ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lorna Tolentino, bilang si Mrs. Editha Burgos; si Rocco Nacino naman ang nawawalang si Jonas


  Bukas, April 13, gaganapin ang story conference ng pelikulang Burgos. Tungkol ito sa buhay ni Mrs. Editha Burgos, na gagampanan ni Lorna Tolentino at ididirek ni Joel Lamangan. Si Editha ang ina ng nawawalang aktibista o desaparecido na si Jonas Burgos. Anim na taon na ang nakalilipas mula noong misteryosong mawala si Jonas noong April 28, 2007. Ipakikilala na rin ang buong cast sa story conference, kung saan si Rocco Nacino ang gaganap bilang si Jonas Burgos at si Tirso Cruz III naman ang gaganap na Joe Burgos.   FIRST MEETING. Bago sinimulan ang lahat, pinagtagpo muna sina Lorna at Mrs. Burgos para magkakilala at magkaroon ng panahong mag-usap. Nagkita sila noong Miyerkules ng hapon, April 10, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City. Aminado ang dalawa na pareho silang na-starstruck sa isa’t isa. Nakangiting sabi ni Mrs. Burgos, “Palagi ko siya [Lorna] pinapanood, e. Sa totoo lang, fan niya ako. “I’m deeply honored, kasi ito artista, pero she’s somebody who commands respect. “Palagay ko, bagay sa sarili ko, simpleng tao. “Now that I see her, nakikita ko she’s very simple, and family woman din siya. “I’m very happy na si Lorna ang gaganap sa akin, maliban sa magaling din siya.”   LORNA’S PREPARATIONS. Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ni Lorna ang role na gagampanan dahil pagkatapos niyang basahin ang script, tingin daw niya ay panibagong challenge ito para sa kanya. Lahad ng aktres, “Kasi yung istorya nung buhay ni Mrs. Edith Burgos, saka istorya ng buong pamilya… lahat tayo dinadaanan din yun, e. “Iba-ibang paraan ang pagkawala ng mahal natin sa buhay. Isa yun sa kakapit ka na pag binasa mo ang istorya. “It’s really about the family, trials, and struggles na kung papa'no mo ma-overcome ang pagsubok na dumating sa buhay mo. “Isa yun sa napakagandang mensahe din, and at the same time, mas malalim din ang pinagdaanan ni Mrs. Burgos at ng pamilya, kasi may involvement pa ng gobyerno. “Mas mahigpit yung challenge ng pakikibaka mo sa buhay,” patuloy nito. Dagdag pang pagsalarawan ni Lorna kay Mrs. Burgos, “She’s very religious, so yung spiritual din na nandun din sa script, yung involvement ng hope natin na sa lahat ng nangyayari sa atin, wala naman tayong ibang makakapitan kundi ang Diyos. “Kaya ang Diyos na ang gagawa ng paraan, lalo na pag ganitong sitwasyon na mabigat yung mga pangyayari. “Dala-dala ko na nga ngayon pa lang.” Natatawa si Lorna na sinabi sa aming ngayon pa lang ay ramdam na niya ang role na Mrs. Burgos, kaya pinaghahandaan na niya ito. Pati sa pagpapagupit ng buhok at pagsuot ng salamin kagaya ng ina ni Jonas Burgos. Ito na nga raw ang pinaka-challenging na gagawin niya sa kanyang career ngayong taon. “Para sa akin sa ngayon, oo, ito na talaga. Kaya hindi ako puwedeng tumanggi. “Sabi ko nga kay Direk, kahit ano ang ipagawa sa akin, okay lang para sa project na ito."   NO NEED TO GUIDE. Sa sandaling pag-uusap nila, nakikita naman daw ni Mrs. Burgos hindi na niya kailangang i-guide pa si Lorna dahil tingin niya ay alam na alam na ng aktres kung ano ang gagawin nito. Aniya, “Hindi ko kailangan i-explain, e. Nai-extract na niya, e. “Sa unang tingin ko pa lang, nakikita na niya. Parang alam na niya. “Siguro later on, pero wala na akong kailangang ituro kasi alam na niya, e. “Except kung kailangan mo talaga sabihin sa kanya kung bakit ganyan, bakit ganito.” BLOGGER. Tamang-tama rin daw, na nang ipinadala kay Lorna ang script ng Burgos, mabigat ang loob niya dahil sa mga nakakarating sa kanyang paninira na nabasa niya sa isang blogger. Ayaw nang idetalye ng aktres ang buong pangyayari, pero nasaktan daw siya nang husto sa paninira sa kanya na lumabas sa isang blog. Pahapyaw na kuwento ni Lorna, may isang tao raw na nanira sa kanya nang nag-post ito sa kanyang Instagram nung dumalaw siya sa puntod ng yumaong asawa na si Rudy Fernandez nung nakaraang Martes Santo. Kung anu-ano raw ang mga komentong ipinarating sa kanya sa Instagram nito na, sabi ni Lorna, sobrang tinapakan daw ang pagkatao niya. Kaya isa rin yun sa mga dahilan kung bakit pina-private na niya ang kanyang Instagram account. Pero pagkalipas lang ng ilang araw, meron nang inilabas ang isang blogger na paninira sa kanya at kinuwestiyon ang kanyang pagkababae. Pero ilang araw din ang lumipas, natanggal na ito. “Wala namang nakakakilala sa sarili mo kundi ikaw din, e. “Kaya kung ano mang kasiraan ang sasabihin ng iba, palagay ko sila naman ang magdadala nun, hindi na ikaw. “Alam mo naman kung ano ang totoo sa sarili mo.” Patuloy pa ng aktres, “Alam ko yung twenty-five years ko na marriage with Rudy, ako lang at siya lang ang nakakaalam ng pinagsamahan namin. “And also, pati pamilya ko, pati ang mga kapatid ko at mga anak, alam yun, kami lang yun. “So, kung dyina-judge ka ng iba, sila na lang yun, bahala na sila.” Nasaktan daw siya sa paninirang inilabas ng blogger na iyon. Pero pagkatapos daw niyang basahin ang script ng Burgos, parang nabawasan kahit papaano ang kanyang sama ng loob, dahil naisip niyang mas marami pa ang mabibigat na problemang hinaharap ng ibang tao kesa sa paninirang hinarap niya. “Masakit talaga. Pero siguro hindi ka na kailangang ma-ruin kasi marami pa diyan ang mas mabigat pa, gaya ng kay Mrs. Edith Burgos. “Balewala na 'yan kung ikumpara mo sa problema ng iba,” sabi ni Lorna. Kaya ayaw na niyang magparating ng ano mang mensahe sa mga naninira sa kanya. “Okay lang kasi parang yung time nila, sayang. “Instead of doing something really good, sinisira pa nila yung sarili nila. Wala na akong masasabi pa.”   THANKFUL TO DIREK JOEL. Samantala, malaki ang pasasalamat ni Mrs. Burgos kay Direk Joel Lamangan sa pagsapelikula ng kuwento ng kanyang buhay. Kahit papaano raw ay maipaparating niya ang gusto niyang mensahe sa lahat—na hindi lang ito laban para sa kanyang anak, kundi pati na rin sa iba pang mga desaparecidos at ang kuwento ng isang pamilyang may ganito ring pinagdaanan. Saad ni Mrs. Burgos: “Ang istorya kasi ay umiikot sa pamilya, at kung paano ang isang pamilya ay talagang sinusubok na maging mabuti inspite of bad things happening around them. “Kasi, yun ang nangyayari ngayon sa atin, ‘no? “Kapag merong nangyayari sa atin na hindi maganda, kung minsan hindi na natin namamalayan na nasisira na ang pamilya. “Mismong mga members ng family nag-aaway-away dahil sa external forces, hindi dapat ganun. “Dapat kapag merong mangyari na maganda o kahit hindi maganda, dapat lahat ito ay grasya, dapat lahat ito ay makatulong, para mas maging buo ang pamilya at magtulungan. “Palagay ko yun ang maibibigay na lesson ng movie.  “At ang isa pang lesson ay how a mother should not give up. “Kung mismo ang nanay ang sumurender, hindi lang sa paghahanap, kundi pati sa pagtuwid ng daan ng mga anak mo... “Kasi malaki na ang influence ng environment, ano? Kailangan ang nanay talaga ang nakatutok. “It’s God-given, e. Siya ang nanganak, sa kanya ibinigay ‘yan para alagaan. “Wala namang katapusan ang pagiging nanay hanggang sa mamatay ka, kahit matanda na ang mga anak mo,” pagwawakas ni Mrs. Burgos. -- Gorgy Rula, PEP