ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Aljur Abrenica shares birthday wish
Noong Linggo, March 24, ang aktuwal na 23rd birthday ni Aljur Abrenica. Ipinagdiwang ni Aljur ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng isang birthday celebration sa Party Pilipinas. Pagkatapos nito, dumiretso na siya agad sa kanyang birthday fans’ day sa may Scout Gandia, Quezon City, kung saan siya nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal). BIRTHDAY WISH. Ano ang wish ni Aljur ngayong birthday niya? Ayon sa Kapuso actor, “Sa totoo lang, wala akong wish, e. “Siguro, gusto ko lang magpasalamat sa nangyari sa akin. Sa buong twenty-three years ng buhay ko. “Looking back kasi, kung tutuusin, kagabi, tinitingnan ko ang buhay ko, kasi twenty-three years old na ako… hindi ko naisip yung mga blessings na dumarating sa akin, like kakabili ko lang ng bahay. “Hindi ko maisip na makakabili ako ng bahay at the age of twenty-three. “May na-achieve na rin tayo… magkakaroon tayo ng billboard. “Lahat ng nangyayari sa atin ngayon, yung exposure natin… yung kapatid ko pa na naging artista, na nagbibida na. “Every year, lalo na sa taong ito, thank you lang talaga. “Salamat lang talaga sa Panginoong Diyos. “Gusto ko, sa araw na ito, salamat lang, magpasalamat lang talaga ako. “Saka na siguro yung mga gusto kong gawin.” Ipinaalala naman namin kay Aljur na noong isang taon, ang naging birthday wish niya ay mabigyan ng bahay ang mga magulang. Inuna niya kasi ang makatulong sa mga magulang sa pagkakaroon ng negosyo. Nagkatotoo ang birthday wish niya noong 22 years old siya. Kaya maganda siguro na nagwi-wish siya at baka sakaling magkatotoo ito muli. “Acting award siguro,” nakangiti niyang sabi nang tanungin muli ng kanyang wish. PERSONAL CELEBRATION. Puro para sa fans ang naging selebrasyon ni Aljur ng kanyang kaarawan. Ano naman ang plano niya para sa selebrasyon kasama ang kanyang mahal sa buhay? “Una, nagpapasalamat ako sa GMA, sa Party P family sa magarang prod [production number]. “Tapos yung nangyari dito sa pagsalo-salo ng mga fans na ang nag-asikako e yung GMA Artist Center. “Sa personal na lakad ko, hihintayin ko pa sila Daddy at saka si Allen [his younger brother] para mabuo kami.” Masaya naman siya ngayong birthday niya? “Masaya naman, pagod lang talaga. Pero sobrang happy naman na lahat napagbigyan natin. “Nagkaroon ako ng magandang exposure sa Party Pilipinas, tapos nakasama ko pa ang mga fans ko. “Ito pa lang kasi ang unang beses na nagpa-fans’ day talaga ako. Madalas sa mall. “Naisip ko kasi, bilang pasasalamat na rin, imbes na magpa-party ako o magpahinga, mas pinili kong magpasalamat sa lahat ng mga blessings na dumarating sa atin sa mga tao na dahilan kung bakit o nasaan ako ngayon.” CHANGES. Seventeen years old lang si Aljur nang magsimula sa showbiz sa pamamagitan ng reality artista search ng GMA-7 na StarStruck. Ngayong 23 na siya, ano ang mga pagbabago na gusto niyang mangyari? Sagot niya, “Sa ngayon, wala naman akong gustong baguhin. “Nakita ko naman na nasa tamang path naman tayo. Yung disiplina, nandoon. “Kumbaga, siguro ie-enhance ko pa ang ginagawa ko ngayon, mas pag-iigihan ko pa. “Sa trabaho, kasi matagal na rin na hindi tayo nali-late, kumbaga, gusto ko lang i-sustain.” INDIO. Isa pa raw sa nakakakapagpasaya kay Aljur ngayon ay ang pagkakasama niya sa epicserye ng GMA-7 na Indio. Madalas nga raw makatanggap ng magagandang komento si Aljur sa fight scenes niya. Kapag break sa eksena, doon na raw siya nagti-training sa mismong set nila. Kuwento niya, “Nagti-training pa rin siyempre. “May arnis kasi sila dun, e, kampilan ang gamit namin, parang espada. “So, off-cam, nag-eensayo ako ng arnis. “Mas masaya ako kasi yung exposure natin sa Indio at, higit sa lahat, yung working with Senator Bong Revilla.” Kumusta nga bang katrabaho si Senator Bong? “Napaka-generous ni Sen,” sabi ni Aljur. “Sa pangkalahatan, napaka mapagbigay niya. “Kumbaga, off-cam, nagbibigay siya ng mga tips sa akin. “Nagkukuwentuhan kami tungkol sa buhay. Na-open up ko sa kanya ang tungkol sa business, kasi nga, nagbi-business din tayo. “Nagbibigay naman siya ng araw, advice. “Sa mga eksena, talagang tinutulungan ka pa niya. “Sa mga fight scenes, ang dami kong natutunan sa kanya. “Kung minsan, may mga mali ako, itinatama niya. “Tapos, marami akong napupulot sa kanya pagdating sa mga eksena. “Napakagaling niyang aktor at napakagaling niya sa mga stunts pagdating sa action.” Kumusta naman siya sa karakter niya bilang si Bahandi? “Gustung-gusto ko siya kasi napaka-importante ng role niya, karakter niya. “Kumbaga, si Bahandi ang magbibigay ng importance ng family. “Siya ang magdidiin sa Indio kung gaano kahalaga ang pamilyang Filipino.” ON AND OFF? Pagdating naman sa kanyang lovelife, diretsahan naming tinanong si Aljur tungkol sa nababalitang on and off daw ang relasyon nila ni Kylie Padilla. Paglilinaw ni Aljur, “Okay naman kami, masaya naman kami.” Totoo ba yung on and off? “Hindi ko alam, balita lang yun. “Basta ang masasabi ko lang, masaya kami. Walang problema.” May kasabihan na “you cannot serve two masters at the same time.” Hindi ba mahirap para sa kanyang pagsabayin ang lovelife at career? “Oo, naniniwala ako sa kasabihang yun. Pero, balanse lang. “Nasa tao ‘yan kung kaya niyang balansehin o hindi. “Wala namang imposible. Lahat naman, kaya mong gawin basta gugustuhin mo.” Ano naman ang sikreto niya para magawa niyang balanse? Sagot ni Aljur, “Gustuhin mo lang. “It takes time. Siyempre, marami kang isasakripisyong oras lalo na sa trabaho, sa lovelife… ganoon talaga.” Nagulat naman si Aljur na naging isyu o big deal pala na hindi niya binanggit ang pangalan ni Kylie sa mga pinasalamatan niya sa Party Pilipinas during his birthday celebration. “Actually, hindi ko nga alam, isyu na pala yun?” nagtatakang sabi niya. “E, kumbaga, mapersonal akong tao. “Yung mga ganoong bagay, hindi na kailangang sabihin mo para mapatunayan mo sa isang tao na importante siya. “At saka, nagpasalamat na ako kay Kylie sa pagsalubong sa birthday ko, kasama ko siya.” Ano ba ang ginawa ni Kylie sa birthday niya? “Wala lang, magkasama lang kami. "Kasi pareho kaming nasa rehearsal ng Party P. Naghihintay kami ng turn namin hanggang sa inabot na kami ng birthday ko.” Ano naman ang naging birthday gift sa kanya ni Kylie? “Ako kasi, hindi naman ako nanghihingi. Kung may ibigay siya sa akin, salamat. “E, busy rin naman kasi si Kylie. Ewan ko kung bibili siya. “Pero ako, hindi ako naghahanap. Yung presence lang ng tao, okay na.” HOLY WEEK IN BATANGAS. Ngayong Mahal na Araw, sa kanilang resort sa Batangas daw plano ni Aljur na magbakasyon. “Kapag Holy Week naman kasi, sa bahay lang talaga kami. “Nanonood lang kami ng prusisyon sa Pampanga. Hindi kami lumalayo. “Pero ngayon, sa Batangas naman kaming pamilya,” sabi ni Aljur. -- Rose Garcia, PEP Tags: aljurabrenica
More Videos
Most Popular