Pumanaw na ang legendary actor at 1950s matinee idol na si Armando Goyena nitong Miyerkules ng tanghali (Marso 9), sa edad na 88. Si Armando ay lolo ng dating The Hunks member at aktor na si Bernard Palanca at ng kapatid nitong si Mico Palanca. Apo rin ni Armando ang mga model at TV personalities na sina Bianca Araneta at Lexi Schulze. Ipinanganak noong December 7, 1922, sa mga magulang na sina Jose Revilla Sr. at Florentina Goyena, maagang naipatong sa mga balikat ni Armandoâo Jose "Pinggoy" Revilla, Jr. sa tunay na buhay â ang responsibilidad ng pagtataguyod sa kanyang mga dalawang kapatid at pag-alalay sa kanyang ina, nang masawi sa mga huling araw ng World War II ang kanyang ama.
CONVINCED TO ACT. Sa isang coffee shop na pinasukan niya, nakilala ni Jose ang playwright na si Wilfrido Ma. Guerrero na siyang kumumbinsi sa kanya na subukan ang pag-arte sa teatro. Di kalaunan ay nakilala si Jose dahil sa character niyang si Tony Javier sa Nick Joaquin play na Portrait of the Artist as Filipino. Nang pumanaw ang ina niya noong 1947 ay naging solo na niyang responsibilidad ang kanyang mga kapatid. Dahil dito ay kinailangan niya ng mas malaking pagkukunan ng kita kaya't naisipan niyang mag-apply na artista sa kaibigan ng kanyang ina na si Doña Narcisa B. de Leon, o mas kilala bilang Doña Sisang ng LVN Pictures. Hindi siya tinanggap agad ni Dona Sisang at sinabihan na maghintay na lang ng tawag. Taong 1948, habang hinihintay ang promotion niya bilang manager ng isang department store, ay dumating ng tawag ni Doña Sisang at isinama siya bilang support kay Leopoldo Salcedo sa
Puting Bantayog. Dito sila unang pinagsama ng nakapareha niya sa maraming LVN movies na si Tessie Quintana. Hiningan siya ni Doña Sisang ng screen name at agad na ibinigay ni Jose ang pangalang Armando Goyena â Armando mula sa pangalan ng isang pinsan niya at Goyena mula sa apelyido ng kanyang ina. Makalipas na lumabas sa tatlo pang pelikula kunsaan support pa rin sa lead actors na sina Jose Padilla, Rogelio dela Rosa, at Jaime dela Rosa, nabigyan na ng unang lead role si Armando kapareha si Tessie sa pelikulang
Pagtutuos (1950). Ang pelikulang
Tia Loleng (1952) naman ang unang box-office hit movie ni Armando. Ginampanan niya rito ang papel ng isang lalaking kailangang magpanggap na babae para makalapit sa babaeng iniibig niya na ginagampanan naman ni Tessie.
CAPTAIN MARVEL, PINOY VERSION. Nakilala rin nang husto si Armando nang gawin niya ang
Kapitan Kidlat (1953), ang movie version ng isang radio drama nung taong yun at Pinoy version ng superhero na si Captain Marvel ng Amerika. Taong 1957 nang tumigil muna siya sa pag-aartista upang i-manage ang ipinatayo niyang restaurant sa Makati. Lumabas mula sa retirement si Armando noong 1992 nang mapasama siya sa pelikulang
Mahal Kita Walang Iba nina Kris Aquino at Christopher de Leon, at gumanap din siya bilang ABS-CBN founder na Don Eugenio Lopez sa biopic na
Eskapo noong 1995. Nanalo siyang FAMAS best actor sa pelikulang
Yamashita: The Tiger's Treasure (2001) at naging huling pelikula niya ang Jolina Magdangal-starrer na
Annie B. noong 2004.
FATHER OF BEAUTIES. Itinuturing din ang pamilya ni Armando bilang isa sa "most beautiful families in showbiz" dahil sa pagkakaroon ng mga naggagandahang anak. Tatlo rito ay pumasok sa showbiz habang nagmodelo naman panandalian ang ilan. Ikinasal si Armando noong 1951 sa model-actress na si Francisca "Paquita" Roses na siyang unang "Camay Girl." Isang kilalang sabon nung 1950s ang Camay. Nagkaroon sila ng walong anak, tatlo rito ang pumasok sa showbiz: Maritess (dating leading lady ni Fernando Poe Jr. at ina ng model-VJ na si Bianca Araneta), Tina (naging artista rin at sumikat na TV host at commercial model), Ces, Pita (dating model at ina nina Bernard at Mico Palanca), Rossi, Malu, Cita, at Johnny (TV host at asawa ng singer na si Janet Basco). Magsisimula ang pagburol sa labi ni Armando sa Santuario de San Antonio sa Forbes Park gabi nitong Miyerkules at magkakaroon muna ng funeral mass sa Sabado, March 12, bago i-cremate ang kanyang labi. -
Rommel R. Llanes, PEP