John Prats, apektado raw sa breakup nila ni Bianca Manalo, ayon sa kapatid na si Camille
Todo ang suportang ibinibigay ng Kapuso actress na si Camille Prats sa kanyang kapatid na si John Prats. Kamakailan lang ay napabalitang nakipaghiwalay na ang aktor sa kanyang kasintahang beauty queen turned actress na si Bianca Manalo. Sa artikulong isinulat ni Abby Mendoza na nalathala sa showbiz website na Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Miyerkules, mariing itinanggi ni Camille na may kinalaman ang kanilang pamilya sa pagkakahiwalay nina John at Bianca. Ipinagtanggol din ni Camille ang kanyang kapatid laban sa mga alegasyon na ‘playboy’ at ‘heartbreaker’ ito. Katunayan, nalulungkot daw si John sa pinakabagong bigong relasyon nito. Bukod kay Bianca, naging karelasyon din ni John ang Kapuso artist na si Rachelle Ann Go at ang young actress na si Shaina Magdayao. Kapwa tumanggi sina John at Bianca na sabihin ang dahilan ng kanilang breakup. Pero may mga balitang lumalabas na may third party sa kwento ng hiwalayan. Kabilang sa nasasangkot ay ang Sexbomb dancer Sunshine Garcia. Pero ayon kay Camille, walang katotohanan na pelikero ang kanyang kapatid. Nalungkot daw ito sa nangyaring relasyon nila ni Bianca kaya todo suporta siya kay John para maka-recover kaagad. “Kasi sa totoo lang, napu-frustrate siya kasi he’s reaching the point in his life wherein he wants to settle down," pahayag ni Camille sa ulat ng PEP. Kahit pagod mula sa trabaho, may time daw si Camille para makipag-usap kay John. Pinapayuhan daw niya ang kanyang kuya na darating din sa kanya ang tamang makakasama sa buhay. “Puyat na nga ako sa taping, pag-uwi ko, puyat pa ako sa pakikipagkuwentuhan sa kanya… kasi I really want him to be there for him…," ani Camille. “Sa aming dalawa, si Kuya yung medyo weak." Sa kabila nito, tiwala ang Kapuso star na malalampasan ni John ang bagong pagsubok na pinagdadaanan sa buhay nito. Mapapanood si Camille sa GMA Telebabad show na ‘Luna Blanca’ tuwing gabi at malapit na rin siyang mapanood sa kanyang bagong talk show na ‘Mars.’ - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News