
Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang aktor na si Juan Rodrigo kamakailan lang at kinumpirma nitong naoperahan ang superstar na si Nora Aunor habang nasa Amerika sa bandang huli ng nakaraang taon, 2010. Nakasama ni Juan si Nora sa three-day concert nito sa Australia noong October 2010, at ang superstar mismo ang nagkumpirma sa kanyang dumaan ito sa isang operasyon sa lalamunan. Bihirang may artistang nagku-kuwento tungkol sa tunay na pangyayari sa isyung nasulat noon, na diumano'y nawalan ng boses si Ate Guyâsa hindi kumpirmadong dahilanâkaya minarapat ng PEP na tanungin si Juan tungkol sa balitang ito. "Okey naman siya, kaya lang, hindi siya kumanta, e. Wala na siyang boses," pagkumpirma ni Juan. So, totoo 'yung nabalitang nawalan siya ng boses kaya hindi nakakanta? "Yeah, kasi, meron siyang peklat dito [tinuro nito ang leeg]. Inoperahan siya! Parang naano daw 'yata 'yung vocals [vocal chords] niya dito [leeg]... "October 2010 'yun, kami ang nag-guest ni Kuya Germs [German Moreno]... Show talaga 'yun ni Guy, concert niya. "Tinanggap niya ito noong araw na okey pa ang boses niya. Kaya itinuloy pa rin niya ang concert. "Pero sabi nga ng iba, puwede raw siyang mag-lip sync, pero ayaw naman niyang mag-lip sync, kasi, sabi niya, ayaw daw niyang dayain ang mga tao. "So, talagang sinabi niya, wala siyang boses. Hindi siya makakakanta. So, ang nagpaliwanag na lang noon, si Kuya Germs, doon sa venue." Hindi ba nadismaya ang audience na bumili ng ticket? "Marami namang okey, kasi, talagang marami siyang fans doon. Mga diehard fans talaga niya doon. Siyempre, meron ding mga na-disappoint din, pero 'yung mga iba, okey lang dahil tanggap naman nila. Mga gano'n..." Na-depress ba ang mga diehard Noranians sa pangyayaring yun? "Hindi naman," aniya. "Kasi, yung mga nakakausap ko, okey lang naman daw sa kanila, e. Siguro, very few lang naman 'yung mga na-discourage. "Pre-booked na siya [sa concert] bago pa nangyari ang operation. Meron na siyang contract, na gagawin niya ang show." Marami nga kasi ang mga kritiko si Nora na bumabatikos sa superstar, pero si Juan ay nandoon mismo sa Australia kasama si Ate Guy, kaya nai-explain niya mismo ang naging sitwasyon ng actress-singer doon. "Yun ang totoong nangyari," paliwanag ni JR. "Naawa nga kami ni Kuya Germs noong nandoon kami noon, e. Kasi, sinasabi nga niya na hindi siya makakakanta. Malungkot siya. "Nandoon din si John Nite, kasama ni Kuya Germs. Si John Rendez, nag-appear rin doon, one night lang. Three nights, three days kasi 'yun. Isa sa Melbourne, isa sa Sydney, at Brisbane. Doon kami nagpunta."
ANG OPERASYON SA LEEG. Tinanong ng PEP kung may nakita siyang sugat sa leeg ni Nora. Sinabi ni Juan na meron. "Peklat. May peklat siya sa leeg. Nanggaling daw yun sa operation niya, e. Ang sinasabi niya, na parang hindi niya alam na ganoon ang mangyayari, na ooperahan siya sa gano'n. "Na sinasabi niya na may phlegm siya, punumpunong phlegm. Parang yung doktor niya 'ata, nag-decide na butasin [ang leeg], parang gano'n." May kinalaman ba ito doon sa nabulilyasong Japan skin clinic na dapat ay ie-endorso ni Nora at ilulunsad sa Pilipinas? Ito kasi ang mga naglabasan noon sa local media. "Wala ata yun, wala ata..." sagot ni Juan. "Ang alam ko, parang meron siyang plema... Marami siyang plema sa baga na gusto niyang i-expel. "E, parang hindi yata na-expel, so the doctor decided na operahan siya. Yun yung operation, na hindi niya raw alam na ooperahan siya." Papaanong hindi niya alam na ooperahan siya? "Yun ang hindi ko alam," tugon ni Juan. "'Yun ang sabi niya. Ayoko nang mag-expound doon, baka..." tawa nito. Si Nora mismo ang nagkuwento sa kanya noon? "Oo, si Guy mismo ang kausap namin. Siya ang nagkuwento." So, totoong hindi nito alam ang operation? "Yun ang sabi niya, na hindi niya alam," pagdidiin ng character actor. Napagkuwentuhan rin ba nila kung kailan uuwi si Nora sa bansa? "Actually, noon, gustung-gusto na niyang umuwi e. Noong nasa Australia kami, sabi niya, 'Umuwi kaya ako?' Sabi ko, 'Bakit hindi? Bakit hindi ka umuwi?' 'Yun ang sabi ko. "Sagot naman niya, 'Ahmm, sige, tingnan natin.' 'Yun lang. Hanggang sa magkahiwalay na kami, hindi naman siya umuuwi pa. Pero nabalitang uuwi siya, di ba? Pero hindi naman natuloy. E, siguro, nagbago na naman ang isip niya."
MAY PINAGSAMAHAN. Nakasama ni Juan si Nora sa ilang mga pelikula noong '70s, '80s, hanggang early '90s, tulad ng
Bongga Ka Day, Annie Batungbakal, Ang Totoong Buhay Ni Pacita M., etc. Papaano ba ide-describe ni Juan si Nora bilang matagal silang naging "close" at sinasabing naging "special someone" niya rin ito noong araw? "Kapag naging kaibigan mo naman si Guy, e okey naman siya e. Talagang kaibigan talaga ang turing sa iyo, espesyal ka sa kanya, na talagang ipaglalaban ka niya. 'Yung mga gano'n." Sa isyu ng professionalism? "Hindi na siguro ako makakapag-comment doon, kasi yung mga ibang nakakasama niya, hindi ko naman alam kung ano ang sinasabi, di ba? At hindi naman ako involved doon sa araw ng taping na 'yun or shooting na 'yun, so hindi ko masabi. "Pero, noong magkasama naman kami, okey naman so far. Wala namang naging problema." Walang ganoong attitude? "Noong kasama ko siya. Pero sabi nga ng iba, na mga naririnig ko, na unprofessional, I don't know... Pero in my case, okey naman siya, sa amin ay walang problema. "Ang dami naming pinagsamahang movies, nakalimutan ko na nga yun iba. Pati sa Minsan Isang Gamu-Gamo na stage play namin sa PETA (Philippine Educational Theater Association). Doon kami nagkasamang mabuti, sa PETA." Doon din nagsimula ang kanilang "kakaibang closeness"? "Ha?" natatawang reaksiyon ni Juan. "Actually, sa PETA kami nagkasama ngang mabuti kasi, halos araw-araw ang rehearsals namin noon e. Araw-araw." So, confirmed ba ang mga bali-balitang naging more than friends sila? "Doon kami naging 'close' na dalawa, ha! Naging very close na friend," tawa niya. May mga diehard Noranians kasi na nagsasabing sana raw ay sila na lang ng superstar ang nagkatuluyan. Ano'ng masasabi niya dito? "Ah, oo nga, may mga gano'ng fans. Hanggang ngayon, ang mga fans niya, nagpupunta pa rin sa akin. Loyal pa rin sa akin hanggang ngayon! "Every year, nasa akin 'yan, tuwing December. Pati nga mga birthday ko, nandoon sila palagi sa bahay [Green Park, Cainta, Rizal], pinupuntahan ako!" Bakit kaya every year ay pinupuntahan pa rin siya ng Noranians na gustong siya ang nakatuluyan? "Wala lang, natutuwa sila... Actually, yung pinakamatanda sa kanila, 105 years old. Pinakamatanda! Biro mo yun, 105?" Bakit hindi nag-transform ang "special friendship" na 'yun para maging isang romantic relationship? "Ewan ko," tawa niya. "Siguro, hanggang doon na lang e, 'di ba? Lahat ay may pagbabago. Everything is changing..." Mga three years ba silang naging "special friends"? "Ewan ko kung gaano katagal 'yun," tawa nito uli. "Nakalimutan ko na, ang tagal na 'yun, e! Pero at least, friends kami, magkaibigan naman talaga. "Noong magkita kami noon, tuwang-tuwa nga siya noong makita niya ako e." Ni-request ba ni Nora na isama siya as guest sa Australian concert nito? "Actually, parang hindi niya alam. Kasi, kaibigan ko rin ang producer. Kilala ko rin. Sabi sa akin, 'Tulungan naman natin si Guy.' E, sabi ko, 'Sige, bakit hindi?' Kasi nga, sinabi 'yung situation na wala siyang boses. "So, pinakiusapan rin si Kuya Germs. PInakiusapan rin ako. Sabi ko, 'Sige, wala naman akong gagawin e, so tulungan natin. "So, pagdating namin doon sa Australia, tuwang-tuwa siya! Kaya na-save 'yung show niya, dahil kay Kuya Germs. Nandoon kami. Na-save ang show. Tuwang-tuwa siya noon at ganoon na lang ang pasasalamat niya sa akin. Sa amin. "'Pagdating ko noon, niyakap niya ako nang mahigpit, 'Thank you! Thank you!' Nagulat kasi siya e, hindi niya akalaing darating kami. Hindi niya akalain." Wala bang "init" ang pagyakap? "Ewan ko!" malakas nitong halakhak. -
Mell T. Navarro, PEP