It’s Nora Aunor vs. Nora Aunor na nga ba ang laban sa pagka-Best Actress sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2012? Pormal nang inanunsiyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA), through Chairman Francis Tolentino, na pasok na ang
Thy Womb bilang official entry sa MMFF ngayong taon. Ito ay alinsunod sa pag-backout ng Unitel Pictures at Studio 5 ng kanilang entry na
Mga Kuwento Ni Lola Basyang. Ayon sa ulat ng TV Patrol nitong Biyernes, October 19, nagkatensiyon daw ang pamunuan ng MMDA at MMFF sa naging desisyon ng Unitel na iatras ang kanilang entry dahil sa hindi raw aabot pelikula sa nakatakdang pagpapalabas nito sa Disyembre. Dahil dito, pinanindigan ni MMFF at MMDA Chairman Tolentino na hindi nila isasauli ang deposit ng producers ng
Mga Kuwento Ni Lola Basyang dahil daw sa naidulot na aberya ng pagba-backout nila. Ani Chairman Tolentino, “Yung Mga Kuwento ni Lola Basyang, e, liable sila na magbayad ng fine na five hundred thousand [pesos]. E, matagal na panuntunan na po iyan." Ayon pa sa report, pinulong agad ang special committee ng MMFF para piliin kung ano ang ipapalit na entry sa
Mga Kuwento Ni Lola Basyang. Pinamunuan ni Jesse Ejercito ang nasabing special committee.
THREE CHOICES. Base sa ulat, ang dapat daw na kapalit nito ay ang sumusunod sa ranking ng
Mga Kuwento Ni Lola Basyang noong final announcement nila:
Tuhog ng Star Cinema,
My Prince Charming ni Direk Adolf Alix, Jr., at
Thy Womb nina Nora Aunor at Direk Brilliante Mendoza. Hindi raw matatapos sa nakatakdang oras ang
Tuhog at
My Prince Charming kaya pinaboran ng MMFF special committee ang
Thy Womb. Tapos na ang pelikulang ito na lumahok pa sa prestihiyosong Venice International Film Festival. Ipinalabas din ang Thy Womb sa iba pang international film festivals. Nakakuha rin ito ng dalawang nominasyon sa Asia Pacific Screen Awards ng Australia: Best Actress para kay Nora at Best Director para kay Brillante. Matatandaang hindi nakasali ang
Thy Womb sa orihinal na Magic 8 noong ina-announce ng MMDA-MMFF committee ang kanilang official entries para sa 38th Metro Manila Film Festival. Pero sa mga panayam kay Direk Brillante noon, hindi raw sumama ang kanyang loob dahil baka daw hindi pasado sa criteria ng taunang pestibal ang kanyang pelikula. Pero ngayong umiikot na ito sa iba’t ibang film festivals sa international scene, makakadagdag daw ito sa prestige ng MMFF. Sabi pa ni Chairman Tolentino, “Definitely it will add prestige kasi nanalo na pati yung mga events na nag-a-unfold, mas makakatulong ito sa industriya."
JOYFUL SUPERSTAR. Nagbigay rin ng pahayag si Nora sa pagkakasali ng
Thy Womb sa MMFF. “Umaapaw sa saya ang nararamdaman ni Guy sa ngayon dahil sa balitang ito," ang ipinaabot na pahayag ni Boy Palma, personal manager ng Superstar, kani-kanina lamang. Ang
Thy Womb ang pangalawang pelikula ni Nora sa MMFF 2012 dahil bida rin siya sa
El Presidente kasama si Governor ER Ejercito.
HAPPY BRILLIANTE. Nagpadala na ng mensahe ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Direk Mendoza upang kunin ang kanyang dagdag na reaksiyon tungkol sa pagkakasali ng kanyang pelikula sa MMFF. At kahit nasa Mumbai, India ito sa kasalukuyan para sa Indian premiere ng Captive ay nagpadala naman ito ng kanyang mensahe ng kagalakan: "I’m happy that I finally made it at MMFF after several try. “I’m glad I’m given a chance to share my film with the Filipino audience during the most celebrated time of the year, the Christmas season. “It’s also very timely that our fellow Christian Pinoy can have a peek of Muslim culture especially now that the government is exerting all efforts to give peace a chance in Mindanao." --
Arniel C. Serato, PEP