ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Angelika dela Cruz on playing mom to Louise delos Reyes and Lauren Young in 'Mundo Mo'y Akin'


Masaya si Angelika dela Cruz sa karakter na ginagampanan niya sa GMA-7 primetime series na Mundo Mo’y Akin. Ginagampanan niya rito ang papel ni Rhodora, na naging Giselle pagkatapos niyang magparetoke ng mukha dahil pareho silang “pangit” ng matalik niyang kaibigan na si Perlita (played by Sunshine Dizon). Sa pictorial ng ilang PPL talents sa Rancho Gonzalez sa Batangas noong Linggo, April 14, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angelika. Masaya rin daw siya sa pagtanggap ng mga manonood sa kanilang palabas. “Nakakatuwa kasi maraming nanonood. Kahit saan ka magpunta, alam nila. “Palagi silang, ‘Uy, ang ganda-ganda ng Mundo Mo’y Akin!’ "At least, happy ka na yung pinapanood nila, may saysay, pinapanood.” Sabi pa niya tungkol sa kanyang role, “Interesting ang character, e, marami siyang emosyon. “Sa isang eksena, halu-halo ang emosyon. Kapag nagagalit, biglang nagiging jologs.” Mabait ba talaga ang karakter niya sa Mundo Mo’y Akin? “Mabait ako dito. Kahit kay Darlene naman, nag-e-effort siya, e. “Kaya lang, kahit anong lapit niya, binabastos siya ng bata. “Pero, may pinanggagalingan din siya kaya lahat ng character mo rito, maiintindihan mo kasi may pinanggagalingan.” Si Darlene ay ang role na ginagampanan ni Lauren Young, na sa kuwento ay hindi naman niya talaga tunay na anak. Ang totoong anak ni Giselle ay si Marilyn, na ginagampanan naman ni Louise delos Reyes.   COSMETIC SURGERY. Sa Mundo Mo'y Akin ay nagparetoke ang karakter ni Angelika dahil ayaw niyang manatiling pangit. Sa totoong buhay kaya ay magpaparetoke siya kung sakaling hindi siya biniyayaan ng ganda? Sagot ng aktres, “Depende siguro kung ano talaga ang sitwasyon. Kasi, kagaya ng sitwasyon ni Rhodora, hindi ka maligaya. “Na kahit sarili mong magulang, ginaganoon ka, baka. “E, may eksena ako doon na hinarap ako ng tatay ko sa salamin na, ‘Hindi mo pa ba tanggap, pangit ka?' “Tapos, pinalayas ako dahil pangit ako. “Tapos, yung amo niya, kahit mabait at magaling siya sa trabaho, ang palaging dialogue, ‘Dapat lang, kasi pangit ka!’”   TOO YOUNG TO BE A MOM. Natutuwa naman si Angelika sa young cast members ng serye na sina Lauren, Louise delos Reyes, at Alden Richards dahil mababait daw ang mga ito. Kumportable na ba siyang gumanap bilang nanay ng mga ito na konti lang din ang agwat ng kanilang mga edad? Pag-amin ni Angelika, “Weird pa rin, kasi para akong nanganak ng eight years old! “At kahit yung mga tao, nakakatuwa yung mga comments nila sa YouTube, kasi pinapanood nila, 'Ano 'yan, nabuntis si Angelika ng ten  [years old]? Paano nanganak ‘yan?’ “Pero feeling ko naman, nagagampanan ko naman nang maayos ang role ko. Yun naman ang importante doon. "Pero, nakakailang. Kasi ilang taon lang naman ang tanda ko sa kanila. “Pero kapag action, siyempre kailangan mong kalimutan ang pagka-ilang mo.” Hindi naman naiilang sa kanya sina Lauren at Louise? “Mabait sila pareho. Siguro kung naiilang man sila sa akin, hindi ko napapansin.”   LEAD ROLE. Dito sa Mundo Mo’y Akin, tila ito yung nagbalik sa kanila ni Sunshine sa “bida” status. Unang nagkasama ang dalawa sa dating primetime series ng GMA-7 na Ikaw Lang Ang Mamahalin (2001). Ayon kay Angelika, “Actually, nagbibida naman ako, sa Biritera. Papalit-palit kasi, bida-kontrabida. “Pero oo, masaya ako. Thankful ako sa GMA kasi magaganda yung role na naibibigay sa akin. “Siyempre, hindi naman all the time, matsa-challenge ka—hindi naman all the time, makakakuha ka ng ganoon.”   NOT THREATENED. Madalas na ang kaeksena ni Angelika sa Mundo Mo'y Akin ay ang award-winning actress na si Jaclyn Jose. Pero hindi naman daw ito ang unang pagkakataon na nagkasama sila. Hindi ba siya yung tipong nate-threaten kapag magaling ang artistang kaeksena niya? Sagot ni Angelika, “Hindi kasi ako ang tipo ng taong nate-threaten kahit na gaano kagaling ang kaharap ko. Mas gusto ko nga yun. “Nagagalingan ako, naa-amaze ako, pero hindi ako nate-threaten. “At saka ako, gagawin ko lang kung ano ang kailangan kong gawin. “At saka, mas masarap naman kapag magaling ang kaeksena mo. Gusto ko yun.”   END OF CONTRACT. Naitanong din kay Angelika kung kuntento naman ba siya bilang isang Kapuso. “Oo," mabilis niyang tugon. "Kasi ako, I just want to work. Hindi ko siya priority, gusto ko lang siyang ginagawa. “Maloloka ako kung hindi... o wala akong ginagawa.” Malapit nang matapos ang kontrata ni Angelika sa GMA-7. Ano ang plano niya kung magtapos na ito?           “Hindi ko alam kay Tito Perry [Lansigan, her manager], hindi ko alam sa kanya.” Mananatili ba siyang Kapuso? “Sana… si Tito Perry ang in-charge. “Kasi, di ba dati, kaming dalawa ni Daddy [Ernie dela Cruz] ang nagde-decide? “E, tapos na ako doon sa nai-stress ako kung ano ang gagawin ko. So, bahala na si Tito Perry doon.”

Paano kung dalhin siya sa TV5 o kaya naman ay ibalik sa ABS-CBN?

“Naniniwala ako na alam niya ang ginagawa niya [Perry].

"Mami-miss ko siyempre ang GMA. Love ko ang mga boss ko. Love ko siyempre ang mga boss ko sa GMA.

“Siyempre kung ako ang tatanungin, gusto ko rito sa GMA.” - Rose Garcia, PEP