
May mga nagsasabi na kaya raw pinagbubuti nang husto ni Batangas governor Vilma Santos ang kanyang pagiging public servant ngayon ay dahil may posibilidad na tahakin din niya ang landas patungong Malacañang. Pero aniya, "'Yong sa politics, hindi ko ito plinano. Maybe it was meant. "Pero para sabihing ako ay may political ambition na next time ay ganito, wala, e. "Puwedeng tumakbo, puwedeng hindi. It won't matter actually. "Hindi ko kinaiingitan ang Presidente natin!" natawang sabi pa ni Vilma tungkol kay President Noynoy Aquino. "Ang hirap po ng trabaho. Nakikita n'yo naman, ang Presidente nating si PNoy, naku, sa problema, baka maubos ang buhok! "Sorry, Mr. President!" tawa niya ulit. "Magkasama lang kami recently. Sorry po. "But I understand the responsibility na meron sa shoulder niya. "Governor lang, ang hirap na ng responsibilidad, e. How much more ang President? "So, para ambisyunin ko 'yon, teka muna... Parang gusto ko muna yatang mag-travel na kasama 'yong pamilya ko." Patuloy niya, "Nine years old, nagtatrabaho na ako. So, hindi para pahirapan ko pa 'yong sarili ko, di ba? "But again, at the end of the day, hindi ako puwedeng magsalita nang patapos because, again, if it's meant, it's meant."
BEAUTY SECRET. Bagamat masasabing stressful ang pagiging isang public servant, napapanatili pa rin ng 57-year-old actress-politician ang kanyang kagandahan. Ano kaya ang sikreto ni Ate Vi na hindi nangangarag ang hitsura niya after all these years? "Oy, in fairness, kahit isang tusok, wala 'yan, ha!" natawang reaksiyon ni Vilma. "Sikreto? Wala. Ano lang... In a way, dahil hindi ko siguro inaabuso ang sarili ko. "Hanggang ngayon, I do exercise. "Kinakain ko lahat, but with moderation. Kasi lahat ng sobra, masama. "What else? I am comfortable with my life. "A... happy ako sa pamilya ko. Andiyan ang asawa at mga anak ko na nagbibigay sa akin ng energy. "Itong pagod ko na ito, kung wala sila, papaano ko kakayanin ang lahat ng ito? "Pero pag-uwi ko, sasabihin lang ng mga anak ko, ng asawa ko, 'We're so proud of you.' E, di may energy! "Parang ginasolinahan na naman ako. So, 'yon. "And then as a public servant, so far so good. "And I thank my constituents dahil magpu-fourteen years na ako." Dagdag pa ni Ate Vi, "Alam mo kasi, 'yong posisyon ko ngayon, hindi ko ito puwedeng ipagpalit, e. "Kasi para pagkatiwalaan ka, iyon ang hindi nabibili. "And for fourteen years, pinagkakatiwalaan ako. "Kaya sa abot ng makakaya ko, kahit na anong hirap, ibinabalik ko lang 'yon. 'Yon na ang pinakabayad ko. "Kasi konti ang bayad ko rito compared sa show business. Tapos dito kinakaltasan pa! Ha-ha-ha! "So, hindi biro talaga. "And then, show business... third priority. "Kahit papa'no, heto pa rin ako. After so many years. "So, when you're comfortable... I'm living comfortably, at least kahit papa'no siguro it will show. "Kahit kasi anong ganda mo, kapag problemado ka, kahit papa'no lalabas sa mukha mo na problemado ka. "Kaya 'yon lang ang panalangin ko. Okey na ako rito, Lord. Happy na ako living comfortably."
DEATH THREATS. May death threats pa rin ba siyang natatanggap? "Huwag na naman. Awa ng Diyos... Huwag naman po. "Maganda po ang intensiyon ko. Wala akong inaapakan. "Pero you know, at the end of the day, wala ka namang assurance, e. "Ang kapit ko na lang, basta every time na aalis ka ng bahay, nagdarasal ako, 'Lord, ikaw na, take over.' "'Yon na lang, e. Sino ba ang kakapitan mo? "Sa news, di ba? Mismong sa munisipyo, nagkakaputukan. "And ito lang..." sabay labas ng isang golden rosary na nasa kanyang bulsa. "Dala ko ito always. Ito, kung ilang taon ang bunso kong si Ryan, gano'n na rin katagal ito. "Because anniversary namin ni Ralph nang ibigay niya sa akin ito. And I was pregnant with Ryan."--
Ruben Marasigan, PEP