Ai-Ai delas Alas' son Sancho on Jed Salang: 'Siyempre, gusto ko siyang bawian. Huwag na lang, not worth it'
Ekslusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang panganay na anak ni Ai-Ai delas Alas na si Sancho sa 44th Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Inc. (GMMSFI) kagabi, May 19, sa AFP Theater.
Si Sancho ang nagsilbing escort ng kanyang ina, na ginawaran bilang Phenomenal Box-Office Star—katuwang sina Vice Ganda at Kris Aquino—dahil sa pelikulang Sisterakas na may hawak ng record ngayon bilang highest-grossing Tagalog movie.
Si Sancho ay anak ni Ai-Ai mula sa dati niyang karelasyon bago pakasalan ang singer na si Miguel Vera, kung saan mayroon ding dalawang anak ang komedyana.
Ilang oras bago ganapin ang 44th Box Office Entertainment Awards ay ipinalabas sa The Buzz ang panayam ni Ai-Ai, kung saan inamin nito ang pakikipaghiwalay sa asawang si Jed Salang pagkatapos lamang ng isang buwang pagsasama.
Sinubukan naming kunan ng pahayag si Sancho kaugnay ng sinapit ng pagsasama ng kanyang ina at ni Jed.
Sagot niya, na halata ang galit sa mukha, “Ayaw ko na sanang magsalita. Pero siyempre, bilang anak ay masakit po.
"Masakit kasi panganay nga po ako, e.
“Ako lang ang anak na nandito. So, as of now, ako lang ang naka-support kay Mama.”
Paano niya ipinapakita ang suporta sa kanyang ina?
Sagot ni Sancho, “Lagi lang akong kasama niya. Lagi lang... sa work, kahit saan siya pumunta.”
Ano pa ang puwede niyang gawin para sa kanyang ina?
Aniya, “Sa ngayon? Suporta lang talaga muna.
“She needs me right now kasi kaming dalawa lang po talaga ngayon ang magkasama.”
NOT WORTH IT. Hindi itinago ni Sancho ang kanyang nararamdaman sa sitwasyon ng kanyang ina ngayon, lalo na’t lagi silang nagkakausap.
Aniya, “Masakit kasi ako ang lagi niyang kasama.
“We talk about love stories niya, love life niya... everything—I know it.
“Tapos heto, sobra lang… sobra.”
Ano ang nararamdaman niya ngayon sa lalaking nanakit sa kanyang ina?
Mariing sabi ni Sancho, “Siyempre, gusto ko siyang bawian, e.
“Pero si Mama, she’s a cool person. Huwag na lang, not worth it.”
Ngunit aminado si Sancho sa nararamdamang galit para kay Jed.
“Oo, sobra. Nanay ko po ang pinag-uusapan. Ipaglalaban ko po siya nang patayan!”
Nagkita na ba sila ni Jed pagkatapos makipaghiwalay ng kanyang ina?
Iling lang ang naging sagot ni Sancho.
Noong nagsisimula pa lang ang relasyon ng kanyang ina at ni Jed, may naramdaman ba siyang kakaiba kay Jed?
“Wala naman,” mabilis niyang tugon.
Dagdag ni Sancho, “He’s very welcome to the family. He’s very open."
Inakala ba niyang hahantong ang lahat sa ganito?
“Hindi ko talaga alam na aabot ito sa ganito,” sabi ni Sancho.
Mabuti nga raw at mayroong pre-nuptial agreement sina Ai-Ai at Jed.
“Opo, sinekyur [secured] naman po yun."
HURT FOR HIS MOM. Bilang isang anak, ramdam raw ni Sancho ang pinagdadaanan ng kanyang ina.
“Masakit yun para sa kanya. Kasi, komedyante si Mama. It’s very unusual for her to cry.
“Niyakap ko siya and basta nandun lang ako sa kanya the whole time.”
Ngayon lang ba niya nakita ang ina na umiyak na ganito katindi?
“Hindi naman po, but this is a different story.”
Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Ai-Ai ay sinabi nitong sa kanyang mga anak siya humuhugot ng lakas. Ano ang reaksiyon ni Sancho dito?
“Siyempre, kami ang family. Kami din po ang magtutulungan at magsasama-sama,” sabi niya.
Umaasa pa rin ba si Sancho na makakita ng tamang lalaki ang kanyang ina sa hinaharap?
“Hindi pa naman yata huli ang lahat para sa kanya,” sagot niya.
Magandang leksyon ba ito para sa kanya kung sakaling lumagay na rin siya sa tahimik?
Nakangiting sagot ni Sancho, “Oo. Ever since... ewan ko kung paano ko ito sasabihin.
“Basta, I don’t wanna be like Jed. That’s it.”
May mensahe ba siya para kay Jed?
“Wala,” mariin niyang sabi. — Glenn Regondola, Philippine Entertainment Portal