Martin Escudero relates six-hour 'hostage' experience in India
Kababalik lang ng bansa ni Martin Escudero, na kabilang sa nominees under Newsmaker category para sa second quarter ng The PEP List.
Kagagaling nito sa India para sa shooting ng bago niyang indie film na Mumbay Love.
Pero ang pamamalagi niya sa bansa ay naging traumatic para sa aktor dahil na-hostage siya at ang mga kasama nang halos anim na oras.
Ikinuwento ni Martin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang miyembro ng press kahapon,. October 1, sa Annabelle’s, Tomas Morato, Quezon City, ang naging nangyari.
Panimula niya, "Grabe yung experience namin doon, e. May mga nakakatakot na nangyari sa amin. Na-hostage kami ng mga Indians."
Hindi gaanong nagbigay ng detalye ang 23-year old actor kung paano sila nadukot, pero paliwanag niya, “Kasi medyo iba ‘yong kultura nila, e.
“Uso pa sa kanila ‘yong mga mafia, ‘yong mga goons na haharangin talaga kayo. Pag hindi kayo nagbayad, hindi na kayo makakaalis.
“So natiyambahan kami na nagsyu-shoot kami sa isang resort, liblib na yung lugar, e.
“So wala kaming mahingan ng tulong kaya na-hostage kami doon."
Hindi kumuha ng anumang permit ang bumubuo ng production ng Mombay Love, kaya imbes na lumapit sa gobyerno ng India, nagbigay na lang ang Indian producer ng ransom para mapalaya sina Martin.
Mas matatagalan at mapapahaba rin kasi ang proseso kung idadaan pa sa gobyerno.
Saad pa ni Martin, “Tumagal ng six hours kasi inantay pa nila ‘yong magbibigay ng ransom.
“Mabilis naman ‘yong naging proseso basta ‘yon lang talaga ang pakay nila, na kumuha ng ransom, kung hindi mabubugbog kami doon, kaya minadali nila.
"Basta alam nilang foreigner, basta alam nilang mauutakan nila.”
Umiling ang Kapatid star nang tanungin kung magkano ang ransom na hiningi kapalit ng paglaya nila.
“Ayokong sabihin,” sagot ni Martin.
Sa kabilang banda, kahit natakot at na-trauma ang StarStruck alumnus, "marami rin namang masasayang experience, pero ang lugar nila halos hindi naman nalalayo sa Pilipinas, e.”
MUMBAY LOVE. Gagampanan ni Martin ang karakter ni Mark, isang company photographer na ipinapadala sa iba’t ibang bansa.
“Ako ‘yong 'pinapadala sa ibang bansa para kumuha ng mga detalye para puwede naming i-import, 'tapos ang director ng movie ay si Benito Salvador Bautista."
Ang unang plano ay hindi sa Pilipinas ipapalabas ang pelikula.
Aniya, “Originally, international lang [ang release] kasi walang market dito, pero since nung huling usap namin, magiging nationwide na siya.
“So dalawang kultura ‘to na pinagsama sa isang pelikula, ang kultura ng mga Indian ,‘yon yung part na kinunan naming doon, 'tapos mayroon pa kaming kukunan dito."
Ang Mumbay Love ay nakatakdang ipalabas sa India at sa bansa nationwide sa January 2014. -- Rizza Lorraine C. Benedicto, PEP