ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Rachelle Ann Go will star with Broadway actor for musical play Tarzan
Naghahanda na si Rachelle Ann Go para sa kanyang ikalawang musical play: ang Tarzan. Kaya naman kahit wala pa silang rehearsals, nagpa-practice na siyang magsalita gamit ang British accent para sa karakter niyang si Jane. “Nanonood lang ako ng British films,” sagot ni Rachelle nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press kung paano siya naghahanda. “Tapos si Direk Chari [Arespacochaga] once in a while nagmi-meet kami, pinapakinggan niya ‘ko, ine-explain niya ‘yong story para pagdating rehearsal okay, okay na.” Nakausap ng PEP si Rachelle nitong Miyerkules, April 10, sa Sir Boy’s Food Republic sa Panay Ave., Quezon City. GETTING THE ROLE. Mismong ang direktor ng Tarzan na si Chari Arespacochaga ang pumili kay Rachelle para gumanap na Jane. Si Direk Chari rin ang direktor ng unang musical na pinagbidahan ng Kapuso singer-actress: ang Little Mermaid. “Actually matagal ako nag-decide kung gagawin ko ba,” pagbabahagi ni Rachelle patungkol sa musical na Tarzan. “Kasi iba, iba ‘yong role, e. Kasi sa Little Mermaid pa-twetums, pa-sweet, ito [Tarzan] medyo mature ‘yong role nito, tapos Bristish accent. Ang hirap di ba kung hindi ‘yon ‘yong lenguwahe mo talaga, hindi ka gano’n magsalita, pag-aaralan talaga.” Isa pang pinag-aaralan ni Rachelle ay kung paano niya magagampanan nang maayos ang karakter ni Jane. Pero gagamitin na lamang daw niyang motivation ay ang pagkakapareho nila ng kanyang karakter. Ani Rachelle, “Mahilig siya mag-explore, gano’n kasi si Jane, hindi siya natatakot mag-explore. Siya kasi ‘yong ‘pag may nakita siyang bagong… alam mo ‘yong hindi siya natatakot? “May isang part nga do’n sa scene na may nakasalubong na siyang giant pero alam mo ‘yon, hinayaan niya lang. May naked man, si Tarzan… kumbaga ano siya, e, fearless. “Parang siguro ako ngayon gano’n, e, at saka mature siya na kahit iwan siya mag-isa. Ako kumbaga gano’n na ako ngayon, e, okay na ‘ko. “‘Yon lang hindi ko alam kung sa ngalan ng pag-ibig kung iiwan ko kung anong mayro’n ako, kaya hindi ko pa ‘yon masasabi. “Pero ‘yon nga, ‘yong karakter na walang takot ‘tsaka mahilig mag-explore. Tsaka ‘yong sobrang masunurin siya sa dad niya, gano’n din ako.” Pero ang pinakamatinding “pressure” na naiisip ngayon ni Rachelle ay ang kanyang makakapareha na gaganap na Tarzan, si Dan Domenech. “Kasi si Tarzan is Broadway actor, nag-Glee din, so parang, ‘Direk, kaya ko ba ‘to?’ “Parang siyempre baka mag-expect ‘yong ka-partner ko or ‘yong mga tao na kailangan ‘yong galing, ‘yong leveling katulas sa kanya. So think positive na lang.” Ang ilan sa mga pinagbidahang Broadway performances ni Dan ay ang Rock of Ages at Aladdin. HER LEADING MAN. Hindi pa nagkikita sina Rachelle at Dan dahil sa Mayo pa ang simula ng kanilang rehearsal. Pero nagkakilala na ang dalawa dahil na rin sa mga Twitter followers ni Rachelle. Kuwento niya, “Kasi ‘yong mga followers ko, siguro sinerch [search] siya, tapos parang, ‘Rachelle, meet Dan your Tarzan,’ so siya naman parang, ‘Hi, Jane!’ “Natatawa lang ako kasi followers ko talaga ‘yong nag-ano sa amin!” “Excited ako!” mabilis naman na sagot ng Kapuso talent nang tanungin kung excited na ba siyang makilala ang kanyang makakapareha. “Kasi marami akong naririnig about him na sobrang mabait daw, sabi ni Ms. Lea [Salonga] as guwapo daw in person! “Pero hindi, sobrang bait daw sabi ni Direk Chari at saka sobrang galing. At ano, napanood ko din ‘yong video niya, bilang ‘yong mga tao sa Twitter nag-a-ano sila, nagse-send ng link. “So may mga video siya na sobrang galing, sobrang taas ng [boses] na parang walang effort. Sabi ko, nakaka-excite na nakaka-kaba din, sobrang galing ng ka-partner ko.” Bukod sa Puerto Rican actor na si Dan Domenech, marami pang makakasama si Rachelle sa Tarzan. Kuwento ni Rachelle, “‘yong [gaganap na] tatay ko si Mr. Porter si Mr. Eugene Villaluz. Tapos ‘yong tatay ni Tarzan si Calvin Millado ‘yong tatay ko rin sa Little Mermaid. Si Jeffrey Hidalgo, siya naman ‘yong friend ni Tarzan, tapos si Yna Castro siya ‘yong nanay ni Tarzan.” DIFFERENCE FROM LITTLE MERMAID. Ibinahagi naman sa amin ni Rachelle ang nakikita niyang pagkakaiba ng Little Mermaid sa kanyang gagawin ngayon na Tarzan. “Dito kasi… well ‘yong sa Little Mermaid sixteen, seventeen year old ‘yong role ko do’n, e,” pagsisimula niya. “Dito smart, anak ako ng isang scientist, very smart, strong kasi hindi ako lumaki nang may nanay, tatay ko lang, so ang strong ng personality niya. “‘Yon nga ‘yong talagang inaaral ko. Sabi ko kay direk Chari, dapat hindi makita ng tao na parang medyo alanganin ako sa role ko. Kailangan kapag ginawa ko ‘to buong-buo ‘yong karakter, di ba? “Tsaka ako sa Little Mermaid, ako ‘yong tinuturuan ng prince. Kasi di ba nawalan ako ng boses, tsaka nagkaroon ako ng legs, so first time ko magkaroon ng legs, hindi ko alam ang nangyayari sa mundo, tinuturuan ako. “Ngayon, ako ‘yong nagtuturo kay Tarzan kung anong nangyayari sa mundo.” Ano naman kaya ang dapat abangan ng tao sa musical play na Tarzan? Sabi ni Rachelle, “Well ‘yon ‘yong Disney version, ‘yon ‘yong kuwento niya. “Pero ito lang mas maraming music bilang ginawa ‘to sa Broadway, kasi bago lang siya, so puro bago ‘yong music niya. ‘Yong sa movie, kay Phil Collins, ‘yon ‘yong gagamitin din, [‘yong] ‘You’ll be in My Heart,’ tapos the rest puro bagong music. “Tsaka Tarzan ang ganda nito kasi kumbaga si Tarzan hindi siya marunong magsalita, e. Nabasa ko nga ‘yong script, puro ako! Kausap ko siya, siya puro, ‘Ah, ah,’ gano’n lang! Pero ako tuturuan ko siya, hanggang siyempre ma-i-in love na rin sila sa isa’t isa. “Parang si Jane, igi-give up niya kung anong mayro’n siya sa real world, mapupunta siya sa forest, parang feeling niya doon ‘yong mundo niya— sa ngalan ng pag-ibig!” Magsisimula ang staging ng musical play na Tarzan ng June 14, at tatagal hanggang July 7, sa Meralco Theater, Pasig City. -- Joyce Jimenez, PEP Tags: rachelleanngo
More Videos
Most Popular