Posibleng mag-overlap ang taping ni Mike Tan ng kanyang Kapuso afternoon series na
Kung Aagawin Mo Ang Langit (KAMAL) at ang bago niyang primetime series na
Legacy. "Magpapatong siguro talaga yung taping dahil extended ang
KAMAL ng four weeks," pahayag ng binata nang dalawin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng kanyang binanggit na serye. "Another four weeks, so siguro nasa two months na rin ang extension namin. "Pero siyempre, kakayanin. Kahit mahirap, nandoon ako sa challenging ang mga nangyayari sa akin. "Like sa character ni Jonas sa
KAMAL, grabe, grabe ang nangyayari." Thankful daw si Mike sa mga sumusuporta ng afternoon series nilang
Kung Aagawin Mo Ang Langit nina Carla Abellana at Michelle Madrigal at gayundin sa writers ng kanilang soap. "Yung kuwento kasi, sila ang gumagawa noon," patungkol niya sa writers ng series nila. "Buti na lang, nagugustuhan ng mga tao. "E, kami namang mga artista—si Carla, si Michelle, ako—lahat ginagawa namin. "Hindi lang ako kung hindi maging nandiyan sina Direk Ricky [Davao], Jan Marini...lahat tumutulong."
GOOD CHANGES. Ano ba ang nabago sa kanya ng
Kung Aagawin Mo Ang Langit? Nangiting sabi ni Mike, "Dati ko naman na yun ugali na nagpo-focus sa trabaho. "But I think, mas napa-practice ko ang acting ko. Mas lumalalim. "Although, para sa akin, mahirap talagang umarte lalo na kapag hindi ikaw ang character. "Dapat bigyan mo talaga ng panahon, effort, at aralin mo ang script mo. "Ako talaga, palagi akong nagbabasa ng script para pagdating sa set, ready na."
"I'M JUST DOING MY JOB." Ang
Kung Aagawin Mo Ang Langit nga ang naglunsad kay Mike bilang isang leading man ng Kapuso network. Ngayon ba, masasabi niyang nararamdaman na niya ang ganoong status? "Hindi pa, hindi talaga. Hindi ko siya ganoong nararamdaman. "Sa akin, nagtatrabaho pa rin ako at kung ano ang ibinigay sa akin, gagawin ko. "Kung anuman ang meron ngayon, nagpapasalamat ako dahil maraming nagbago, maraming [nang] nakakakilala [sa akin]. "Pero, ayokong sabihin sa sarili ko na isa na ako sa mga leading men ng Channel 7. "Oo, leading man ako rito nina Carla at ni Michelle, pero artista lang ako ng GMA- 7." Dugtong pa niya, "Ako kasi, mas maganda na mas magiging humble lang ako sa mga ginagawa ko. "I'm just doing my job. Yun lang." Hindi ba siya yung tipo ng artistang kapag nagbida na, kailangan bida na lahat ng susunod na gagawin niya? Ayon kay Mike, "Hindi, kasi sa akin, mas maganda nga na kung nagbida ka rito, puwedeng character role naman ang susunod. "Hindi yung leading man, leading man. "Tapos, sabihin natin na may nagbago sa character mo, pero konti lang."
FOR THE BETTER... Kumpara sa Cosmo Bachelor Bash appearance niya noon na hindi siya masyadong pinalakpakan, ngayon daw ay nakikilala na siya ng mga tao kahit saan siya magpunta. At ito ay dahil nga sa napapanood siya sa kanilang afternoon series. Para kay Mike, nakatulong ang naging experience niya sa Cosmo Bachelor Bash imbes na negatibo ang naging epekto nito sa kanya. "Hindi talaga. Alam ko na kababalik ko pa lang. Hindi ako nag-expect masyado. "Actually, kabado nga ako. "Every time, lalo na ngayon kapag regional [shows], every time na sasampa ako sa stage, kinakabahan pa rin ako. "Hindi ko alam kung ano ang magiging response ng mga tao sa akin lalo na ang mga probinsya talaga. "Pero, I'm very thankful and blessed sa lahat ng nangyayari ngayon," saad niya. Para kay Mike, ang taong 2011 ang makukunsidera niyang isa sa pinakamagandang taon niya sa showbiz. Bukod sa
Trudis Liit na sinundan ng
Captain Barbell, nagtuluy-tuloy siya sa pagbida sa
Kung Aagawin Mo Ang Langit. Aniya, "Ngayong taon na rin ako nabigyan ng break. "Para sa akin, dito ko napatunayan kung ano ang kaya kong gawin as an actor. "Hopefully, magtuluy-tuloy. Pinipilit ko naman na palaging pagalingin ang sarili ko."
CHRISTMAS WITH THE TAN FAMILY. May Christmas wish ba siya? "Sana, magtuluy-tuloy na," nakangiti niyang sabi. "Sana sa 2012, mas maging maayos na ang lahat. "At mapansin na rin ng mga tao kung ano ang pinaghihirapan kong gawin bilang isang artista." Paano niya ipinagdiriwang ang Pasko? Ayon kay Mike, "Simple lang with my family. Noche buena. "Basta magkakasama kaming buong pamilya. "Kinabukasan, kasama ang Tan family for reunion. Palaging ganoon, paulit-ulit at hindi ako nagsasawa na gawin yun. "Ayokong gumawa ng iba kasi 'eto yung masaya ako." --
Rose Garcia, PEP