PEP Exclusive: Hindi lang sa Pilipinas pinag-uusapan ang balitang nagdi-date nga si Pangulong Noynoy Aquino at ang DJ-host na si Grace Lee. Maging sa Korea, kung saan ipinanganak ang 28-anyos na GMA News personality, ay naging laman din ng pahayagan ang dalawang personalidad. Kinumpirma ito mismo ng talent manager ni Grace na si Arnold Vegafria sa on-the-spot interview sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Huwebes, Pebrero 2, sa opisina ng Summit Media. Ayon kay Arnold, "Yes. The Korean media—broadcasting companies there, mga TV networks, newspapers, daily news—they're calling me until now. "They want to interview Grace, but si Grace nagde-decline for interview, e." Dagdag pa ng talent manager, ilang crew members mula sa tatlong TV networks sa Korea ang nakatakdang dumating sa bansa upang makapanayam ang kababayan nilang si Grace. "Very flattered" at "very proud" daw kasi ang mga Koreans sa pagkaka-link ng 29-anyos na dalaga sa Pangulo ng Pilipinas. "Parang, just like us, 'di ba tayo nga dito, chef lang [na Pinoy] ni Obama proud na tayo? E, what more the Koreans? "It's the president of the country and they know that our President is still a bachelor. "Parang they know that the President is charming. "So, parang...the Koreans know, parang kinikilig sila for Grace."
WHO IS GRACE LEE? Si Grace Lee o Lee Kyung Hee (ang kanyang Korean name) ay ipinanganak noong Oktubre 4, 1982 sa Seoul, Korea. Parehong Koreano ang kanyang magulang. Sampung taong gulang si Grace nang lumipat ang kanyang pamilya dito sa Pilipinas dahil sa negosyo ng kanyang ama. Nag-aral siya ng high school sa St. Paul College sa Pasig at nagtapos ng kursong interdisciplinary studies sa Ateneo de Manila University. Unang nakilala si Grace bilang radio jock ng Magic 89.9, kung saan nakasama niya sa programa ang controversial DJ na si Mo Twister. Matatandaang si Mo ang unang nagbalita sa publiko ng tungkol sa pagde-date nina Grace at PNoy nang mag-tweet ito noong Enero 26 ng: "We are talking about Grace Lee's date last night with President Aquino. #itsmorefuninthephilippines."
MEETING THE PRESIDENT. Pinagkuwento pa ng PEP si Arnold tungkol sa pagku-krus ng landas nina Grace at Pnoy. Aniya, "I don't know when nag-start iyong [pagde-date]. "But I know nagkita sila at first sa Cebu when Grace hosted the Korean power plant event, of which the President was the speaker. "And then nung time na 'yon, the President, akala niya Cebuana si Grace." Ang tinutukoy niya ay ang inagurasyon ng Korea Electric Power Corp. power plant na naganap noong Hunyo 27, 2011 sa Barangay Colon, Naga, Cebu,. Dito tinawag ni PNoy si Grace na "guapa." Sa pagpapatuloy ni Arnold, "Second meeting niya was when the President of Korea visited our country for official visit and Grace was in Malacañang as an interpreter and she hosted the event." Naganap naman ito noong Nobyembre 20, 2011. At ang pinaka-recent ay bago nagtapos ang taong 2011, kung saan nagpaunlak ng panayam ang Pangulo sa radio show ni Grace na Good Times. "Thirdly, iyong huling-huli, was she was given a task doon sa show niya sa Magic 89.9 to interview the President for her radio show, a one-on-one interview, and that's it. "Hindi naman niya ine-expect na, you know, mai-spark pala ang Presidente sa kanya. "Parang just nothing, wala, he's a gentleman, pero nothing, wala." How does Grace find the President? "Ano daw, witty and smart, that's what she told me. "Kasi I asked her, 'How do you find the President?' and she answered, 'I think he's one of the smartest persons I ever interviewed or conversed—very witty, smart. He makes me laugh.'" Nabanggit din ni Arnold na bago nagsimulang makipag-date si Grace kay Pangulong Aquino ay kagagaling lamang nito sa mahabang relasyon sa isang Korean national. At bagamat na-link siya dati kay James Yap at nagpahayg din ng paghanga ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao, wala pa raw Pinoy na naging boyfriend si Grace.
A MANAGER'S ADVICE. Kumpara sa dati nitong tahimik at pribadong buhay pag-ibig, aminado si Arnold na magiging malaki ang epekto sa career at pagkatao ni Grace ang tinatamasa nitong atensiyon mula sa publiko ngayon. Aniya, "Siyempre nakikilala siya [Grace]. "Sabi ko nga sa kanya, 'You're life will not be the same again because you're linked with the President. "'So, ang mga tao all eyes on you, so you have to be, you know, careful sa mga galaw mo. "'And not only that, pati iyong physical mo kailangan...[siyempre] may magpipintas, may mag-a-ano, may magugustuhan ka. "'So, you can't please everyone.'" Payo naman niya kay Grace: "Well, I always advice her na, 'You always have to guard your heart all the time. This is not an easy...this is not a normal kind of situation.' "'Kung ano, what will happen, kung iyong special friendship niyo maging ano, it's not normal, like iyong ex-boyfriend mo he's just an ordinary citizen. "'Now it's the president of our country so totally magbabago iyan.'" Bukod dito, nagmistulang fashion adviser din daw si Arnold noong tanungin siya ng alaga kung ano ang dapat nitong isuot sa isang family gathering ng mga Aquinos, kung saan nakilala ni Grace ang mga Presidential sisters na sina Ballsy at Pinky. Kuwento ng talent manager, "She was very nervous that time at nagkuwento siya sa akin [nagtanong], 'Ano'ng dapat kong suoting damit?'" Pinayuhan umano ni Arnold si Grace na, "Mag-red dress siya, then light makeup, then nakatali lang iyong hair niya, simple." Subalit hindi raw niya alam kung sinunod ito ng dalaga. Dagdag pa niya, "Maraming invitation sa kanya si President for the family gatherings ng mga Aquinos, but she always declines. "Parang for her, parang nakakahiya baka...medyo intimidated siya sa mga sisters. "Pero itong last, iyong birthday yata ng brother-in-law niya [PNoy], I think it's the husband of Ballsy, ayun, she asked my opinion, she [asked for] advice if 'Will I go?' "And I said, 'Well if he's serious with you na ipapakilala ka niya sa family niya, so that means he's serious with you. So, why don't you just try? Check it out.'"
TENSION WITH KRIS? Tinanong ng PEP kung bahagi ba ng nerbiyos na nararamdaman ni Grace ang makaharap ang bunsong kapatid ni PNoy na si Kris Aquino. Matatandaang naging usap-usapan noon na niligawan ng basketbolistang si James Yap, dating asawa ni Kris, ang dalagang Koreana. Ani Arnold, "She's not going out with James. Hindi totoo 'yon. "Wala [tensiyon], kasi she's confident naman na nothing is going on with her and James. "Kinakabahan siya kasi hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon ng family ni [PNoy]. "Siguro it's a natural feeling ng isang girl..." Posible kayang mauwi sa kasalan ang pagkakaibigan ng dalawa lalo't nakilala na ng mga Aquino ang bagong babae sa buhay ni PNoy? "Sana huwag muna kasi nag-uumpisa pa lang siya ng magandang career," sagot ni Arnold. Bukod kasi sa TV at corporate shows sa Pilipinas, may mga nag-o-offer din kay Grace upang mag-host ng isang news program sa Korea. Itinuturing naman ni Arnold na magandang balita para sa bansa na nakahanap ang Pangulo ng bagong inspirasyon. Aniya, "Sa dami ng problema ng country natin, at bachelor naman ang president, so kailangan niya ng inspiration. "I think Grace is not a distraction, she's an inspiration. "She's a decent woman; she's smart, beautiful. "The Koreans are proud of her, so I think she's a good inspiration for the President." --
Demai G. Sunio-Granali, PEP