sinabi nito na "nagpapaalam" na ito sa ABS-CBN. Aniya, inasahan niyang nagkaroon na umano sila ng kasunduan ng ABS-CBN na babalik siya sa Wowowee noong July 31. Dagdag pa niya, ito raw ay ipinarating sa kanya sa mga magkakasunod na meeting niya with ABS-CBN executives Ms. Linggit Tan and Ms. Charo Santos-Concio. (Basahin: Willie Revillame ready for comeback when Wowowee was axed) Naglabas naman kaagad ang ABS-CBN noon ding August 9 ng statement na nagsasabing walang karapatan si Willie na ipawalang-bisa ang kanyang kontrata sa ABS-CBN. Si Willie raw ay "bound to ABS-CBN by contract until September 2011." ABS-CBN STATEMENT. Ngayon ay nagkaroon pa ng karagdagang pahayag ang ABS-CBN laban kay Willie Revillame. Sa sulat na ini-report ni Mario Dumaual sa TV Patrol at SNN nitong Sabado, sinabi ng ABS-CBN na hindi totoong nagkaroon ng kasunduan na babalik na si Willie sa Wowowee noong July 31. Saad ng sulat, na ipinakita sa video ng report: "Your letter dated 09 August 2010 addressed to Mr. Eugenio Lopez, Chairman and Chief Executive Office of our client, ABS-CBN Corporation ("ABS-CBN"), has been referred to the undersigned for reply. "Regarding the allegations of fact in your letter, we wish to state the truth of the matter. "There was never any agreement between ABS-CBN and yourself for you to return as Host of Wowowee on 31 July 2010." Ayon sa statement, ang pag-amin daw ni Willie na siya ang may kasalanan sa nangyari noong May 4 ay sapat na basehan para isuspinde ang kanyang talent agreement, at hindi bayaran ang kanyang talent fee habang siya ay suspendido. Na-cancel din daw ang Wowowee dahil sa mga "circumstances" na naging resulta ng ginawa ni Willie noong May 4. "In fact, due to your violations... ABS-CBN has no obligation to offer you a replacement program... Under the circumstances, the offer made to you was fair and reasonable," the statement said. Dagdag pa nito, hindi raw ibig sabihin na inilagay si Willie sa probation noong in-offer-an ito ng weekly show. Wala rin daw obligasyon ang ABS-CBN na bigyan si Willie ng isang live program. "Should you refuse to comply with your obligations, ABS-CBN shall take such legal actions as maybe necessary to protect its rights and interests," saad pa sa statement. Wala rin daw katotohanan ang mga balitang siniraan ng ABS-CBN ang imahe ni Willie. Sakop daw ng news reports si Willie dahil ito ay "public personality." Kung ayaw na raw ni Willie mag-host sa ABS-CBN, nararapat lamang raw na bayaran nito ang balanse ng natitirang panahon ng kanyang kontrata. WORK ETHICS. Sa naturang broadcast sa TV Patrol at SNN, nagpahayag din ang senior vice president for TV entertainment production ng ABS-CBN na si Ms. Linggit Tan. Ito ang kanyang buong statement: "Wala pong naging kasunduan ang management ng ABS-CBN at si Willie na babalik na siya sa Wowowee noong July 31. Ang suspensyon ni Willie ay matatapos po sa August 24 pa. Si Willie ang may gustong bumalik na siya sa Wowowee noong July 31. Ang totoo po, wala pang desisyon ang management noon, bilang pagbibigay halaga sa damdamin ng mga manonood na ang iba ay tutol po talaga sa kanyang pagbabalik sa telebisyon dahil sa inasal niya noong May 4 at mga iba pang pangyayari noon. "Isang patunay na hindi pa siya nagbabago ay ang pagbibigay niya ng mga kondisyon sa kanyang pagbabalik. Pinapatanggal po niya sina Mariel Rodriguez at Pokwang sa programa at dapat din daw siyang suwelduhan habang siya ay suspendido. Kaya't marami pa kaming dapat pag-usapan at ayusin. Naniniwala ang management ng ABS-CBN na dapat isabuhay muna ni Willie ang pinahahalagahang values at work ethics ng kompanya bago siya bumalik sa telebisyon." IN THE FREEZER. Ipinahayag naman ng lawyer ni Willie na si Atty. Leonard de Vera sa isang statement na ipinadala niya sa ABS-CBN, na may karapatan daw kumalas si Willie sa ABS-CBN dahil ang network ang unang tumapos ng kontrata ng host dahil sa pagkansela ng Wowowee. "As a consequence of the letter of Atty. Villaraza which in effect warns Willie and those who may want to contract with him while ABS-CBN keeps Willie in the freezer, Willie is now compelled to seek the protection of the courts of law," pahayag ni Atty. de Vera. - Mark Angelo Ching, PEP * Ang GMANews.TV ay ang official news website ng News and Current Affairs ng GMA 7