ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kampo ni Claudine Barretto, itinangging handa nang pakipag-ayos sa nakaalitang asawa at mga kapatid

PEP EXCLUSIVE. Pinabulaanan ng legal counsel ni Claudine Barretto na si Attorney Ferdinand Topacio ang lumabas na balitang "willing" na raw makipag-ayos ang kanyang kliyente sa estranged husband nitong si Raymart Santiago.
Nilinaw ni Atty. Topacio na sa "takdang panahon" daw ang ibig niyang sabihin sa binitawang pahayag sa media nang nakapanayam siya nitong Biyernes, January 10, sa Marikina Regional Trial Court.
UP TO THE LORD. Sa exclusive phone interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa abogado ngayong Sabado, January 11, nagpaliwanag siya.
"Hindi. Tinatanong nila ako kung may possibilities. Meron, but that’s up to the Lord.
"Ang laging pinapanalangin ko nga, na sana ay maayos ang problemang ito.
"Nag-quote pa nga ako ng Bibliya, sabi ko, quoting Ecclesiastes 3:1-8, ‘For everything there is a season, and a time to every purpose under the heaven.'"
Diin pa niya, "Hindi ko sinasabing gusto na naming makipag-ayos, ha. Wala kaming sinasabing ganun."
Sa tanong ng PEP sa abogado kung posible ba itong mangyari, tugon niya, "Wala namang imposible, anything is possible.
"Sabi ko nga, may kanya-kanyang panahon 'yan.
"Ang binanggit ko ay yung talata 3:1-8 ng Ecclesiastes.
"Sabi ko nga, 'For everything there is a reason, and a time to every purpose under the heaven,' di ba?" pag-uulit pa ng abugado.
"Wala namang problema yun, pero hindi namin sinabing gusto naming makipag-ayos ngayon."
Nag-ugat ang matinding banggaan ng mag-asawa nung nakaraang taon, nang magsampa si Claudine ng Temporary Protection Order (TPO) laban kay Raymart dahil sa diumano'y pang-aabuso nito sa kanya.
Sinagot ni Raymart ang mga akusasyon ni Claudine sa pamamagitan ng pagsumite ng kanyang counter-affidavit na tumutukoy naman sa diumano'y drug problem at mental illness ng aktres.
BARRETTO SIBLINGS, MOM INDAY. Humingi rin ng paglilinaw ang PEP mula kay Atty. Topacio tungkol sa diumano’y nakatakdang pakikipagbati ng mga kapatid ni Claudine na sina Gretchen, Marjorie at J.J. sa ina nitong si Estrella Barretto o mas kilala bilang si Mommy Inday.
Dahil daw ito sa nalalapit na pagdiriwang ng kaarawan ng Barretto matriarch.
Paglilinaw nga ni Atty. Topacio, "Hindi, wala naman akong sinasabing ganun.
"Ang latest nga na sinabi ko nga e kakasuhan si Gretchen."
Dagdag pa niya, "Tinanong ako na balita daw nila [media] magkakaharap-harap sila [magkakapatid na Barretto], dahil birthday ni Mommy Inday.
"Sabi ko, walang ganun. And sabi ko nga, sabi din sa Bibliya, 'Lahat ng bagay ay may panahon.' Yun lang ang sinabi ko.
"Tayo ay nananalangin na maayos ito."
Pero ulit na tanong pa rin ng PEP, kung may katotohanan ba ang naturang pakikipag-meeting ng magkakapatid para sa birthday ni Mommy Inday?
Ulit na sagot din ng abugado, "May nagtanong nga sa ‘kin, sabi ko walang ganung meeting."
Sa interview rin sa kanya kahapon, binanggit niya na balak nina Claudine at Mommy Inday na magsampa ng demanda laban kay Gretchen.
Kinumpirma ito ni Atty. Topacio.
"Pinag-uusapan pa namin kung sino'ng magpa-file," sabi pa niya.
Yun nga raw ang isa sa rason kung bakit hindi totoo ang balitang magkakaayos na ang magkakapatid.
"Paano magkaayus-ayos e magpa-file nga [ng kaso]?" patuloy ni Atty. Topacio.
Matatandaang kumampi si Mommy Inday kay Claudine nang makaaway nito ang nakatatandang kapatid na si Gretchen.
Mula noon ay naging pampubliko na ang away ng mag-inang Inday at Gretchen na humantong pa sa pagbabatuhan ng masasakit na salita at akusasyon.
Ang pinakahuling pagbato ng akusasyon ay nang banggitin na rin ni Gretchen ang amang si Miguel Barretto, na diumano'y nagbantang papatayin siya at ang kanyang mga kapatid na sina Marjorie at J.J kapag tumestigo laban kay Claudine.
IS CLAUDINE WILLING TO FORGIVE? Gayunpaman, tinanong pa rin ng PEP sa abogado kung bukas ba si Claudine sa posibleng pakikipagsundo sa mga nakaalitang kapatid at asawa?
Tugon ni Atty. Topacio, "Ang sinasabi ko lang, we are not closing the door, di ba? Dapat ganun ang attitude.
"Hindi yung patay kung patay. Pangit naman yung ganun.
"There is always a room for reconciliation.
"Yun ngang nagbabarilan pag may giyera, may negotiation pa, e. Nagpapatayan na ‘yan," paghahambing pa ni Atty. Topacio.
Sa huli, sinabi ng abugado na walang imposible kung pakikipagsundo at pakikipag-ayos ang pag-uusapan.
Pero diin niya, "Hindi manggaling sa kanya [Claudine], wala naman kaming kasalanan, e."
Sa huling panayam ng PEP kay Claudine noong November ng nakaraang taon, sinabi nitong nami-miss daw niya ang kanyang Ate Marjorie at handa na raw siyang makipag-usap dito.
Pero pagdating kay Gretchen, mabigat pa rin ang dugo nito.
Hindi nga binabanggit ni Claudine ang pangalan ng nakatatandang kapatid na babae sa kanyang interviews. -- Arniel C. Serato, PEP
Tags: claudinebarretto
More Videos
Most Popular