ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Martin Escudero refutes rumors claiming his decision was influenced by Marian Rivera


  PEP EXCLUSIVE: Dahil sa pagkalas ni Martin Escudero mula sa pangangalaga ni Popoy Caritativo, may usap-usapan ngayon na sumunod lang daw siya kay Marian Rivera na naunang nag-anunsiyo ng pag-alis sa poder ng dati nilang manager. Nilinaw naman ito ni Martin sa pagpapatuloy ng eksklusibong panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Biyernes, May 10. Aniya, “Yun nga po, tulad ng sinabi ko, naghanda muna kami, marami muna kaming kinausap.  “So, hindi totoong sumabit lang ako bigla-bigla dahil umalis siya [Marian]. Meron po kaming mga sariling dahilan din. “So, hiwalay po si Marian sa akin. “May sarili po kaming problema at rason kung bakit ko ginawa yun.” Dagdag niya, “Ang totoo po niyan, sinasabi ko na mas una akong gumawa ng hakbang kesa kay Marian.  “Nagkataon lang na mas nauna siyang mag-presscon at magsalita.  “Pero hindi ho totoo na sumabay lang ako o kumampi ako kay Marian.” Nagkausap ba sila ni Marian? “Nagkausap lang kami noong sabihin ko na wala na ako kay Popoy, nagpaalam na ako.  “At saka, noong nag-presscon siya, nakapagbigay na ako ng letter. Hindi ko alam na aalis siya.” Kailan niya nakausap si Marian? “Noong nagbigay lang ako ng letter, noong tapos na yung desisyon ko. “Nagulat lang din ako noong nag-announce na si Marian. Hindi ko rin po inaasahan.”   LOYALTY CHECK. Noong April 26, Biyernes, naganap ang press conference ni Marian sa Luxent Hotel. Dito ginawa ang announcement ng pagkalas ng Kapuso actress kay Popoy. Pero noong April 25 pa raw ng umaga, Huwebes, ibinigay ni Martin ang sulat niya kay Popoy. Kaya lang, hindi raw siya hinarap ni Popoy kaya sa secretary na lang nito sa opisina nila pinatanggap at pinapirmahan ang ipinadalang retraction letter. Kinahapunan naman ng April 25 ay ginanap ang meeting ni Popoy sa kanyang mga naiwang talents—sina Dennis Trillo, Janice de Belen, AJ Dee, Tom Rodriguez, at Rafael Rosell. Hindi na sumipot si Martin sa meeting na ito. Paliwanag niya, “Kasi noong April 25 nga po na yun, yun po ang meeting dapat.  “Day before noon, nag-text po ako sa kanya [Popoy] na, ‘Tito, saan po ang location?’ “Hindi na niya ako pinapunta sa meeting kasi sabi ko, didiretso na lang kami sa meeting, kasama ko ang magulang ko. “Tapos sabi niya, ‘Ibig mong sabihin didiretso ka sa meeting?’  “Sabi ko, ‘Opo.’ Sagot daw ni Popoy: “'Wag ka na pumunta. Diyan ka na lang at magbakasyon ka na lang.” Napag-usapan na ba nila ni Popoy ang letter na ibinigay niya rito? “Simula po noon, hindi na po kami nagkakausap pa.”   MARTIN’S MESSAGE. Sa mga naglalabasang isyu bunsod ng pag-alis niya sa poder ng dating manager, ano ang gustong iparating na mensahe ni Martin sa lahat? “Sa totoo lang po, ayoko naman pong siraan si Popoy. Gusto ko lang naman pong sabihin kung ano ang totoo. “Marami na silang sinasabing mali kaya gusto ko lang linawin yun.  “Umalis ho ako sa sarili kong desisyon. “Labas ho sa akin si Marian, wala talaga.” Bakit siya nagdesisyong lumabas at magpa-interview? Sabi ni Martin, “Lately na lang po kasi may lumalabas na mga ganoong balita. “Naiipit din si Marian pati mga ibang tao na wala namang kinalaman tungkol dito.  “At saka, kasinungalingan ho kasi yun, gusto kong itama.  “Gusto kong sabihin kung ano ang totoo, pero ayoko na lang pong idetalye, bilang respeto na rin po. “Sa akin po, para po wala rin namang naaagrabyado sa maling paraan. “Kasi, baka paniwalaan nila ang side nun, mali naman.” Masasabi ba niyang naging mabuti siyang talent ni Popoy? “Opo naman,” mabilis niyang sagot. “Alam naman po ng lahat yun, ng mga nakapaligid po. Kahit kanino po ninyo itanong.” -- Rose Garcia, PEP