Kylie Padilla, masaya sa pagkakaayos ng kanyang Papa Robin at Tita Mariel
Nagpahayag ng kanyang damdamin ang Kapuso actress na si Kylie Padilla tungkol sa pinagdaanang marital problem ng kanyang ama na si Robin Padilla at asawa nitong si Mariel Rodriguez. Sa artikulong isinulat ni Rose Garcia sa Philippine Entertainment Portal nitong Biyernes, sinabi ni Kylie na nauunawaan niya ang naging sitwasyon ng kanyang papa at Tita Mariel. “I have nothing against them, but sana, they keep it personal na lang," anang aktres. “I understand Tita Mariel. I also understand my dad. But I also understand kung bakit personal na lang yung ganoon." Sinasabing matinding selos ang naging ugat ng away ng mag-asawa at nalaman ito ng netizens nang mag-post umano si Mariel ng mga pahayag sa kanyang Instagram account. Humantong pa umano sa solian ng singsing ang away ng mag-asawa. Pero nagkaayos din ang dalawa nang suyuin ni Robin ang kanyang misis. Pag-amin ni Kylie, sensitibo siyang tao kaya kung siya ang nasa sitwasyon ni Mariel ay hindi niya kayang mag-post ng kanyang nararamdaman sa Instagram. “Iiwasan ko na lang," sagot niya. “Kasi, Tita Mariel kasi is brave. Me, I’m sensitive." Naawa raw si Kylie sa mga negatibong komento na tinanggap ni Mariel sa Instagram. “So, iiwas na lang ako roon. Nabasa ko naman lahat, naawa ako kay Tita Mariel," ani Kylie, anak ni Robin sa dating asawa na si Liezl Sicangco. “Kasi, may mga tao talagang ang sakit magsalita, akala mo kung sino," dagdag pa niya. Nang malaman niya ang problema, nag-text umano si Kylie kay Mariel para tanungin kung okey lang ito. Binati rin umano niya ang kanyang Papa Robin nang malaman na nagkaayos na ang dalawa. - FRJ, GMA News