ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Raquel Pempengco sells house Charice gave her, wants daughter to forget her
By ARNIEL C. SERATO, Pep.ph
Pagkatapos ng ilang buwang pananahimik, muling nagpakita sa telebisyon si Raquel Pempengco nitong Sabado, December 21, sa isang talk show.
Pauna ng ina ng international singer na si Charice sa kanyang nararamdaman, “Nalulungkot siyempre, lalo na’t nasanay ako na nasa tabi niya, nasanay ako sa pangako niya na siya’y magiging gabay ko pagdating sa katandaan ko.
"Pero, hindi pala talaga lahat ng pangako ay matutupad.”
Dagdag pa ni Raquel, “Masakit, pero alam ko talagang mangyayari 'yun. Ini-expect ko na rin 'yun, pero hindi ko ini-expect na ganito kasakit ang mangyayari sa akin.”
Nagkaroon ng malaking gap kina Raquel at Charice noong inamin ni Charice na siya ay isang lesbian.
‘Gusto kong magtago…’
Matapos ang pag-amin noon ni Charice sa totoo nitong kasarian, nagdaos din si Raquel ng sariling presscon upang ilahad ang kanyang damdamin.
Dito, isiniwalat ni Raquel na naging lesbian din siya noong kanyang pagkadalaga pero na-overcome daw niya ito.
Matapos nito, nanahimik na si Raquel at hindi na muling nagpakita sa publiko. Pero kahapon, sa ginawang pagpa-interview nito sa talk show ng TV5, naging mainit ang kanyang mga pahayag.
Dito ay inamin niyang pinili talaga niyang magtago.
Aniya, “Gusto ko talagang magtago, gusto ko… Kung tutuusin, gusto ko lumayo. Pakiramdam ko, ako lahat ang sinisisi ng mga tao.
“Minsan nga, sabi nila dapat ako na lang… nawala na lang ako. Maglaho kaya ako?
"Kaya lang, siyempre, minsan nagbibigay lakas sa akin 'yung isa ko pang anak, kung hindi ako kailangan ni Charice.”
Ang tinutukoy ni Raquel ay si Carl, ang bunsong kapatid ni Charice.
Charice’s house
Isa pang ibinabato kay Raquel ay siya raw ang dahilan ng pagkaubos ng pera ng anak.
Mariin niya itong itinanggi. Saad ni Raquel, “Pagdating sa pera ni Charice, wala akong idea, kasi hawak niya 'yun e.
"Hindi ko na alam mula nang 2010 kung magkano pa ang laman ng pera niya sa bangko.
“Hindi ako ang may hawak dahil si Charice may sariling business account sa America. Diretso sa account niya.”
Kasunod nito ang isyung pagbenta niya sa bahay na iniregalo ni Charice sa kanya. Ito ang bahay na ipinundar ng singer sa Tagaytay. (Ipinakita ang bahay na ito sa YES! Magazine noong 2009.)
Direkta namang inamin ni Raquel na ibinenta nga niya ang bahay dahil sa kakulangan ng pondong pinansiyal.
Aniya, “Kailangan e. Kailangan ko ng pagkakakitaan as soon as possible, dahil kung hihintayin ko pa ang taon, nakatunganga ako.”
Suicide attempt?
Pinag-usapan naman hindi lang dito sa bansa kundi maging abroad ang diumano’y pagtangka ni Charice sa kanyang buhay dahil daw sa usapin ng pera.
Ito ay inihayag ng lola ng international YouTube sensation sa nasabi ding talk show, sa ibang pagkakataon. Pinasinungalingan ito ni Charice.
Ayon rin sa inang nakaalitan, hindi kayang gawin ng anak na kitilin ang sariling buhay.
Ani Raquel, “Hindi, hindi ako naniniwala. Kilala ko si Charice. Kahit na medyo may gap kami, alam ko naman ang kapasidad ng kanyang lakas at pag-iisip.
"Hindi totoong naglaslas si Charice."
Ano ang pakiramdam niya na ang ina niyang si Tess Relucio ang mismong nagpahayag ng tungkol sa suicide?
Paka-totoo ni Raquel, “Siyempre, may halong hinanakit.
"Na nagtatanong ako kay tatay, tinanong ko si Tatay, ‘Tatay, ano pa ang kulang? Ibinigay ko na lahat. Ano pa ang kulang?’
"Para ungkatin ‘yang ganyang mga bagay, para siraan na naman ako.
"'Ibinigay ko na sa inyo, inilalagay ko kayo sa maayos, pero ano pa ang kulang?”
Tinik sa puso
Para kay Raquel, ang inang si Tess at anak na si Charice—ang mga dating pinakamalapit sa kanya—ang masasabing tinik sa kanyang puso sa ngayon.
Pahayag ni Raquel tungkol dito, “Siguro, kung nasaan man ako ngayon, siguro iisipin ko na sana nasa heaven na ako ngayon.
"Dahil mas mabuti sanang pinatay na nila akong dalawa, kaysa ako ang pinahihirapan nila sa gitna.”
Dagdag ni Raquel, “Dahil, pareho silang kadugo ko na nagbibigay ng sakit at sugat sa puso ko.”
Mensahe pa niya kay Charice, “Katahimikan. Kung siya’y masaya na sa piling ni Alyssa [Quijano], huwag niya nang banggitin pa ang pangalan ko.”
Para naman sa ina, sabi ni Raquel, “Itong Christmas na ito, siguro bigyan ako ng peace of mind ni Nanay.
"Kasi alam naman ni Nanay na lahat na ng paraaan ginawa ko na. Kung may kulang man, hindi ko na kayang ibigay, dahil 'yun lang ang kaya ko.” —Pep.ph
Tags: charice, raquelpempengco
More Videos
Most Popular