ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Thea Tolentino will not let love life be a hindrance to her career


Nagpalitan ng regalo ang Kapuso young stars at “Protégé” winners na sina Thea Tolentino at Jeric Gonzales dahil magkalapit ang petsa ng kanilang mga kaarawan.
 
Si Jeric ay nagdiwang ng kanyang 21st birthday noong August 7, samantalang si Thea ay nag-celebrate ng kanyang 17th birthday noong August 13.
 
Sa hiwalay na panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jeric, napag-alaman naming isang neck pillow ang ibinigay niya kay Thea.
 
Sa panayam naman ng PEP kay Thea sa ibang okasyon, sinabi nitong plano na niyang gamitin agad ang regalo ni Jeric sa kanya.
 
Letter for Jeric
 
Sa nakaraang birthday naman ni Jeric noong August 7, isang sulat ang iniregalo ni Thea sa binata.
 
Bakit sulat?
 
Tugon ni Thea, “Kasi para sa akin, mas maganda 'yung sulat kesa sa materyal na bagay na bibilhin mo sa mall or ganyan.
 
“Kasi, sa sarili ko talaga nanggaling, iyan 'yung nararamdaman ko sa sulat ko.”
 
Gaano niya katagal ginawa ang sulat?
 
“Ako, kung magsulat kasi, talagang pinag-iisipan ko. Magulo kasi akong magsulat.
 
“Parang andito 'yung isang topic, tapos biglang babalik dito sa isang topic, tapos magkakagulo!” natawang sabi ni Thea.
 
Sulat-kamay ang naturang liham, hindi gumamit si Thea ng computer.
 
“Ang pangit po kasi 'pag tinayp [typed]!” at muling tumawa si Thea.
 
Ayon kay Thea, naisulat niya ang kanyang mga saloobin sa binata.
 
“Kasi, mas lalo kaming naging close noong workshop ng 'Pyra,' talagang nag-open up na kami sa isa’t isa kaya mas naging kumportable kami.
 
“Tapos, ayun, parang mas gumaan 'yung loob ko sa kanya, to the point na parang kaya ko na ring sabihin sa kanya lahat.
 
“Talagang napapagkatiwalaan ko na siya.”
 
Ang “Pyra” ang launching afternoon soap ni Thea sa GMA-7.
 
On hold
 
Hindi pa nanliligaw si Jeric kay Thea dahil ayon sa binata, mas nakatutok ang young actress sa kanyang showbiz career.
 
“Opo, career muna,” kumpirma naman ni Thea.
 
Hanggang kailan niya paghihintayin si Jeric?
 
“Depende po kung gaano na 'yung na-improve ko, depende po,” pagtukoy ni Thea sa kanyang propesyon bilang artista.
 
Depende raw sa achievement niya sa showbiz kung kailan niya pag-uukulan ng atensiyon ang love life.
 
“Opo, depende... love can wait naman, e.”
 
So posibleng isa, dalawa, tatlong taon o higit pa bago siya magpaligaw kay Jeric o kung kanino man?
 
“Opo, puwede, kung makakapaghintay siya.
 
“Pero kung hindi siya makakapaghintay, hindi niya talaga nararamdaman 'yung ganoong way para sa akin.”
 
Paano kung hindi makahintay at manligaw na si Jeric sa iba, malulungkot ba siya?
 
“Kung may niligawan siyang iba, accept na lang ako,” pagsisiguro niya.
 
“Hindi ako 'yung parang magmumukmok sa isang sulok, na nag-e-emote na tao kapag 'yung crush ko, tapos nanligaw siya sa iba.”
 
Noon pa mang nasa “Protégé” sila ay aminado na si Thea na crush niya si Jeric.
 
Pero higit sa pag-ibig, mas mahalaga raw para kay Thea ang career.
 
“Opo, opo. Kasi kung mapupunta naman talaga siya sa iba, then hindi siya talaga para sa akin.”
 
Biniro namin si Thea, na since siya si Pyra, magagalit ba siya at susunugin niya si Jeric at kung sinumang babaeng magiging girlfriend nito?
 
“Sabi ko nga, pagkatapos ng show, wala na silang buhok!” at tumawa nang tumawa si Thea.
 
'Pyra'
 
Speaking of “Pyra: Ang Babaeng Apoy,” na launching ni Thea sa GMA-7, paano niya pinaghandaan ang pagiging isang babaeng may kapangyarihan ng apoy?
 
“Ayun po, talagang kasi si Pyra, lumalabas 'yung kapangyarihan niya na kumontrol ng apoy, gumawa ng apoy dahil sa galit na nararamdaman niya.
 
“Kaya kailangan  kong mas ma-feel yung galit para talagang makita sa TV, na rumehistro sa TV.
 
“Na talagang galit ako at iyon 'yung nararamdaman ko at mararamdaman iyon ng mga taong manonood.
 
“'Pag magagagalit ako, 'yung mata ko, mag-o-orange siya, tapos kaya ko din po na kapag tinitigan ko, tapos nag-concentrate ako...
 
“Kasi iyon, may nararamdaman din akong inis at galit, mapapaapoy ko 'yung isang bagay or makokontrol ko 'yung nag-aapoy na bagay para pumunta sa ganitong lugar.”
 
Anger mood
 
Sa totoong buhay, paanong magalit si Thea?
 
“Ano po, madami lang akong mina-mouth na words, pero hindi ko agad sinasabi directly.
 
“Siguro, sa sarili ko muna or ikukuwento ko sa pinaka pinagkakatiwalaan kong tao.
 
“Para kasi, kapag iyon galit, siyempre iisipin mo lang 'yung side mo.
 
“Tapos, kapag may pinagsabihan ka, tapos nag-advice siya, parang mare-realize mo na medyo kumakalma ka na.
 
“Parang galit ka, 'yung sarili mo lang iniisip mo.
 
“Hindi mo iniiisip 'yung side noong isa, hindi mo alam 'yung explanation kung bakit ganoon yung nangyari.”
 
Right timing
 
Ano ang naramdaman ni Thea nang nalaman niyang ilu-launch na siya finally ng GMA-7?
 
“Sobrang honored po, kasi kakatapos lang ng 'Protégé,' tapos iyon, napagkatiwalaan na nga po ako.”
 
Hindi ba siya nainip bago siya nagkaroon ng launching project?
 
Sabi ni Thea, “Hindi po, okay lang po iyon, kasi talagang kailangan pa naming i-improve ang sarili namin.
 
“Saka para mapatunayan namin na talagang ready na kami na magkaroon ng sariling show.”
 
Kaya hindi siya nagtanong na “bakit ngayon lang?”
 
“Hindi po.”
 
Para kay Thea, ito talaga ang tamang panahon para bigyan siya ng solo na show.
 
“Opo! Kasi talagang 'yung mga bagay na 'yun, 'yung mga ganitong bagay, talagang hindi iyan agad-agad na mangyayari.
 
“It takes time na dumating 'yung mga bagay na dapat para sa iyo—kung para sa iyo, para sa iyo.
 
“Pero kung hindi pa dumadating, siguro hindi ito yung panahon, sa ibang panahon ka pa.”
 
No hard feelings
 
Sina Thea at Jeric ang winners ng “Protégé,” pero ang runner-up nilang si Ruru Madrid ay naging mainstay sa Sunday musical-variety show na “Sunday All Stars.”
 
Hindi ba sumama ang loob nila?
 
Sabi ni Thea, “Okay lang naman po sa akin.”
 
Hindi ba siya nagtaka?
 
“Hindi po.
 
“Siyempre po nalungkot, kasi ayun 'yung 'Party Pilipinas,' tapos after noon, pumalit 'yung 'Sunday All Stars.'
 
“Para sa akin po, tinanggap ko na lang kasi siguro kailangan ko pang talagang mag-concentrate sa acting. 
 
“Parang pinagpaliban ko muna sandali 'yung pagsasayaw, 'yung performance, kaya talagang workshop-workshop.” Pep.ph