ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Kris Bernal asks Jolo Revilla to stop courting her


Nitong Lunes, February 21, ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Kris Bernal sa pocket presscon para sa huling linggo ng pinagbibidahan niyang afternoon soap sa GMA-7, ang Koreana. Ginanap ang presscon sa Executive Lounge ng GMA Network Center. Kasamang humarap ni Kris sa press ang co-stars niyang sina Rocco Nacino at Saab Magalona. JOLO REVILLA. Mabilis na nabaling sa panayam kay Kris ang balitang binasted niya umano si Jolo Revilla. Una nang napabalita ang pagte-text ni Jolo sa Kapuso young actress. Sa panayam ni Kris sa StarTalk TX, sinabi nitong "sweet" umano ang mga text sa kanya ng anak nina Sen. Bong Revilla at Rep. Lani Mercado. Ngunit sinabi ni Kris sa presscon nitong Lunes na pinakiusapan na niya si Jolo na huwag na siyang padalhan ng mga mensahe sa text. Hindi raw kasi niya nais mag-entertain ng maraming manliligaw. Pinagtutuunan daw kasi ngayon ni Kris ng atensiyon ang pagsuyo sa kanya ng singer na si Jay Perillo. "Tumigil po siya talaga, kasi parang sinabi ko sa kanya na may nagseselos," sabi ni Kris. Personal daw na nakilala ni Kris si Jolo sa Christmas party ng Koreana. Naging magkaibigan daw sila kaya't nagsimula ang pagte-text ng binatang ama sa kanya. "Okay lang naman sa akin. Okay lang naman, kasi kaibigan lang naman. For friends lang naman," saad ni Kris. Ngunit minabuti ng young actress na linawin kay Jolo kung nanliligaw ba ito sa text. Three weeks umano umabot ang sunud-sunod na pagte-text ni Jolo sa kanya. "E, sabi ko sa kanya, parang, siyempre kung may nanliligaw sa 'yo, isa lang ang dapat mong ie-entertain. Hindi lahat ie-entertain mo. "So, sinabi ko sa kanya na, 'Pasensiya ka na, kasi si Jay yung parang ano, yun nga, nakikilala ko ngayon, mas nakakasama ko ngayon. Ayoko naman yung nanliligaw ka...' "Nanliligaw din 'tong si Jolo, tapos nanliligaw si ganyan. Ayoko nang sabay-sabay, 'te!" natatawang paliwanag ni Kris. Hindi raw alam ni Jay na ginawa ito ni Kris. "Hindi ko sinabi sa kanya. Kasi kusa ko na yun, nasa akin na yun, di ba, kung ie-entertain ko yung tao o hindi?" sabi niya. JAY PERILLO. Sa ginawa ni Kris, hindi kaya isipin ni Jay na malaki ang pag-asa niya sa kanya? "Sana," maikli nitong sagot. Tinanong ng PEP kung bakit si Jay ang napili ng young actress. "Siguro nagkakasundo talaga kami sa lahat ng bagay. As in, pag mang-aasar kami, kung gaano siya kababaw, ganun din ako kababaw. Lahat ng kalokohan, lahat ng trip sa buhay, alam mo 'yon? Parang nahanap ko yung another me, yung another ano ako, yung akong-ako," paliwanag niya. Itinanggi ni Kris ang usap-usapang sinagot na niya ang singer. "Aaminin ko, hindi pa talaga kami. Pero siya yung taong masasabi ko ngayon na espesyal sa akin, nagpapasaya sa akin. Pag malungkot ako, lagi kong kasama. Siya siguro yung taong talagang kasa-kasama ko ngayon, talagang kaibigan ko ngayon," sabi ng StarStruck IV winner. Nakilala niya raw si Jay sa dati nitong show na BandaOke, at nagkalapit sila mula noon. "Guest nila ako, siya singer dun. Yung banda niya. Na-meet ko siya dun, tapos kinuha niya yung number ko, ganyan-ganyan. "Tapos, hindi ko alam na magkakilala pala sila ng kapatid kong lalaki. Yun, lagi siyang nasa bahay dahil sa kapatid kong lalaki. "Hanggang sa naging close na nga kami dahil naging friend ko na nga rin siya. Hanggang sa ngayon, ayun. Siguro more than one year na rin kaming magkakilala." Sila rin daw ang magkasama noong Valentine's day, sa party ng pamilya ni Kris. Kasundo raw kasi ni Jay ang pamilya ng aktres. Ayon kay Kris, "Wala namang nakita silang masama o mali. Nakita naman nilang mabait yung family ni Jay. Si Jay naman din, nakita niya ring mabait yung pamilya ko. So, wala, nakakatuwa lang kasi nagkakasundo lang." - Mark Angelo Ching, PEP