ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jay Perillo still unclear how his breakup with Kris Bernal happened


Malaking movie assignment kung ituring ni Jay Perillo ang nasalihang Regine Velasquez-Aga Muhlach movie na Of All The Things. Ito raw ang unang pelikula niya na hindi lang siya cameo. Supporting role na raw siya bilang manliligaw na “bum" ng kasama rin sa movie na si Nikki Bacolod. Kapatid ni Regine naman ang ginagampanan ni Nikki. “Ayaw na ayaw sa akin ng parents nina Nikki at Regine. Kasi patapon ako dito, e. “Parang tambay-tambay na iba-iba ang kulay ng buhok," paglalarawan ni Jay tungkol sa kanyang character sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal). Na-interview ng PEP si Jay sa presscon ng nabanggit na pelikula sa City Best Seafood Restaurant sa Quezon City, nung Lunes, August 27. JUST LIKE JAY? Tinanong ng PEP kung may nakikita ba siyang pagkakapareho ng character niya sa pelikula at sa tunay na Jay Perillo. Nakaka-relate ba siya sa character niya? “Nakaka-relate lang ako sa mga inaayawan ng pamilya," sagot ng Are You The Next Big Thing? finalist at Party Pilipinas singer. “Naranasan ko na po yun. Pinakamahirap yung hindi mo alam kung paano mapapaniwala yung parents ng nililigawan mo na sincere ka sa anak nila. “Kasi po ganito lang yun… ‘Pag nanligaw ka, uunahin mo ang pamilya. “Ako, naiintindihan ko naman na hindi mo kaagad makukuha yung puso ng magulang. Siyempre, iniingatan nila yung babae." Bakit naman siya aayawan, samantalang guwapo, college graduate naman siya at may magandang career bilang singer? “Hindi ko po alam, e. Kasi po ang connotation po sa pagiging rakista at pagiging Tondo… iba talaga ang tingin ng mga tao, e," aniya. Laking-Tundo kasi si Jay, ngunit di katulad ng kadalasang iniisip ng mga mapanghusgang tao tungkol sa mga taga-Tundo—na magaspang daw ang pag-ugali at mga tambay lang—maayos at may aral naman ang binatang singer. BREAKUP WITH KRIS. Sa puntong ito, tinanong na ng PEP ang binata tungkol kay Kris Bernal. Matatandaang kahit na naili-link sila sa isa’t isa noon, walang pormal na pag-aming ginawa ang dalawa kung magkasintahan sila. Hanggang sa pumutok na lang ang balitang “break" na sila. Nagkaroon ng mga magkahiwalay na interview sina Kris at Jay tungkol sa tunay na pangyayaring namagitan sa kanila. Doon lang nakumpirma na nagkaroon nga sila ng ugnayan. So, ano nga bang dahilan ng breakup? “Actually po, ako rin hindi ko alam, e." sagot niya. “Kasi siyempre sa magkakarelasyon madalas na nagkakaroon kayo ng halos every day, nagtatalo kayo, di ba? “So, yung time na yun, may isang pagtatalo na pagkatapos nun, nauwi sa parang… ‘Ayoko na, ayoko na!’ “Siyempre, hindi ko naman ipipilit ang sarili ko. “Sabi ko, ‘Sigurado ka?’ “’Oo,’ sabi niya. “Ayun!" at doon na nga raw sila nagkahiwalay ni Kris. Sabi pa ni Jay, kung hindi raw siya pumayag na magkahiwalay sila ni Kris ay hindi niya talaga iiwan ito. Pero nagdesisyon na raw kasi ang dalaga. “Ako naman hindi ko maaalis sa kanya yun, kasi siya yun. Utak niya yun. “Ako naman, bilang kung saan siya masaya, kung yun ang desisyon niya, yun ang ibinigay ko sa kanya." Tanong ng PEP, hindi kaya ang na-link din noon kay Kris na si Jolo Revilla, ang dahilan ng kanilang paghihiwalay? “Hindi naman sana. Kasi wala talaga akong ideya. Aside from the fact na madalas talaga kaming nagtatalo that time. “Personally speaking, para sa akin, normal naman para sa isang relationship ang pagtatalo." Dalawang taon din daw ang itinagal ng relasyon nila, ayon kay Jay. At hanggang ngayon, iniisip pa rin ng rakistang singer kung paano humantong sa mabilisang breakup ang relasyon nila ni Kris. MOVING ON. Sobrang nasaktan daw si Jay sa breakup, dahil aminado siyang mahal na mahal niya ang aktres. Pero hanggang ngayon ba’y mahal pa rin niya ito? “Siyempre, I have to move on," sagot agad ni Jay. Sabi pa niya, mukhang masaya naman daw si Kris sa karelasyon nito ngayon. Ang Kapuso artist din na si Carl Guevarra. Para kay Jay, maling magtanim pa siya ng sama ng loob kay Kris. Aniya nga, mas inaalala niya ang magandang pinagsamahan nila, kaysa mapait na breakup nila. “I don’t think there is ever a good breakup. Kasi masakit, e. “So, masasabi ko na lang na, it was a good relationship for me. “We’ve been bestfriends before. We only had each other. “’Pag may problema ako, may problema siya, kaming dalawa ang naglalapitan that time. “So, it was a good relationship at that time. “Kasi yung breakup na yun, I had no other choice but to say yes. “Saka that time, madalas kaming mag-away, e," kuwento pa ni Jay. BETTER OFF AS FRIENDS. Sinubukan ba nilang magkabalikan? “We did try to work it out, pero parang wala na talaga, e. “Like after nun, nagkaroon ng time na babalik kami, ‘tapos wala rin. “So, ang bottom line nun, may pinag-usapan kami na, we are better off as friends. “Kasi ganun na ang nangyayari." Ok na nga raw ang samahan nila ngayon ni Kris kahit wala na sila. “Pag nagkikita kami nagkakausap kami. “Minsan nagpapagawa siya ng mga minus-one para sa mga mall shows niya." E ang bagong boyfriend ni Kris na si Carl, nakausap na ba niya? “Hindi kami close ni Carl, e… Mga, ‘Hi, hello, pare!’?" -- Rey Pumaloy, PEP