Anumang araw ngayong linggong ito ay manganganak na ang Kapuso actress na si Katrina Halili sa anak nila ng boyfriend niyang si Kris Lawrence. Babae ang inaasahang isisilang na sanggol ni Katrina. Noong nakaraang linggo ay dinalaw ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Katrina sa bahay nito sa may Quezon City. Noong araw na iyon ay may baby shower party na inihanda para sa kanya ang ilang malalapit niyang kaibigan sa loob at labas ng showbiz. Mas maraming bisitang non-showbiz si Katrina, kabilang na ang make-up artist at fashion stylist niya. Pero naabutan ng PEP doon sina Ynna Asistio, Jay Aquitania, IC Mendoza, at ang manager ni Katrina na si Omar Sortijas. Umaapaw ang pagkain sa loob ng bahay ni Katrina. Sabi ng aktres, hindi na siya nagluto dahil nagdala na ng kung anu-anong pagkain ang mga kaibigan niya.
NORMAL DELIVERY. Dahil kabuwanan na niya ay malaki na ang tiyan ng aktres. Tumaba rin siya ng konti, at mababanaag sa kanyang mukha ang kasiyahan. Ano ang nararamdaman niya ngayong malapit na siyang manganak? Sabi ni Katrina, “Kinakabahan rin, pero hindi ko pa masyadong iniisip. Siguro po 'pag nandoon na. “Saka, nandito naman lahat ng family ko. “Malapit lang naman yung hospital. So, anytime, madali lang akong maitatakbo 'pag ramdam ko nang manganganak na ako." Nakatakdang manganak si Katrina sa St. Luke’s Hospital sa E. Rodriguez Sr., Quezon City. Gusto niya na normal delivery ang paraan ng panganganak niya. “Noong una po, sinabi ko sa doctor ko na hindi ako magpapalagay ng pampamanhid [anaesthesia] habang nagle-labor ako. “Pero nagbago isip ko. Sabi ko, 'pag sumigaw na ako at hindi ko na kaya, saksakan na nila ako."
KATRENCE. Gaya ng nabanggit ni Kris Lawrence sa hiwalay na panayam ng PEP, “Katrence" ang pangalan ng magiging baby nila ni Katrina. Pero paglilinaw ng aktres, hindi “Kat-rence" ang pronunciation ng pangalan ng anak nila kundi “Kate-rence." “Tawag nga nina Mama, Kat-rence!" natatawang sabi ni Katrina. “Katy" daw ang magiging palayaw ng kanilang baby. Baby pink, light pink, at white naman ang motif ng nursery ng baby nina Katrina at Kris. Yun nga lang, hindi pa raw tapos ang pagpapaayos sa kuwarto. Plano rin daw ni Katrina na hindi itabi sa pagtulog ang baby niya sa takot na baka masaktan niya ito. Paliwanag ng aktres, “Kasi malikot akong matulog. “Doon siya matutulog sa crib niya at nasa tabi lang niya ako. “Ayokong subukan na itabi ko siya sa pagtulog ko, ayokong isugal. “Minsan pa naman, magulo akong matulog. Minsan yung mga unan ko, nasa sahig na… ayoko! “Pag laki-laki na. “Hindi ko talaga maaasahan ang sarili ko pag tulog." Hindi siya kukuha ng yaya? “Maghahanap po, pero hindi muna rush. Kasi mahirap mag-rush. Marami po namang tao dito [sa bahay], e."
MOM-TO-BE. Excited na rin daw si Katrina sa haharaping buhay bilang isang ina. “Siyempre po, kasi bagong challenge sa akin. Saka first time kong magkakaroon ng baby. “Saka naiinggit po kasi ako sa iba na may mga baby. Kasi cute, di ba? Mahilig po ako sa mga babies. “Tapos, gusto ko na rin kasi hirap na rin ako. Hirap na rin talaga ako. “Ang hirap matulog nang… hindi na ako mapakali pag nakahiga. “Minsan nga, gusto ko na lang ng remote na, ‘O, tulog.’ Pero hindi, e." Paano nabago ang buhay niya ng kanyang pagbubuntis at sa napipintong pag-aalaga ng bata? “Masaya po, meron kang inaalagaan na iba. “Kasi once na tanggapin mo yung baby, responsibility mo na yun kahit nasa tiyan mo pa lang, e. “Hindi ka pwedeng madapa, hindi ka pwedeng madulas. “Hindi pwedeng kung anu-ano lang ang kakainin mo. Siyempre puro mga masusustansiya, iinom ka ng vitamins, gatas… responsibility talaga." Hindi ba siya natakot nang malaman niyang buntis siya? “Siguro ano… mga two days bago ko siya natanggap. Kasi hindi naman ako prepared, ‘no? “After two days, go! “Ibinigay sa akin, e, siguro next chapter ng buhay ko. “Hindi naman lahat na okey, gusto ko. “Lahat naman ng tao mag-iisip, ‘Teka, wait lang, mag-iisip muna ako.’" Dagdag ni Katrina, “Ngayong nagma-mature na ako, naiisip ko na kailangan bata ka pa, gawin mo na yung kailangan mong gawin. “Yung paggawa ng family, diyan ka naman talaga pupunta, e. “Pero yung gagawin mo para sa sarili mo, ‘eto na lang yun, konting taon na lang yun." Handang-handa na raw si Katrina sa panibagong role niya bilang nanay. “Hindi naman kinakailangan ng preparasyon yun. Ganun talaga. “Kusang mararamdaman na lang yun, mangyayari na lang yun. “Kailangan talagang ganun para mag-mature ka." -
Rey Pumaloy, PEP