Nasa Stage 4 na ang breast cancer ng direktor na si Marilou Diaz-Abaya. Pero sa kabila nito, nagpapakatatag pa rin ang anak nito at
Faithfully star na si Marc Abaya. “Nagsimula po this year, after ng
Ikaw Ang Pag-Ibig. She had it since 2007, Stage 1. Nawala noong 2008. 2009, Stage 2. Then nawala, then lumala. “On good days, she’s good. On bad days, she’s bad," pagbabalita ni Marc tungkol sa kalagayan ngayon ng kanyang ina nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng
Faithfully nung Biyernes, Agosto 17. Ano yung sinasabi niyang good days ng mommy niya? “Nanonood ng Faithfully," nakangiting sagot ng rocker turned actor. “She’s very proud sa amin ng kapatid ko. Kasi my brother, doon naman siya sa pelikula sa kabila. Director of photography siya. Si David Abaya. So, lumabas si Mommy to watch it." Ang sinasabing "pelikula sa kabila" ay ang Star Cinema production na The Reunion, kunsaan D.O.P (director of photography) si David.
DIREK MARILOU’S DONATION TO JESUITS. Kailan lang daw, ipinamahagi na ni Direk Marilou ang archives—o koleksyon nito ng mga libro at mga pelikula—sa mga Hesuwita o Jesuits. “Yes, she did, especially her books. “Mga ‘Jedi Master’ niya yun, e," biro pa ni Marc, na paghahalintulad sa mga paring Hesuwita sa mga matatalinong Star Wars warrior-sage characters. Nangyari nga ang pagdo-donate ni Direk Marilou nung nakaraang buwan. Ang Jesuit-run na Jescom o Jesuit Communications sa Ateneo de Manila University ang pinagbigyan ng direktor ng kanyang mga koleksyon ng libro, scripts, pelikula, at iba pang memorabilia sa 32 taon niya sa Philippine Cinema. Si Direk Marilou ay isang Jescom trustee. Ang grupo ring ito ang nag-produce ng 2007 ABS-CBN TV drama niyang Maging Akin Muli starring Marvin Agustin, Noel Trinidad, at Sandy Andolong. Nagturo rin ng film courses ang direktor sa Ateneo sa loob ng 27 taon. Pero ani Marc, binigyan din daw sila ng koleksyon ng kanyang ina. “Some to the family, some to me, some to my brother. “It’s more for educational purposes. Kasi nga, anak siya ng mga Hesuwita, tulad namin ng kapatid ko na si David. “So, it’s for educational purposes." Ngunit nalulungkot naman si Marc na hindi nila naitabi ang mga lumang pelikulang nagawa ng kanilang ina. “That’s the sad thing, the reels, alam po natin na mahina po ang preservation. So, yun ang malungkot, they don’t exist anymore. It’s all gone." Pasalamat na nga lang daw sila’t karamihan sa mga pelikulang nagawa ng kanilang ina ay available sa DVD. Yung master copies lang talaga ang wala na. Malalim ang filmography ni Direk Marilou. Ang mga pinaka-naaalala ayang mga collaboration niya sa batikang screenwriter na si Ricardo "Ricky" Lee noong 1980s hanggang 1990s. Kasama rito ang ginawa nilang Brutal (1980), Karnal (1983), Alyas Baby Tsina (1984), Jose Rizal (1998, (co-scriptwriter Jun Lana), Muro Ami (1999, co-scriptwriter Jun Lana), atbp.
MARILOU DIAZ-ABAYA’S SON. Nung unang pumasok sa showbiz si Marc bilang isang singer, mas natatanong sa kanya ang kanyang ina. Mas kilala nga siya noon bilang “Direk Marilou Diaz-Abaya’s son." Hindi ba naging problema sa kanya iyon noon? “My mother is a great woman. She achieved more than I will ever…but I hope, too, to make her proud by doing good in whatever I’ll do. Whether it’s music or acting," sagot ng 32-year-old singer-actor. Wala rin ba siyang balak na sundan ang yapak ng kanyang ina sa pagdidirek naman ng pelikula? “Maybe, maybe in the future. But not yet. “Possibly, when I can’t act anymore."
BLESSED TO WORK WITH CHANDA AND REZ. Pakiramdam ni Marc, masuwerte siya sa Faithfully dahil kasama niya rito ang mga beteranong artistang sina Chanda Romero at Rez Cortez. Nakatrabaho ng kanyang ina sina Chanda at Rez sa 1984 crime-bio film na Alyas Baby Tsina. “I know I have a lot more to learn in acting so, blessed ako na kasama ko sila. “That’s why I look forward to television kasi, nandoon sila. “It wasn’t really, more than being famous, it’s to be beside them, to watch Tita Chanda how she prepares. “’How do you come back? Paano ka magbato?’ I interview them."
GRATEFUL TO GMA. Kung tutuusin, masasabi niyang ang
Faithfully ang pinakamalaking seryeng nagawa niya pagdating sa karakter. Kahit na nagsimula siyang umarte sa TV noon sa ABS-CBN, sa GMA-7 daw niya utang ang pagkaka-expose sa iba’t ibang genre ng acting. “I did a lot in Channel 2 and I will always be grateful. Sila ang nag-start. “And when I moved here, I started with I Heart You Pare, Daldalita. Then Spooky Nights Presents with Marian Rivera was wonderful. “And then, all of a sudden, balik-drama na naman. Fine tuning ulit kasi, iba ang acting sa comedy at sa drama. “That’s why, very grateful din ako sa Seven, kasi, iba-iba ang ibinabato sa akin. Hindi ako nagiging kampante ever. “And every day, may bago akong natutunan, lalo na rito kay Direk Mike Tuviera. “He reminds me to be mindful of the actors. You cannot be acting just by yourself. Hindi lang siya monologue. “You have to balance out kung sino ang kaeksena mo. Huwag mong kalimutan na may kasama ka. “These are the basics, but then, nakakalimutan mo. “You take it for granted. But then, I’m with a wonderful director, wonderful cast, wonderful staff. But of course, marami ang nagagalit sa akin," nakangiti pa niyang sabi tungkol naman sa kanyang Faithfully character na si Kevin. Isang babaero at psychotic na asawa ang ginagampanan ni Marc. Ang asawa niya rito ay si Stella, ang character na ginagampanan ni Maxene Magalona.
MIXING ROLE AND REALITY. Nangingiting ikinuwento niya na may ibang Twitter users na hindi siya maihiwalay sa character niyang si Kevin sa panghapong teleserye. “There are some who cannot differentiate the role from…sa Twitter, well, it’s cute. It’s actually very cute. “Sa personal naman, yung mga lalaki, idol daw ako. Yung mga babae, lahat galit sa akin." Pero aminado ang dating Sandwich at Kjwan lead singer na noong bata pa siya ay nagkarelasyong siya sa dalawang babae. Ngayon daw ay may karelasyon siya na best friend niya muna for 10 years. “Mag-bestfriend kami for ten years and two years pa lang kaming may relationship." Wala pa bang mga parinig ang mommy niya ng kung kailan siya magpapakasal? “No, but this one, she really likes," nakangiti niyang sabi. Biniro pa raw siya ng inang may sakit, na baka magtagal pa ang buhay nito kung bibigyan na siya ng apo ni Marc, lalo na kung babae. Bakit nga kaya hindi niya gawin na ito? “Mag-iipon muna po ako ng money," nakangiti niyang sagot. --
Rose Garcia, PEP