Hindi naiwasan ni Sen. Bong Revilla, Jr. na magbiro tungkol sa kanyang
Indio co-star na si Alden Richards nang makapanayam ito ng press sa official pictorial na ginawa last December. Si Alden ang gaganap na binatang
Indio bago ito bibigyang buhay ng senador. "Unang una, natutuwa ako na si Alden [ang gaganap sa role]. Hindi humiwalay yung character. Unang pumasok yung bata, and then yung age ni Alden. Kaya nung pinagsunod kami halos [walang nagbago]. Hawig naman kami, lamang lang siya ng kaunting paligo dahil bata siya," pagbibiro si Sen. Bong nang hingan siya ng reaction tungkol sa pag-arte ni Alden. Kidding aside, napahanga naman daw ng young actor ang senador. "Bilib ako sa acting niya, ang galing niyang umarte. Sabi ko nga, 'Alden, keep it up. Malayo mararating mo,'" dagdag ni Sen. Bong. Nagkuwento rin si Sen. Bong tungkol sa paghahanda niya para sa title role, especially sa mga sasabihin niyang linya. "Masyadong malalim na Tagalog, at kilometric. Kumbaga, 'subalit, datapwat', ganun ang lenggwahe niya. Pero talagang pinaghandaan namin. Ultimo yung character ni Indio, lalabas talaga. Hindi si Bong Revilla makikita niyo kundi si Indio," paliwanag niya. Dagdag pa nito, "Pati yung pagbato ng linya, kung papaano nila ginagamit nung araw, dapat ganun. Walang adlib, kailangan naka-stick ka doon sa script mo. Word for word, 'yun ang bibigkasin mo, so kailangan ang memorization matindi." Dito rin daw sa
Indio nakaranas si Sen. Bong ng 'eight-hogs'. "At first naninibago ako kasi sanay ako sa pelikula na after nung [isang sequence] cut ka na. Eh ito tuhog, tapos naka-experience ako dito na hindi lang tuhog, [kundi] 'eight-hogs.' Dire-diretso 'yon, walong sequences in one shot. So dire-diretso yun pati camera movement, yung emotions tuloy-tuloy, yung nuances importante. Kailangan iba-iba ang reaction mo sa bawat bitaw ng linya, sa bawat magaganap. Lahat 'yon natutunan ko rito sa
Indio," paliwanag niya. Huwag palalampasin ang pinakabagong teleserye ng GMA, ang
Indio, ngayong January 14 na sa GMA Telebabad. --
Michelle Caligan, GMANetwork.com