ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Mike Tan cries after getting his biggest break from home network


Finally, ang Ultimate Male Survivor ng StarStruck Batch 2 na si Mike Tan ay nabigyan na rin ng GMA-7 ng maituturing na biggest break niya. Ito ay ang pinakabagong afternoon series ng Kapuso network, ang Kung Aagawin Mo Ang Langit, na magsisimula nang mapanood sa Lunes, September 19. Marami nga ang natuwa para kay Mike. Sa kanyang looks at height pa lamang ay noon pa raw sana siya nabigyan ng chance at na-groom bilang isa sa mga leading men ng network. Hindi naman ikinaila ni Mike na naghintay rin siya. At ngayon nga, masasabing nabiyayaan na rin siya ng matagal na ring inaasam na break sa kanyang career. Ang character ni Mike sa Kung Aagawin Mo Ang Langit ang pag-aagawan ng papel ng dalawang Kapuso actresses na sina Carla Abellana at Michelle Madrigal. Puwedeng sabihin na nasa kanya ang challenge at pressure ngayon dahil siya ang male lead sa kanilang drama series. Ayon kay Mike, "Kung alam n'yo lang po kung gaano ako nahihirapan sa pag-arte, [at] paggawa. "Sobrang natsa-challenge ako sa sarili. "Gusto ko palaging nakakausap si Direk Jay [Altarejos] dahil siya ang nakakaalam kung paano ko made-deliver [nang maayos ang role ko]. "Kasi, itong role na 'to, itong character na ito, never ko pa siyang nagawa. "At itong character na ito, hindi ako 'to. Kabaligtaran ko talaga. "Si Jonas [his character] kasi, playboy siya. Pero noong magkaroon siya ng asawa, ipinangako niya sa asawa niya na kahit kailan, hindi niya ito paiiyakin. "E, nagkataon na yung dating naka-one-night stand niya, naghahabol pa rin sa kanya. "Tapos na-coma siya [Carla's character]. And then si Michelle, siya ang naging surrogate mother na nagdala ng sperm cell ko at ni Carla. "Pero, walang contact, lahat po, science lang." Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mike sa presscon ng Kung Aagawin Mo Ang Lahat nitong Martes ng gabi, September 13, sa 17th floor ng GMA Network Center. GREAT EXPECTATIONS. May malaking pressure ba siyang napi-feel kapag sinasabing "leading man"? "Sa totoo lang po, dumating na po sa puntong nasabi ko na, 'Huwag naman sana [pumalpak].' "Kasi, kapag leading man ka, lahat hawak mo. Rating, kailangan maganda ang show. "Lahat nasa 'yo ang sisi. Kaya ang sa akin, hindi ako puwedeng mapalagay lang. "Kailangan, kada-taping, yung best mo. Everytime na sabihin ni Direk na, '5, 4, 3, 2, action!' nandoon ka na agad. "Hindi ka na dapat nagpapabaya." Ano nga ba ang bagong makikita sa kanya ngayon ng mga manonood? "Sa akin naman po, kung ano ang ginagawa ko noon, ganoon pa rin naman po ang ginagawa ko ngayon. "Kung gaano po ako kaseryoso noon, ganoon pa rin po ako kaseryoso ngayon. "Hindi ko po minamadali lahat. Para sa akin, kung ano ang ibinigay sa akin, kailangan tapusin ko. "Kailangang paghandaan ko at kailangan ipakita ko kung ano ang hinihingi ng script. Hindi basta-basta iaarte mo lang. "At nagpapasalamat naman ako kay Direk Jay Altarejos. "Hindi niya talaga ako pinapabayaan. Lalo na kapag ayaw niya ng ginagawa ko, pinapaulit niyang talaga."' KISSING AND LOVE SCENES. Ngayong araw raw na ito, September 14, ite-tape ang kissing scenes nila ni Michelle. "Marami pong kissing scenes. May mga bed scenes. May naka-trunks [ako]. Bukas [ngayong araw] pa lang po ite-tape. "Kinakabahan din po ako, kasi first time ko siyang gagawin. "Pero, sinasabi ko rin na trabaho lang 'to. Pero, nakahanda naman na po ako. "Marami na rin akong pinagdaanan kaya kahit anong ipagawa sa akin, okay na 'ko." SECOND CHOICE. Hindi naman lingid sa karamihan, na napunta kay Mike ang role na originally ay Paulo Avelino sana. Ito ang sinasabing project na dapat ay gagawin sana ni Paulo sa Kapuso Network, pero mas pinili na ngang maging isang Kapamilya nito. Ayon kay Mike, "Opo, nasabi naman po sa akin yun. Noong sinabi sa akin noong una, okay lang siya. "Parang sanay na po na masabihan ka. Okay, may trabaho. "Tingnan natin kung ano ang mangyayari. "Kung matutuloy, o hindi. Pero noong kinausap na ako ng mga boss, noong kinabukasan, doon na nag-sink in sa akin ang lahat. "Na, 'eto na pala talaga. Na magsisimula na ako. Na leading man na pala [ako]. "Tapos yun, kinabukasan, habang nagdarasal, hindi ko napigilan. Bigla akong umiyak." Para saan ang naging pagluha niya? "Siguro, para sa lahat ng naging paghihirap ko, tapos, heto na pala." Nandoon ba yung pasasalamat niya na hindi nga napunta kay Paulo ang project? "Hindi ko po siya nakitang ganoon. Kasi, para sa akin, empleyado lang naman po ako rito. "Kung anuman ang ibigay sa akin, tinatanggap ko po. "Nagkataon po na may isa pong umalis at sa akin po naibigay ang role. "Tatanggapin ko po at masaya po ako ro'n." Sumagi ba sa isip niya na kailangan pang umalis o lumipat ng isang Kapuso, tulad ni Paulo, para mabigyan siya ng isang leading man project? "Naisip ko lang po yun pagkasabi niyo sa akin. Ngayon lang. "Puwedeng sabihin natin na totoo, pero kinausap naman ako ng mga boss. "Sinabi sa akin na, 'Hindi porke't umalis si Paulo kaya kami namin binigyan.' "Hindi. Hindi sa ganoon. Baka napaaga lang, napaaga lang siya." -- Rose Garcia, PEP