Eddie Garcia sa kanyang sex life: ‘Kung gustong lumaban ni ‘manoy’, e, di ayos’
Sa edad niyang 83, marami ang humahanga sa beteranong aktor na si Eddie Garcia dahil napapanatili niyang malakas ang kanyang katawan. At nang tanungin ng showbiz press kung ano ang kanyang sikreto, hindi naiwasang mapag-usapan ang kanyang sex life. Sa ulat ni Nonie Nicasio sa Philippine Entertainment Portal (PEP) na lumabas nitong Biyernes, sinabi ng batikang actor-director na wala naman talaga siyang sikreto sa pangangalaga ng kanyang kalusugan. “Wala naman akong sikreto talaga. Basta, happy life, you eat the food na hindi masyadong masama sa katawan mo, you exercise…" pahayag ni Eddie na bida sa Indie film na Bwakaw. Halos 10 buwan lang ang tanda ni Eddie sa Comedy King na si Dolphy na pumanaw noong July 10 sa edad din na 83 dahil sa karamdaman. Aminado naman si Eddie na darating din ang panahon na lilisanin niya ang mundo pero nais daw niyang maging tahimik ang kanyang pag-alis na halos hindi mababalitaan ng mga tao. (Basahin: Veteran actor Eddie Garcia speaks openly about death) Si ‘manoy’ Samantala, hindi naman nakaiwas si Eddie nang matanong tungkol sa kanyang sex life at kung nakatutulong ba ito para humaba ang buhay ng isang tao. “Well, if you feel like it, pero huwag mong pilitin kung hindi. Huwag dapat haluan ng kung ano-anong gamot," pahayag ng aktor. Dahil nabanggit niya ang gamot, sinundan ito ng tanong kung hindi siya gumagamit ng Viagra na sinasabing nakatutulong na pampagana sa pakikipagsiping. “Ako, hindi ako naggaganyan, e. Kung gustong lumaban ni manoy, e, di ayos," natatawang pahayag niya. “Kung hindi naman, e, di meme [tulog] muna siya." Dagdag pa niya, napi-feel naman daw niya kapag nasa kondisyon ang kanyang ‘manoy.’ -- FRJ, GMA News