ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ai-Ai delas Alas 'starting to heal' after split from husband Jed Salang


Tumulak patungong U.S. si Ai-Ai de las Alas nitong Miyerkules ng gabi, June 19, kasama ang kanyang panganay na anak na si Sancho Vito. Bago nito, magharap muna noong umaga ng Miyerkules sina Ai-Ai at ang asawa niyang si Jed Salang sa korte sa Quezon City Hall of Justice. Ito ay kaugnay sa hiniling ng comedienne na Permanent Protection Order (PPO) para sa kanya at sa kanyang mga anak. Tikom ang bibig ni Ai-Ai pagdating sa kasong isinampa laban sa asawa. “No comment” lang din ang sagot ni Ai-Ai kung totoong bukod sa Permanent Protection Order, nagsampa rin siya ng kasong Violation of R.A. 9262 o Violence Against Women and their Children. Hindi rin idinetalye ni Ai-Ai ang paghaharap nila ni Jed sa korte, dahil kailangan niyang niyang sundin ang gag order na ibinaba ng korte. Sabi ni Ai-Ai sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Hindi ko siya [Jed] nakita, e. “Wala, kasi nagpi-pray ako, e. Saka hindi ko naman sila tinitingnan. “Hindi ko siya nakita. Hindi na nila sinabi sa akin. “Naririnig ko lang boses niya… siguro hindi na rin ako interesado.” HEALING PROCESS. Nasa healing process pa rin daw si Ai-Ai at alam daw niyang matatagalan pa ito. Pero naniniwala siyang malalagpasan niya itong masakit na pinagdaanan niya. “I’m starting to heal,” sambit niya. “Hinihilom naman ang mga sugat pagdating ng panahon.” Paminsan-minsan ay iniiyakan pa rin daw niya ito sa gabi. “Sa gabi, minsan… ganun naman, e. “Kasi naman, sabi nga ni Direk Wenn [Deramas], ang pain naman hindi naman shortcut, talagang it’s a process. “Hanggang sa makasanayan mo na wala na lang, hanggang sa maghihilom na lang ang sugat sa tamang panahon. “Ayoko na rin magalit. “Noon pa, sinabi ko, I trust Him and I trust the Lord. Siya na lang bahala.”   NO TO LOVING AGAIN. Parang diring-diri naman si Ai-Ai sa kasunod naming tanong kung nakahanda na ba siyang umibig muli. Sabi niya, “Naku po, dyusko! Magpaka-nanay muna ako! “Huwag muna Lord. Hindi pa muna. “Kahit pa dating, huwag muna Lord.” Pero may nagparating ng litrato kay Ai-Ai na kuha kay Jed na may kasamang babae at ilang kaibigan na kumakain sa isang restaurant sa The Fort. Sa mga litratong ipinakita, parang may namamagitan kay Jed at sa babae. Pero safe ang sagot ni Ai-Ai tungkol dito. Aniya, “Of course, hindi ko kilala yung babae. Hindi naman natin alam baka kamag-anak niya o pinsan niya o ano or something. “Hindi natin alam, ayoko naman mag-judge sa kanila. “Siguro kasi, legally and technically, asawa ko pa rin si Jed. Pero sa situation namin ngayon, hayaan na lang. “Kung dun siya masaya, hayaan na lang natin siya.”   FILING FOR DIVORCE. “No comment” uli ang sagot ni Ai-Ai nang tanungin ng PEP kung bahagi ba ng bakasyon niya sa Amerika ay magpa-file na siya doon ng divorce. Ikinasal sina Ai-Ai at Jed sa Las Vegas, Nevada noong April 3, 2013. Bahagi rin daw ng protection order ang hindi niya pakikipag-communicate sa mga magulang ni Jed. Isang buwan daw siya sa Amerika at natutuwa raw siya dahil mas mae-enjoy na raw niya ngayon ang bonding kasama ang kanyang mga anak na sina Sancho, Sophia, at Sean Nicolo. “Tingin ko, mas doble ang saya namin ngayon, kasi mas closer na kami ngayon. “Saka malalaki na ang mga bata ngayon, e, kaya parang mga barkada ko na lang sila,” masaya niyang pahayag. STILL THANKFUL. Pawang pasasalamat na lang daw si Ai-Ai ngayon sa Diyos dahil ramdam daw niya ang pagmamahal at suporta ng lahat. “Yung mga taong nagmamahal sa akin—sa Instagram, sa Twitter—thank you kasi malaking bagay talaga sila na sinusuportahan nila ako. “Lalo na pag sinasabi nila na, ‘Ai-Ai, isa lang naman ang nawala, milyon naman kami.’ “Napakasaya and napaka-happy na feeling ko blessed na blessed ako kasi parang… ay, thank you naman dahil marami ang nagmamahal sa akin. “Thank you nga pala sa Gabriela sa support nila sa akin. Saka meron pang isang group, e, nakalimutan ko lang,” saad ng Kapamilya actress. -- Gorgy Rula, PEP