Nakakatawa ang eksenang naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa shooting ng pelikulang
Raketeros nitong Martes, February 26. Sa Himlayang Pilipino Memorial Park ang location, kung saan nagbabangayan sina Janice de Belen at Cherry Pie Picache sa isang lalaking ililibing. Habang nagtatarayan sina Janice, bilang legal wife, at Cherry Pie, bilang mistress, nasa gitna naman si Ogie Alcasid na panay ang kanta ng mga kantang pinasikat niya. Kasamang bida ni Ogie sa pelikula sina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Andrew E., at Dennis Padilla. “Kaming apat, iba-iba kami ng raket," ani Ogie nang matanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa istorya ng kanilang pelikula. “Ako, singer na kumakanta rin sa mga funeral. Si Andrew ay pari, si Herbert naman ay cable guy. Tapos, si Dennis ay hustler sa bilyaran. “Nakakatuwa na makatrabaho ko sila sa project na ito. "Actually, na-miss ko sila. “It’s been over… siguro twenty years na rin, e, mula noong huli kaming nagkasama sa movie. “So, ayun. Ngayong matanda na kami, nakakatuwang kasama ko ulit sila sa pelikula. “Siyempe, iba na ang panahon ngayon… na marami nang mga bagong komedyante, di ba? “I believe na yung fans din naman namin na kasing-edad na rin namin ngayon, e, siguro nami-miss din kami. “And it’s good. Subukan naman natin itong ganitong klase ng comedy."
LEADING LADY. Si Sam Pinto raw ang leading lady ni Ogie sa Rakateros. “Pero hindi pa kami nagsu-shoot together," banggit niya. “Sa aming apat, ako lang ang may leading lady. “Kasi si Herbert, yung role niya… pareho silang may anak ni Dennis. Ako… binata, pari naman si Andrew." Equally divided naman yung roles nila? Lahat sila bida? “Yes, most definitely. Makikita mo naman sa latag ng script. “Si Randy Santiago ang director who is kaibigan din namin. “This is produced by Heaven’s Best, ang production outfit nina Herbert at mga kapatid niya."
NETWORK TRANSFER. Maingay pa ring usap-usapan tungkol sa malamang na paglipat ni Ogie sa TV5 pagkatapos ng kontrata niya sa GMA-7. Sabi ng singer-comedian at songwriter, “Wala pa tayo doon. Pero inaamin ko naman na may offer nga." Balitang malaki ang offer ng Kapatid network sa kanya, pero natawa lang si Ogie nang matanong namin tungkol dito. Aniya, “Huwag muna nating pag-usapan iyon. “At saka… hindi pa nga. I still have a contract with GMA, e. So, wala pa." So hinihintay pa niyang mag-end muna ang kontrata niya sa Kapuso network bago siya tuluyang makipag-negotiate na sa TV5? “Hindi. Si Leo [Dominguez, his manager] na lang ang bahala doon!" sabay tawa ulit ni Ogie.
SATISFIED. Pero sa ngayon, masaya naman daw si Ogie sa GMA-7. Saad niya, “I don’t think I’ve ever been… the amount of support that they’ve given me throughout my career, I cannot ask for anything else. “It’s a family—it’s a home for me. “But obviously, there are others who are offering me themselves. So… hindi ko alam! “E, hindi pa natin nga masasabi sa ngayon kung lilipat ba tayo o hindi. “For now, I can’t really make any comment, e. “Naka-eighteen years na rin ako sa GMA. Kung gaano katagal na ang
Bubble Gang, ganoon din ako."
INFLUENCE. Hindi kaya maimpluwensiyahan din niya ang kanyang misis na si Regine Velasquez na lumipat na rin? “No, I cannot. And I never... I never influence my wife on anything," giit niya. “Except yung… kung ano yung kakainin niya. “Ako, kung ano ang gusto niya, e, susuportahan ko siya. “Wala akong… my wife has her own mind. She’s very independent-thinking. “Although siyempre, of course, husband and wife kami, ano? But pagdating sa career, hindi naman ako nakikialam doon. -
- Ruben Marasigan, PEP