May ilang buwan na mula nang bumalik sa SexBomb Girls ang isa sa mga frontliners ng grupo na si Jopay Paguia. Si Jopay ay isa sa itinuturing na flag carriers ng SexBomb Girls dahil sa major participation niya sa malalaking shows na iprinodyus ng GMA-7, gaya ng
Encantadia, Etheria, Da Boy And Da Girl, at iba pa. Magli-limang buwan na raw nang magdesisyon siyang sumama uli sa mga kapwa mananayaw matapos ang ilang taong pagkawala sa showbiz circulation. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jopay kamakailan lang, masaya nitong ibinalitang hindi raw siya nabakante nang kupkupin uli siya ng manager nilang si Joy Cancio. “Maraming shows, puro mga shows naman talaga yung nakalatag na ginagawa namin," pahayag niya.
GETTING HER GROOVE BACK. Dahil matagal na nawala si Jopay, tinanong namin siya kung hindi ba siya nahirapan sa adjustments na makisalamuha muli sa grupo lalo’t marami ring mga baguhang members, “Siguro nanibago ako, lalo na sa dancing, talagang nag-double time ako, kinakailangan talaga," pag-amin niya. Ramdam niya ba na parang napag-iwanan na siya dahil maraming mga bagong members na mahusay humataw sa sayawan? “Siguro may kanya-kanya kaming mga forte sa pagsayaw. “Yung mga bago, impressed talaga ako, magagaling talaga sila. "Kumbaga, ako kasi, parang pangmasa-masa, ganun. “Sila rin masa, pero iba sila, e, magaling sila. Bow talaga ako sa kanila. "Ako nga, sumasakit na yung likod ko. “Ginagaya ko sila kaya medyo nahihirapan ako. "Sinasabi ko nga, 'Anak, ang galing-galing mo!' Yun ang tawag ko sa iba sa kanila."
TWO-YEAR BREAK. Ano ba ang nangyari kay Jopay at nawala na lang siya sa showbiz? Gaano katagal ba siyang nawala? “Two years akong nag-stop. Nag-business ako. "Medyo na-in love, pero nung na-in love ako, nag-focus talaga ako sa business ko," lahad niya. Ang dating member ng dance group na Maneouvres na si Joshua Zamora ang nakarelasyon ni Jopay. “Tapos, sa church din... doon ako nag-focus," dugtong niya. Ano bang business ang pinagkaabalahan ni Jopay? “Mga food carts, franchising... sa company ng friend namin. "Okey naman hanggang ngayon, ongoing pa rin siya." Pero sa lovelife? “Wala, wala akong lovelife," tugon ni Jopay, na kumpirmasyong wala na sila ni Joshua. Bakit niya binalikan ang pagsasayaw? “Maniwala ka sa hindi, ano ito, e, ipinag-pray ko ito, e. “Siyempre, hindi biro sa mundo ng showbiz, alam naman natin 'yan, e. “Kumbaga, parang talagang pinag-pray ko ito. Kung babalik ako, give a sign. “So, yun nga... nung bumalik ako, ang daming nakalatag na talaga," na ang tinutukoy niya ay ang mga projects na gagawin nila.
REGRETS? Hindi ba nanghinayang si Jopay sa two years na nawala sa kanya nang talikuran niya ang showbiz? “Actually, hindi naman. Kasi mas marami akong natutunan nung nawala ako sa grupo. “Nag-mature ako, lumawak pa ang pag-iintindi ko sa lahat ng bagay," saad niya. May balita kasing masyado siyang nag-focus sa kanyang lovelife at na-in love nang todo kay Joshua kaya iniwan niya ang showbiz. Feeling ba niya noon ay magkakatuluyan na sila ni Joshua, kaya umiwas na ito sa industriya bilang paghahanda sa pag-aasawa sana niya? “Siguro dumating talaga dun sa point na yun. "Pero nung nangyari nga na wala na, talagang bago nun, nag-focus ako. “Ako naman, sa sarili ko, hindi naman porke may lovelife ako, doon na talaga lahat. “Siguro nagkataon lang din na wala talaga," saad niya. Umasa ba siyang pakakasalan siya ni Joshua? Seven years ding tumagal ang kanilang relasyon. “Actually, dumating sa point na dapat may wedding na, dapat ikakasal na kami. “Pero ganun talaga yung life, e, hindi natin alam, hindi natin hawak, e. “Wala na... wala na, hindi natuloy," amin niya. Kailan ba dapat sila ikinasal? “Last… kailan ba yun? Yung January last year [2012]... “Ay, teka... Tama ba or January nung 2011? Parang nakalimutan ko... 2011 'ata? Sorry, nakalimutan ko... “Pero gano'n talaga, e, may mga napapagod talaga... sa isang relasyon may mapapagod talaga." Sino ba ang napagod kanino? “Siya... siya ang napagod sa akin," mabilis niyang amin “Kasi yung mga panahon na yun, medyo nagtatalo kami, maliit na bagay lang. “Pero ganun lang. Siguro napagod talaga siya. “Walang third party, kaya nga magkaibigan kami ngayon. "Kasi kung third party, hindi ko alam, baka hindi kami magkaibigan." Nanliligaw ba si Joshua uli sa kanya ngayon o baka naman nagkabalikan na sila nito? “Hindi kami nagkabalikan," mabilis niyang sambit. “E, sabi niya, gusto raw niya? Gusto raw niya uling manligaw? E, tanong mo na lang siya... hindi ko alam." Willing ba siyang makipagbalikan kay Joshua if ever na ligawan siya uli nito? “Ay, 'yan ang hindi ko masasagot agad-agad, kasi natuto ako sa mga naging mali ko before. “So, ayokong maulit-ulit. "So, kung magiging kami, e, di okey. Kung hindi, e, di okey pa rin."
CAREER. Hindi ba siya nanghinayang sa nawalang career niya? Maliban kay Rochelle Pangilinan, na dati niyang kasamahan sa grupo, siya na yung pinakasikat at may mga acting projects pa sa GMA-7. “Nung una, oo. Pero yung mga sumunod na buwan bago mag-two years, natanggap ko na, e. “Parang feeling ko, ang sarap pala na parang simple lang. Totoo! “Ang sarap na simple lang, nakakapunta ka sa kung saan, nakaka-mingle mo kahit na sino. “Kasi, napakaano kong tao, e. Kumbaga, yung isaw-isaw sa kanto, masaya na ako sa gano'ng bagay. Simple lang akong tao. “Kung sa nakaka-miss, oo, nakaka-miss naman talaga. “Yung showbiz naman, hindi ko tinalikuran. Nagpahinga lang talaga ako," muling paliwanag ni Jopay. Hindi ba siya nasasaktan kapag sinasabing sayang siya, at nakakapanghinayang ang naudlot niyang pagsikat? “Noong una, sinasabi nila sa akin, oo, ganun talaga. “Pero lately, naiisip ko na siguro hindi talaga para sa akin sa ngayon. Hindi para sa akin sa ngayon. “Maybe baka darating rin sa akin yun. Right now, nandito ako uli. “Aaminin ko nami-miss ko yung pag-aartista, lalo yung aarte ka sa drama, comedy. “Alam mo naman ako pagdating sa comedy, gusto ko yun at saka action pa," nananabik niyang sabi.
PROUD OF ROCHELLE. Ano ang masasabi ni Jopay kay Rochelle na sa ngayon ay tuluy-tuloy ang acting projects at hindi lang siya sumasayaw? “No joke ito, sobrang proud ako sa kanya. “Kasi isipin mo, dancer kami. Bibihira sa mga dancer ang nagiging artista, like Spencer Reyes, Vhong Navarro, Wowie de Guzman, Rochelle Panglinan. “Bibihira talaga yung nabibigyan ng chance kasi alam naman natin na ang tingin ng iba sa mga dancers, mababa, di ba? “Pero wow! Si Rochelle, artista na ang tingin sa kanya ng mga tao. Nag-level up na talaga. “Sobrang proud ako sa kanya. "Minsan nagkita kami sa GMA, nag-usap kami, nagtsika-tsika, ganun... "Sobrang proud ako sa kanya," deklara ni Jopay. Kaya pa ba niyang pantayan o maabutan ang pagiging artista ni Rochelle? “Sa acting naman, okey pa naman ako, e, puwede pa, di ba? “Pero yung mga achievements... iba-ibang level 'yan, e. “Kung ito ang na-achieve niya, go! “Kasi siyempre, grabeng workaholic yun. Kung workaholic akong tao, napaka-workaholic nung taong 'yon. “'Oy, magpakahinga ka naman!' Yung pahinga namin, ospital kami pare-pareho! “Sobrang proud talaga ako sa kanya. "Kung ako papasok uli sa acting, why not? "Kung ano ang narating niya, proud ako sa kanya," ulit niyang bitaw.
PREGNANCY RUMOR. Nanganak na nga ba si Jopay? Hindi namin maiwasang itanong dahil tumaba ito nung mawala sa showbiz. Sagot niya, “Ano ka ba?!? Paano akong manganganak, e, wala ngang ano, di ba? “Ganun talaga pag napapahinga. Kasi wala akong dancing, e. "More on nagda-judge lang ako sa mga event-event. "Pero walang anak-anak. Paano nga?" Napabayaan ba niya ang sarili nung nawala siya sa grupo? “Hindi ko napabayaan, in-enjoy ko lang yung sarili ko habang wala ako sa showbiz. “Kasi halimbawa, pag nasa showbiz ka, like dancer ako, pag dancer ka kailangang fit ka. “So, nung hindi ako nagsasayaw, kumain ako nang kumain. "Kasi nagluluto rin ako, nagbi-bake rin ako."
NEW YEAR, NEW BEGINNINGS. Paano ba niya sisimulan ang 2013 ngayong pasok na siya uli sa SexBomb Dancers? “Siguro masaya lang. "Sabi ko nga, pinagpi-pray ko kay God, na kung ano ang 2013 ko, Siya na ang bahala. “Ipinaubaya ko na sa Kanya. As in... talaga. Kung ano ang dumating, go!" --
Rey Pumaloy, PEP