We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pagkatapos ng ilang taong pagde-deny, inamin ng kontrobersiyal na aktres at StarStruck alumna na si Iwa Moto na totoong kasal siya kay Mickey Ablan. Si Mickey ay isang mixed martial arts fighter. Ginawa ni Iwa ang pag-amin na ito sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sa contract signing ng kanyang bagong endorsement na Titan X3, isang dietary supplement for men, sa Max’s Restaurant sa Sct. Tuazon, Quezon City, nitong Biyernes, November 30. Ayon sa StarStruck 3 First Princess, ikinasal sila ni Mickey noong October 2009 sa Cavite. Isang mayor daw ang nagkasal sa kanila. Sa aming tanong kung bakit ngayon lang siya umamin, sinabi niyang panahon na upang aminin na niya ito para magkaroon na rin siya ng "peace of mind." Dagdag pa ni Iwa, “Tsaka masaya kasi ako ngayon—personally and professionally. “Feeling ko, wala na akong dapat itinatago pa. “Ngayon kasi, ramdam na ramdam ko na maraming nagmamahal sa akin. “There are so many people close sa buhay ko na ipinapakita nilang mahal nila ako. “Kaya I feel na ito na yung tamang panahon. Ayoko na ring dala-dala ko ‘yang bagay na ‘yan forever. “Kailangan mai-unload ko na ‘yan sa buhay ko." KEEPING IT A SECRET. Bakit ba kinailangang itago noon ang tunay nilang estado ni Mickey? Sagot ni Iwa, “Maraming dahilan, e. “Unang-una, may kinalaman sa career ko. Nakakontrata ako sa GMA-7 that time. Maraming magagalit sa akin. “Tsaka may mga personal na dahilan pa… may mga pinoprotektahan kami ni Mickey noon. “Wala naman dapat makakaalam ng pagpapakasal namin. Pero bigla na lang may lumabas. “Kaya kami ni Mickey, todo-deny kami. “Ako talaga, kahit sino ang magtanong sa akin, wala akong inaamin. “Yun naman ang naging kasunduan namin talaga. Wala kaming aaminin kahit kanino." STILL MARRIED. Legally speaking, kahit hiwalay na sila, kasal pa rin sina Iwa at Mickey hanggang ngayon. Mrs. Aileen Iwamoto-Ablan pa rin ang aktres. Pero inaayos na raw nila ang kanilang annulment dahil may kanya-kanya na silang mga buhay ngayon. Ang boyfriend ni Iwa ngayon ay si Pampi Lacson, anak ni Senator Ping Lacson at nakahiwalayang asawa ng aktres na si Jodi Sta. Maria. Si Mickey naman ay may anak na sa comedienne na si Janna Dominguez. Lahad ni Iwa, “Naka-one year kami ni Mickey na kasal. Naghiwalay kami November 2010. “That was the time na sunud-sunod na ang mga problema namin. “Marami na kaming hindi napagkakasunduan. Nagkaroon na ng lokohan at palitan ng mga masasakit na salita. “Hindi na nagwu-work kung anuman ang magandang nasimulan namin.. Dagdag niya, “Inaayos na namin ni Mickey yung annulment. Mga abugado na namin ang nag-uusap. “Hindi na namin kailangang magkita pa ni Mickey. Bahala na ang mga lawyers namin. “Pareho naming gusto na maayos na ito para matahimik na rin kaming dalawa. “Gaya ng sabi ko, para magkaroon na rin ako ng peace of mind. “Kapag naging single na ulit ako—maging Aileen Iwamoto [totoong pangalan ni Iwa] na ulit ako—ako na ang magiging pinakamasayang tao sa buong mundo!" natatawang sabi niya. Wala naman daw hinahabol si Iwa mula sa kanyang estranged husband. Matagal na raw siyang hindi na nakikialam sa nabuong relasyon nito kay Janna Dominguez. “May pamilya na sila kaya pinapabayaan ko na lang sila. “Ayokong madamay ang anak nila. Hindi maganda ‘yon. “Nilinaw ko naman kay Mickey na wala akong hahabulin sa kanya. Hindi ko habol ang anumang material things. “Gusto ko lang yung freedom ko. Yung maging single ulit ako. “Alam kong may plano na sila ni Janna na magpakasal kasi nagpa-interview pa sila before na engaged na sila. “Paano nga naman sila maikakasal kung kasal pa kami ni Mickey, di ba? “Kaya dasal ko na maging mabilis na ang lahat para maging malaya na kaming pareho," diin ni Iwa. PAMPI LACSON. Isa rin kayang dahilan ni Iwa kung bakit minamadali niyang ma-annul ang kasal nila ni Mickey ay dahil niyaya na rin siyang magpakasal ng present boyfriend niyang si Pampi Lacson? Pitong buwan na ang relasyon nina Iwa at Pampi. “Ay, hindi... wala pang gano’n," tanggi ni Iwa. “Unang-una, hindi pa rin naman annulled si Pampi sa kasal niya [with Jodi]. Inaayos din niya iyon. “Though napag-uusapan naman namin din ang kasal, sinabi ko naman kay Pampi na pag-isipan namin ‘yan nang mabuti. Huwag kaming magpadalus-dalos. “First of all, may pangako ako sa manager ko [Omar Sortijas] na hindi muna ako mag-aasawa ulit. “May pinag-usapan kami na after two years pa. Ayaw naming madaliin ang lahat. “Kung makuha na namin pareho ni Pampi ang annulment namin, e, di okey. Thank you Lord. “Pero hindi muna ang pagpapakasal ulit ang gagawin namin. “Mag-concentrate muna kami sa ibang bagay. Okey muna itong relasyon namin." -- Ruel J. Mendoza, PEP