Martin Escudero, wala raw nakarelasyon na transvestite
Itinanggi ng StarStruck Batch 4 alumni na si Martin Escudero na may nakarelasyon siyang transvestite na nagngangalang “Jerich." Nag-ugat ang kontrobersiya sa nakaraang episode ng Showbiz Central kung saan sinabi umano ng transvestite na si Jerich na tatlong nagmula sa reality show ang nakarelasyon niya — kabilang umano si Martin. Kabilang si Jerich sa libu-libong nag-audition sa bagong talent search show ng GMA-7 na Protégé. Pero sa ulat ni Kathleen Benavidez na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Miyerkules, sinabi ni Martin na nagulat siya kung papaano nagsimula ang naturang isyu. “Ngayon lang din. Ngayon ko lang din nalaman. Naiintriga nga ako … kasi nahihiwagaan ako… “Wala akong alam dun pero… oo, wala rin akong nakarelasyon na pangalan na Jerich," ayon kay Martin. Aalamin daw ng aktor ang buong kwento tungkol sa intriga. First time rin na napasama si Martin sa listahan ng YES! Magazine’s 100 Most Beautiful Stars. Muli rin siyang mapapanood sa 14th installment ng horror trilogy na Shake Rattle & Roll ng Regal Entertainment para sa Metro Manila Film Festival ngayong taon. - FRJ, GMA News