ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nadia Montenegro on reconciliation with Gretchen Barretto: 'We both sincerely meant it'


Maliban sa isang insidente ng gulo, maraming magagandang nangyari sa burol ng Comedy King na si Dolphy sa Heritage Memorial Park and Crematorium sa Taguig City noong nakaraang linggo. Nagsama-sama ang karamihan ng mga taga-showbiz industry upang magbigay-bugay sa Hari ng Komedya. Nagsilbi rin itong reunion para sa mga matagal nang hindi nagkikitang celebrities. Dito rin naganap ang pagbabati ng matalik na magkaibigang Nadia Montenegro at Gretchen Barretto, matapos ang ilang taong hindi pag-uusap. Matatandaang nagkaroon ng alitan ang dating Regal babies noong 2008 dahil sa pagkakalat diumano ni Nadia ng masamang balita tungkol kay Gretchen; kabilang na ang relasyon daw ng huli sa pulitikong si Dody Puno. Ngunit noong July 13, Biyernes, sa burol ni Dolphy sa Heritage Park ay nagtagpo sina Nadia at Gretchen. Dito na rin nila tinapos ang kanilang hidwaan na tumagal ng apat na taon. Sa pamamagitan ng Facebook private messaging, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nadia nitong Martes, July 17. THE UNEXPECTED MEETING. Itinanong namin sa kanya kung paano nasimulan ang pagbabati nila ni Gretchen sa burol ng Comedy King. Ano ang umpisang senaryo? Sino ang unang gumawa ng move? Kuwento ni Nadia, “Dumating ako mga 6 p.m. sa wake, and siyempre madadaanan ko lahat ng media, konting interview, etc… “Biglang eksakto, may kotseng dumating, bumaba sina Gretch and Tonyboy [Cojuangco, Gretchen’s partner], with Marjorie [Barretto, Gretchen’s sister]. “So I moved aside, gave way, para hindi kami magkabanggaan ng mga media at cameramen. “Sabi ko kay Tania [Montenegro, Nadia’s sister], ‘Let them go ahead.’ “Nagkatinginan kami ni Gretch and we both smiled. “Tapos nung nakapasok na sila sa hallway, saka naman kami naglakad going to the same direction, when biglang nakita ko si Gretch walking back to where I was. “Then she hugged me and ako din. “Matagal, warm yung embrace namin. Ayun! “Tapos biglang nag-joke siya, ‘Girl, ginulo mo buhok ko!’ “Nagtawanan kami! Ayun. "Tapos I told her, ‘Remember the last time we saw each other was in Tito Dougs’s wake din here?’" Ang yumaong si Douglas Quijano ay talent manager nina Richard Gomez, Lucy Torres, Joey Marquez, Janice de Belen, John Estrada, at marami pang iba. Sa Heritage Park din siya ibinurol noong 2009. Patuloy ni Nadia, “Sabi niya, ‘We should stop seeing each other in wakes!’ “Yun lang! Then we entered the wake together, and sat together. That’s it." SINCERE. Ano ang naramdaman ni Nadia habang nagaganap ang pagyayakap at pagbebeso nila ni Gretchen? “It felt good and sincere," tugon ni Nadia. “Tsaka Gretch has always been in contact with Tania. Hindi lumalampas ang one week na hindi nag-uusap ‘yan. “She has always been there for me and the kids. Hindi lang kailangang malaman ng lahat, di ba?" Alam daw ni Nadia na bukal pareho sa loob nila ni Gretchen ang pagkakasundo nilang dalawa. Hindi ba sila nag-alinlangan o nailang? O lumuwag ang pakiramdam niya dahil sa nangyari? “Yes, we both sincerely meant it. “Nung nakita ko siya, wala na akong naramdaman na kahit anong negative kasi nga, through Tania, okay kami noon pa. “Hindi lang talaga kami nagka-chance mag-usap at magkita in the last three years. “I'll take it one step at a time. Ang importante, nagkita at nagkaayos na kami." Sa palagay ba ni Nadia, umpisa na ito ng pagkakabuo muli ng friendship nila ni Gretchen? Magiging katulad ba ito ng dati nilang pagkakaibigan? O ginawa nila lang iyon dahil nagkabiglaan na at nasa burol sila? “Hindi biglaan, hindi din plinano. Hindi expected na magkikita dun. “Sabi ko nga, hanggang sa kamatayan, gumawa pa din si Tito Dolphy ng peace and harmony sa lahat," sabi ni Nadia. Sabay na ini-launch bilang Regal babies sina Nadia at Gretchen sa pelikulang 14 Going Steady noong 1984. NO COMMENT. Samantala, tinanong ng PEP si Nadia kung ano ang komento niya sa gulong nangyari sa pagitan nina Annabelle Rama at Chito Alcid sa burol din ni Mang Dolphy. Bagamat noon ding gabi ng July 13 nangyari ang gulo nina Annabelle at Chito, nakaalis na si Nadia nang mangyari ito. Sagot ni Nadia, “Ayoko na sanang mag-comment sa nangyaring gulo sa pagitan nila. “Nakakalungkot lang. Sobrang positive ko na ngayon. Magaganda mga nagyayari sa akin at sa pamilya ko. “Gusto kong maging carrier ng positive at good vibes sa lahat. "I’ve been going to church more often now at talagang napakalaking tulong sa mga dagok at pasan namin these last few months kaya pinapasa-Diyos ko na lahat. “Sana lang talaga matigil na." -- Rommel Gonzales, PEP