ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alessandra de Rossi: 'Six years na akong walang dyowa…hindi ko alam kung bakit'


Magpapahinga muna ang aktres na si Alessandra de Rossi matapos niyang gumanap bilang Baby Umali sa GMA-7 primetime series na Pahiram ng Sandali. Tapos na kasi ang taping ng kanilang serye at sa bahay na lang ang Kapuso actress habang naghihintay ng susunod niyang drama soap. Sa plano niya, “Hindi ako mahilig sa mga travel-travel na ‘yan. “Siguro kung may dyowa ako, puwede. E, wala naman. So, sa bahay lang ako.” LOVELIFE. Tuluy-tuloy pa ang kuwento ni Alex sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanya sa GMA-7 studio. Ipinagdiinan niya na wala siyang lovelife ngayon. “Six years na akong walang dyowa… hindi ko alam kung bakit. “May mga nanliligaw paminsan-minsan pero binabara ko agad. “Ayoko lang mag-entertain, kasi ayoko namang magpaasa ng tao. E, wala naman ako sa mood na makipag-boyfriend. “So, huwag na lang. Sayang naman yung oras.” Nadala na ba siya sa pakikipagrelasyon? “Hindi naman. Ano lang siguro, masyado ko lang ini-enjoy yung privacy ko… "Masaya, e! Masaya. “Mas nakilala ko ang sarili ko na walang taong nag-iimpluwensiya ng mga desisyon ko. “Ako lang at wala akong tinitingnang ibang schedule kundi yung schedule ko lang—lahat ng desisyon ko sa akin nanggagaling. “So, masaya! Ini-enjoy ko na lang. "Madalang lang naman itong mangyari sa buhay ko, di ba?” nakangiti niyang saad. STILL SINGLE. Six years nang single si Alex at aminado naman siyang naiisip din niya ang pakiramdam ng mayroong boyfriend. “Well, hindi naman sa nami-miss,” pagsisiguro niya. “Kapag wala yung mga friends ko, parang, siguro kung may dyowa ako, kahit wala yung mga friends ko, parang hindi ako mag-isa. “Yung ganoon lang, pero hindi naman yung nami-miss na ipinagdadasal ko na magkaroon ako ng boyfriend.” Mahirap bang pumasok sa panibagong relasyon kung ibabase sa mga pinagdaanan niya noong panahong may boyfriend siya? “Hindi naman. Ahmm… nasa sa iyo lang naman kung saan ka mas nag-e-enjoy. “Ako kasi ngayon, mas nag-e-enjoy ako mag-isa. "Alam ko kasi pag nagka-boyfriend ako, ang routine ko, mag-iiba. “Kasi for two people na akong mag-iisip, di ba? “E, hindi pa ako ready i-give up ang buhay ko… parang ang saya ko pa… parang ang selfish ko, di ba?” Ang ibig ba niyang sabihin, matagal pa ang plano niyang magkapamilya? “Yun lang. Kasi magtu-twenty-nine na ako this year. "Dapat nga apat na yung anak ko by this time, di ba? “Kaya nga… So, hindi naman yun ang ibinigay ni God. So, tingnan na lang natin. “Gusto ko sana bago mag-thirty, pero magti-thirty  na ako, tapos wala naman akong gusto, paano yun? “So mga thirty-nine… charot! Bahala na si Lord!” SUITORS. Ang mga nanliligaw ba sa kanya ay mga taga-showbiz din o wala sa mundo niya? Sagot ni Alex, “Showbiz, non-showbiz… gusto mo yun? "Pero wala talaga akong ano sa  kanila… saka pag nagte-text sila, hindi ko sinasagot. “Pag sinagot mo, magkakapag-asa. "Hindi naman ako suplada. Ibinigay ko naman yung number ko, pero hindi ako nagri-reply. “Ayaw ko talaga silang paasahin, kasi ang sama mo naman kung gagawin mo yun. “Kasi, pag sumagot ka once, puwede kang sumagot uli, di ba? “Iisipin niya yun… mas mabuting huwag ka nang sumagot.” BURNOUT. Nagkaroon ng impression ang media kay Alex na nagsasawa na ito sa showbiz—marami siyang reklamo, napapagod na siya, at gusto na niyang iwan ang pag-aartista. Hindi naman kinontra ni Alex ang mga nasabi niya noon sa nakaraan niyang mga panayam. “Oo, hindi… totoo yun!” patotoo sa kanyang mga saloobin. “Hindi… ang ayaw ko lang naman, na-realize ko rin kasi na for so many years, iisa lang ang ginagawa ko. “Okay lang naman yun, wala namang problema. “Pero siyempre, as an artist, lalo na ikaw, alam mo kung ano ang kaya mong gawin, e. “Kung iyon at yun din lang ang gagawin mo, wala… wala na. “Parang maghahanap ka na lang ng purpose sa ibang bagay. “Kung ang purpose ko ay paulit-ulit lang, parang hindi naman yatang magandang purpose ‘yan, di ba? “And plus the fact na yung mga roles ko, masama ang ugali. “Parang feeling ko, for so many years, yung mga viewers walang nakitang maganda galing sa akin. “Kumbaga, walang nai-contribute sa society o sa humanity ang mga klase ng mga characters na ginampanan ko. “So, medyo concerned na ako. Siyempre, malaki ang entertainment sa buhay ng tao. “So, kung nakakaimpluwensiya ka sa masasamang bagay, parang minsan nagi-guilty ka na… So, yun!” -- Rey Pumaloy, PEP