BB Gandanghari, nagsalita tungkol sa AIDS rumor; John Lapus, ipinagtanggol ang kaibigan
Kasunod ng pagkaka-ospital ni BB Gandanghari dahil sa "serious infection" kamakailan, lumabas din ang ilang espekulasyon kung ano talaga ang naging karamdaman ng aktor. Sa artikulong isinulat ni Glenn Regondola sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, itinanggi ni BB ang mga hinala na AIDS ang dahilan ng kanyang pagkaka-ospital. Sa nakaraang panayam ni Ricky Lo na lumabas sa Startalk TX nitong nakaraang Sabado, ipinaliwanag ni BB na impeksiyon bunga ng severe dehydration at urinary tract infection ang dahilan ng kanyang pagkakasakit. Kung hindi naagapan ay maaapektuhan umano ang kanyang bladder at kidney. May positibong pangyayari din naman ang pagkaka-ospital ni BB dahil doon nangyari ang ganap na pagtanggap sa kanya ni Robin Padilla. Matapos makalabas ng ospital, sinabing nakakapagbiro na ulit si BB at puwede na rin siyang biruin tungkol sa kung anu-ano sa buhay niya. Maging ang tungkol sa kanyang sex life ay nagagawa na niyang katatawanan. Pero pagtiyak ni BB, zero ang kanyang sex life at lovelife. “Kaya nga unfair sa akin na itsismis ako na may AIDS dahil wala talaga ako... hindi ako promiscuous," anang aktor. “Ako yung tipong I go for a relationship." Paglilinaw pa ni BB, minsan ay sumasama siya sa kanyang mga kaibigan pero hindi naman siya natsitsismis na kung saan-saan pumupunta. Idinepensa ni John Lapus Kabilang naman si John “Sweet” Lapus sa mga natuwa sa pagbababati ng magkapatid na BB at Robin Padilla. Madalas na magkasama ngayon sina John at BB dahil sa kanilang comedy show na Beauty and The Sweet na gaganapin sa Music Museum sa August. Aminado naman si John na nagulat siya nang maospital si BB. Pero hindi siya naniniwala na AIDS ang dahilan ng pagkakasakit nito. “Kasi sobrang payat niya, di ba?," sabi ni John. “Hindi kasi alam kung ano ang tawag doon sa sakit niya, but she’s okay now." Tiniyak naman ni John na maayos na ang kalagayan ni BB nang magkita sila sa miting para sa Beauty and The Sweet. “Sabi ko sa kanya, huwag niyang biglain ang katawan niya. Sabi ko sa kanya, ‘Kasi naman, diet ka nang diet, ako naman ang taba ko naman, pero healthy naman ako," biro ng komedyante. Dagdag pa ni John, hindi palabas ng bahay si BB at hindi rin naman ito natsitsismis na sumasama kung kani-kanino. “Babae lang talaga siya, gusto niya laging nasa bahay lang," ayon kay John. "Hindi mo naman siya nakikita na nagkakalat sa kung saan-saan, di ba?" -- FRJ, GMA News