ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Businesswoman Cristina Castillo confirms separation from comedian Ariel Villasanta


“Malungkot mang aminin, oo, hiwalay na kami ni Ariel." Ito ang naging pag-amin ng businesswoman na si Cristina Castillo-Villasanta sa napabalitang paghihiwalay nila ng comedian na si Ariel Villasanta. Walang pang dalawang taon ang itinagal ng pagsasama nina Cristina at Ariel bilang mag-asawa. Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Cristina sa ribbon-cutting ng kanyang dalawang negosyo—ang Signature By Cristina (isang boutique na nagbebenta ng designer bags) at Muebles de Cristina (isa namang custom-made furniture company)—sa A. Venue Mall sa Makati Avenue, nitong Miyerkules, July 25. Marami ang nakapansin na wala si Ariel sa naturang event. Kamakailan ay may lumabas na blind item dito sa PEP tungkol sa isang celebrity couple na naghiwalay na. Base sa mga clues, ang tinutukoy sa blind item ay walang iba kundi sina Cristina at Ariel. At inamin nga ni Cristina sa PEP na sila ang tinutukoy sa blind item. Ayon sa negosyante, matagal na silang hiwalay ni Ariel. Kuwento niya, “Two months ago pa kami nagkaroon ng problema. Matagal nang nasa bahay nila sa Marikina si Ariel. “Hindi namin inaasahan na lalaki nang ganito, na aabot sa ganitong pangyayari. “May times talaga na may mga bagay kaming hindi napagkakasunduan. Ito ang gusto niya, ito naman ang gusto ko. “Normal naman talaga iyon sa mag-asawa. “Nagkakaroon kami ng debate. Pareho kaming hindi nagpapatalo. “Pero in the end, may compromise. Ayaw naming mag-end ang araw na magkagalit kami. “Pareho kaming gagawa ng paraan para magkaayos kami. Nagagawa naman namin iyon. “Pero sa pagkakataong ito, pareho kaming naging mahina. “Ayaw man naming umabot sa ganito, pero ito na iyon. Wala na kaming magagawa pa." TEXT MESSAGE. Isang text message daw mula kay Ariel ang nagtapos sa kanilang relasyon bilang mag-asawa. Kuwento ni Cristina, “Noong matanggap ko ang text message niya, nagulat ako. “Akala ko ay magkakaayos kami… na ita-try naming ma-save ang relasyon namin. “Ako na ang nagpakumbaba sa kanya. Ako na ang nakiusap na huwag naming paabutin sa ganito. “Pinuntahan ko pa siya sa bahay nila sa Marikina kahit na malakas ang ulan. Gusto ko lang na makapag-usap kami nang maayos. “Very cold ang pagharap niya sa akin. Sinabi niya sa akin na pag-iisipan daw niya ang lahat. “Buong akala ko, maayos na. Pero noong mag-text nga siya, malinaw na ayaw na niya. “Ano pa ba ang gusto niyang gawin ko? Ginawa ko na ang lahat para makita niya na handa akong sumunod sa mga gusto niya. “Kahit na alam kong mahihirapan ako, susundin ko pa rin siya dahil mag-asawa kami—dahil mahal ko siya. “Hindi niya ako siguro kayang harapin kaya dinaan na lang niya sa pag-text. “Sobra akong naiyak. Pati mga anak ko, umiyak sila dahil naging close na sila kay Ariel." Sa text message ni Ariel ay nagpasalamat ito kay Cristina dahil sa pagmamahal na ibinigay nito sa kanya at sa inang si Mommy Elvie Villasanta, na kasalukuyang may sakit. Sinabi rin ni Ariel sa text na sana raw, kahit na hindi tumagal ang kanilang pagsasama ay manatili na ang kanilang pagiging magkaibigan. HEALING. Ayon naman kay Cristina, sa huling pag-uusap nila ni Ariel ay sinabi ng comedian na kailangang “gamutin" nito ang kanyang sarili. “Sinabi niya na wala akong kasalanan. Siya raw ang may problema at kailangan daw niyang gamutin ang sarili niya. “Hindi ko siya maintindihan. Ano ba ang ayaw niya? “Lahat naman ibinigay ko sa kanya. Handa akong makinig sa kanya kung anuman ang problema niya. “Pero parang sarado na ang isipan niya. Gusto niyang sundin na lang ang gusto niya. “Yun ang hindi ko pa rin maintindihan hanggang ngayon," nagtatakang sabi ng businesswoman. CHANGING ARIEL’S IDENTITY. May nagsasabi na isa raw sa kinimkim na problema ni Ariel ay nang baguhin ni Cristina ang personalidad ng asawa. Para raw nawalan ng sariling identity si Ariel, lalo na kapag magkasama sila ng misis niya. Depensa naman ni Cristina, “Wala akong nakikitang masama sa ginawa ko. “Siyempre, asawa ko siya, gusto ko na kung ano ang akin ay sa kanya rin. “Mali ba yung hinangad mo na maging maayos at presentable siya? “Hindi naman siya nagreklamo noon. Bakit ngayon lang niya nararamdaman iyon? “Wala naman akong sinabing ibahin niya ang personalidad niya. “Kaya ko nga siya pinakasalan dahil sa pagiging masayahin at palabiro niyang tao. Hindi ko pinabago sa kanya iyon," diin niya. CALL ME, MAYBE. Noong bumalik si Ariel sa kanilang bahay sa Marikina, hindi na raw ito gumawa ng paraan na tawagan man lang si Cristina. Sabi ni Cristina, “Two months ago pa siya nandoon sa Marikina after naming mag-away. Ipinahatid ko ang mga gamit niya doon. “Pero never siyang nag-text or tumawag man lang sa akin. “Hanggang sa umabot na ng one month. Doon na ako kinabahan. Natakot na ako. Iba na ang feeling ko that time. “Pero pinaniwala ko ang sarili ko na magkakaayos kami." Na-depress daw si Cristina at halos gabi-gabi ay umiiyak ito dahil sa nangyari sa kanila ni Ariel. “Mahal na mahal ko si Ariel. Yun ang ipinagmamalaki ko. “Wala akong masabing pangit sa kanya dahil maganda ang pinagsamahan namin. Marami kaming magagandang memories together. “Kaya sobra akong nasasaktan dahil sa nangyayaring ito. “Pero dahil sa kasal pa rin kami, nandoon pa rin ang respeto ko sa kanya. “Pati sa mother niya [Mommy Elvie], sobra kong mahal ‘yan. Hindi iyon magbabago. “Lagi ko naman sinasabi kay Ariel na malaki ang nagawa niya sa buhay ko. “Napapangiti niya ako araw-araw. Napapatawa niya ako kapag mainit ang ulo ko dahil sa mga trabaho ko sa opisina. “Iyon ang mga nami-miss ko ngayon. Malungkot na kapag umuuwi ako. “Kaya yung mga anak ko, sila ang katabi ko ngayon sa kuwarto. Sila na ngayon ang nagpapasaya sa akin. “Pero sinasabi ko na iba pa rin ang happiness na bigay ng isang asawa. “Nasabi nga ng isang anak ko na inakala niya na si Ariel na ang makakasama ko hanggang sa pagtanda ko. Yun din ang inakala ko. “Ngayon, balik tayo sa pagiging single ulit. Masakit pero kailangang tanggapin ko ito," saad niya. THE WEDDINGS. Ilang beses ikinasal sa labas ng Pilipinas sina Ariel at Cristina kahit na dalawang buwan pa lang silang magkakilala noon. Ikinasal sila sa Hong Kong, Japan, Thailand, at Macau. Nakaplano na rin sana silang ikasal sa Las Vegas, France, Ukraine, South Africa, at dito sa Pilipinas. Sa katunayan, naka-set na sana ang kanilang Philippine wedding sa December 12, 2012, sa Hotel Sofitel, na itinakda nila sa numerong 12-12-12. - Ruel J. Mendoza, PEP