ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Carl Guevara talks about his ex-girlfriend Daiana Menezes


Naglaro sa segment na "Pinoy Henyo" ng Eat Bulaga! two weeks ago ang hunky model-actor na si Carl Guevara kasama ang co-star niya sa JejeMom na si Gelli de Belen. Nagkita sa show si Carl at ang ex-girlfriend niyang si Daiana Menezes, na mainstay ng naturang noontime show ng GMA-7. Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Carl sa presscon ng Mamarazzi last Friday, August 20, sinabi nitong naging maayos naman ang muli nilang pagkikita ng Brazilian TV personality. "Oo naman!" bulalas ni Carl. "Kami naman ni Daiana, kumbaga... Kasi bago kami nag-break, nag-usap naman kami nang maayos. Friends kami. So, kumbaga, okay naman kami. So, nandun kami, tinutuksu-tukso kami, okay lang sa amin, wala na sa amin yun." DAIANA'S NEW BOYFRIEND. Pero inamin ng model-actor na hindi sila magkaibigan ng boyfriend ngayon ni Daiana na si Sam YG, na kilala rin sa kanyang character bilang Shivaker. "Hindi ko siya kilala, e, na as in, kilala," paliwanag niya. Never pa rin daw silang na-introduce sa isa't isa. "Oo, hindi pa kami na-introduce. Okay naman. Sa nakikita ko naman, masaya si Daiana, e. Si Daiana naman, wala naman siyang ipinakitang masama sa akin, talagang masaya kami dati. So, sa akin, kung happy siya, masaya ako para sa kanya," saad ni Carl. REASONS FOR BREAKUP. Naghinayang ba si Carl na hindi nagtagal ang relasyon ni Daiana? "Siyempre naghinayang din ako noong umpisa, pero kailangan talagang mag-move on, kailangang harapin lahat ng ano," sagot niya. Bakit ba talaga sila nag-break? "Kami kasi nung una, alam niyang nawala ako sa...yung trabaho. Kumbaga, parang nawala yung focus ko sa trabaho, e, puro sa kanya. Tapos, siya na rin ang nagsabi sa akin. "Tapos, yung pangalawa, siya ang nagpakilala sa akin kay Perry [Lansigan, Carl's manager], siya ang nag-set ng meeting sa amin ni Perry. "Tapos, yung pangatlo, gusto niya akong magkaroon ng trabaho. So, kinausap niya ako na gusto niya muna kaming mag-ano, kumbaga, cool-off. Tapos natuloy na, which is good naman kasi, kumbaga, si Daiana, alam mo talagang mature na siyang mag-isip, e. "Kasi, kumbaga, ginive-up niya yung relationship namin para lang matulungan niya ako na magkaroon ako ng trabaho. So, 'yon, kumbaga, si Daiana, talagang hindi ko siya makakalimutan. Talagang may utang na loob ako sa kanya." MOVING ON. Naka-move on na ba siya? Bakit wala pa rin siyang girlfriend? "Sa akin kasi, kumbaga, ano, e, ang hirap pilitin, e. Marami akong nakikitang magaganda, pero alam mo yung hindi mo nakikita talaga yung gusto mo na talagang ano... Tsaka sa trabaho ko naman, wala pa naman talaga akong nakikilalang... Ako kasi, kakalipat ko lang sa GMA, so parang ini-enjoy ko muna lahat. Kung may dumating naman sa akin, bakit naman hindi, di ba?" Mahal pa ba niya si Daiana? "Sa akin, hindi," sagot ni Carl. "Sa akin, kumbaga, tapos na, e. Nakapag-move on na ako. Pero siyempre minsan naaalala ko siya 'pag meron akong mga napupuntahan na lugar na napupuntahan namin dati. Naaalala ko lang siya, pero yung pagmamahal, wala na, e. Parang lumipas na." What if mag-break sina Daiana at Shivaker, liligawan ba niya ulit si Daiana? "Sa akin, hindi. Kumbaga gusto ko ng...yung natapos naming relasyon, hanggang doon na lang yun. Ayokong dugtungan pa ulit. So, siguro makakahanap siya ng mas ano, higit pa sa akin. Kasi nung time ng relationship namin, nung kami pa, parang ano, e, talagang mature na mature siya sa akin. Talagang iniisip niya talaga yung after five years, after ten years. "E, ako pa naman, parang sumusunod lang ako sa ano ng panahon, kung anong meron. E, siya, masyado siyang ma-plano. So, kumbaga, kailangan niyang humanap ng mas mature sa kanya para makatulong sa relationship nila," pahayag ni Carl. Pero masaya raw siya na magkaibigan sila ni Daiana. INDECENT PROPOSAL. Bilang isa sa hunkiest actors ngayon sa bansa, naitanong kay Carl kung nakatanggap na siya ng indecent proposal mula sa isang bading. Inamin naman ni Carl na meron na nga. "Merong nagte-text sa akin dati, kaya nagpalit ako ng cellphone number. Nasa ABS pa ako noon," banggit niya. Kilala niya ba yung bading? "Hindi ko nga alam, e. Nag-text sa akin, 'Are you Carlo Guevara? Puwede bang ganyan-ganyan?' Yung ano, bibigyan daw ako ng 40 thousand, magkita daw kami. E, ako, ayoko talaga ng ganun, kaya nagpalit ako ng number ng cell phone. Hindi ko alam kung bakit nalaman niya yung number ko." Ano ang isinagot niya? "Wala, hindi ko nireplayan." Ilang beses nag-text sa kanya? "Tagal! Siguro every week nagte-text siya ng dalawang beses, never kong nireplayan. Hindi ko na inalam kung sino, kasi kung inalam ko, siguro aakalain niya na, kumbaga, gusto ko. Kasi parang interesado pa ako 'pag nireplayan ko pa. So, hindi ko nireplayan, never talaga. Ang nakakatakot dun, nagmi-miss call pa siya," kuwento ni Carl. - Rommel Gonzales, PEP