ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Bong Revilla wants a movie with Shamcey Supsup


Isang araw na lang at matatapos na raw ang principal photography ng Panday 2 na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla. Kalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival 2011 ang nasabing pelikula. Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Bong sa shooting ng Panday 2 sa Pansol, Laguna, ibinalita nitong kukunan ang natitirang huling araw ng shooting ng kanyang movie sa Underground River sa Palawan. Kasama sa naturang eksena sa Palawan si Marian Rivera, na isa sa dalawang leading ladies niya bukod kay Iza Calzado. Inabot daw ng walong buwan ang shooting ng movie para mapaganda ito nang husto. Ito raw ang pinakamatagal na nagawang movie ni Bong dahil pagkatapos pa lang ng pelikulang pinagsamahan nila ni Vic Sotto noong nakaraang taon ng MMFF, ang Si Agimat At Si Enteng Kabisote, tinatrabaho na ang pre-production ng Panday 2. BIG STARS. Sa laki ng production budget ng pelikulang ito, ayon kay Bong, pwede na raw silang gumawa ng dalawang pelikula. Star-studded din raw ang movie project na ito. "Nag-guest dito si Lorna [Tolentino]. Nandito rin si Lucy [Torres]. Nandito rin si Alice [Dixson]. Si Phillip [Salvador], nandito pa rin. "Si Eddie Garcia kasama namin. Bale, yung mga kasama ko sa naunang Panday ko, kasama pa rin dito. "Kung isasama yung Dugo ng Panday, pangatlong Panday ko na ito. "Pero as Flavio talaga, pangalawa ko ito," paliwanag niya. Dagdag pa ni Bong, "Ang bigat kasi ng challenge sa amin. Kailangang ma-surpass namin yung Panday 1. "Tapos, maraming characters na babagong papasok. Kailangang balansehin mo. "Kasi may pangalan lahat. Kailangan din na ang effects namin better than the first one. "Actually, yung pagkakapanalo namin no'ng best picture, best actor [for him], best supporting actor [for Phillip Salvador] nong Panday 1, kaming lahat, 'yun kaagad ang inisip namin kung paano namin masu-surpass yung first Panday sa susunod na Panday. "So, noon pa lang, pinagpaplanuhan na namin kung paano paghahandaan yung part two. So, two years preparation 'yan. "Di ba, last year, I did Agimat at si Enteng? Yun ang pinaka-break namin. "At least, I have more time to prepare yung part two ng Panday. "Yung pinaghandaan namin ng dalawang taon, 'eto yung magiging bunga. Yung resulta. "Kaya I'm sure, hindi tayo mapapahiya. Makikita ninyo, yung galaw ng dragon. "Kung dati isang dragon lang ang nakikita nila, ngayon maraming dragon. "At may ka-loveteam na si Bagwis. Abangan ninyo kung ano ang takbo ng istorya na 'yan," pagmamalaking lahad ni Bong. LT'S ROLE. Ayaw munang ibigay ni Bong ang kabuuang role ni Lorna bilang witch, o mangkukulam. May kakaiba raw kasi sa role na ito ng kaibigan. Ganundin ang partisipasyon ni Lucy sa pelikula na sinasabi ni Bong na napakaganda. Sa pagkakaalam namin, ayaw ni Lucy na gumawa ng pelikula. Pero, napapayag siya mismo ni Bong. "In-explain sa kanya ang magiging role niya. Siyempre, nakuha rin natin sa matamis na pakiusap kung puwede. "Kinakusap ko si Lucy at si Goma [Richard Gomez, asawa ni Lucy]," salaysay ni Bong. Samantala, kahit kailan ay hindi pa raw bumibisita ang kasintahan ni Marian na si Dingdong Dantes sa set ng Panday 2. Pero nilinaw ni Bong na walang isyu dito. "Puwede namang dumalaw anytime. Wala namang isyu doon. "Baka busy lang siya," saad ni Bong. Nang matanong kung sino kina Iza at Marian ang mas masarap humalik sa kissing scenes nila. Nangingiting sumagot si Bong na parehas lang. MOVIE WITH SHAMCEY? May sagot at paliwanag din si Bong sa nabalitang dapat sana ay isasama sa project na ito si Miss Universe 2011 3rd runner-up Shamcey Supsup. "Not in this movie, siguro sa mga susunod. Pero, hindi pa yata siya allowed gumawa." Sa susunod na taon raw ay pipilitin ni Bong na gumawa ng dalawang pelikula. Pero, hindi pa sigurado kung makakasama na niya si Shamcey sa unang pelikulang gagawin dahil may kontrata pa ito sa Binibining Pilipinas Charities, Inc. Kasama raw talaga sa plano niya ang makasama sa movie ang beauty queen. "Depende rin kasi kay Shamcey kung gusto niya. Pero, sabi niya kasi wala pa siyang plano at may contract pa siya. "Hihintayin natin yung tamang panahon for that. Pero ako, gusto ko siyang makasama." -- Rey Pumaloy, PEP