ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ricky Davao on Adarna lead Kylie Padilla: ‘Mas magaling siyang kumilos kesa sa mga lalaki.’


“Stress,” pero nakangiti naman na tugon ng actor/director na si Ricky Davao nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping ng primetime fantaserye ng GMA-7 na Adarna noong Biyernes, January 10, sa West Fairview.
 
Si Ricky ang director ng Adarna at sabi namin sa kanya, nakakagulat na ang salitang stress ang una niyang nabanggit dahil parang ngayon lang siya naringgan ng ganito sa mga seryeng naidirek na niya sa Kapuso Network.
 
Pagbibigay paliwanag naman niya, “ Mahirap ang fantaserye.  Nakapag-fantaserye na rin naman ako, yung Kokak. Pero ito kasi, may liparan ito. Mas madugo ang CGI [computer generated imaging] rito. So, doon kami nagkakaroon ng mga konting problem sa CGI.
 
“Siyempre, heavy ang mga effects ng CGI dito. Especially, coming from 10 years ago yung Mulawin. Baka they may tend to compare. So, it’s totally different naman,” sabi niya.
 
Ang bida ng Adarna ay si Kylie Padilla.
 
Kumusta naman ito bilang artista?
 
“Okay naman. Mabait, masunurin,” sabi niya.
 
Dugtong pa niya, “Si Kylie, magaling mag-drama, ang ganda niya. Iba ang beauty niya, e, ang puti. Malakas ang dating at marami siyang puwedeng gawin. Puwede siyang mag-action. Ang tapang-tapang niya.
 
“Ang galing niyang kumilos. Actually, mas magaling siyang kumilos kesa sa mga lalaki. Sabi ko nga, parang [na-train] ito ng tatay na manggulpi ng boyfriend,” biro niya.

Ang tatay ni Kylie na tinutukoy niya ay si Robin Padilla.
 
Sa palagay ba niya ay naturuan rin ni Robin sa pag-arte si Kylie?
 
“Magaling naman ‘yan, Padilla ‘yan, ‘no.”
 
Ang lovelife ni Kylie, kunsaan ang boyfriend nito ay si Aljur Abrenica, hindi ba nakaka-istorbo?
 
“A, hindi, hindi. Bawal din sa kanila ang dalaw. I think, ruling nila yun sa isa’t-isa.”
 
Pero, sabi naman namin kay Ricky, ang alam namin, dumalaw na minsan sa set ng Adarna si Aljur.
 
“One time nga yata. Baka nagdala ng pagkain.”
 
Halos mga baguhang artista ang kasama ni Ricky sa set ng Adarna. Bilang isang director, saan siya mas nagagaanan na ka-trabaho: sa mga baguhan o sa mga beterano?
 
Ayon kay Ricky, “Actually, topic nga namin ‘yan this whole week, yung ganun. If you we’re to ask me, mas madali pa rin ka-trabaho yung mga beterano. I don’t know why.
 
“Well, siguro yung values na na-form namin noon.
 
“Kasi, yung mga panahon na nag-uumpisa kami or even yung Sampaguita days pa, it’s really the director who’s in power.  Ngayon, iba-iba na. May corporate, may ano, tapos, may mga kontrata. Ang dami ng compromises.
 
“Ang dami rin technology ngayon. May text, may cellphone, may kung ano-ano. Maraming disturbances in-terms of concentration.  Sabi ko nga, sa workshop, sana maibalik yung dati.”
 
May mga “rules” ba siya sa mga artistang dini-direk?
 
“Actually, hindi ko naisip ‘yan. Wala, e. Pero siyempre, professionalism, respeto sa trabaho.  Sabi ko nga, you respect this job. Love and respect this job and it will love you and respect you more. Mas maraming babalik na grasya sa ‘yo.”
 
May mga komento ang ilan pagdating sa Adarna na tila parang ibinalik lang daw ng GMA ang Mulawin noon.
 
Kaya naitanong namin kay Ricky kung may “conscious effort” siya na ibahin talaga ang Adarna o mailayo sa Mulawin dati.
 
“Oo, oo,” saad niya.
 
“Pero, kaya lang, hindi mo talaga maiaalis na may pakpak, lalabas ang pakpak, lilipad, ‘di ba? Hindi namin maiaalis yun.”
 
Napabalita rin ang tatay ni Kylie na si Robin Padilla ay magkakaroon ng guest appearance sa serye.
 
Ano na ang nangyari?
 
“He’s supposed to be the father. Kaso, may 10,000 Hours. Ang alam ko, dahil sa schedule hindi magka-tugma. But we we’re excited, si Robin. Kasi, parang ang ganda nun, may pakpak.”
 
May sinasabing tuloy pa rin daw ang guesting basta hindi lang yung karakter na mamamatay ito.
 
“Hopefully, sana, hinahanapan pa. May eight weeks pa rin kami.  So, sana, sana.”
 
Kung siya ang masusunod, gusto niyang mag-guest talaga si Robin?
 
“Oo naman, Robin is Robin.  Best Actor pa,” sabi niya.
 
Nang makausap namin sa taping ng Adarna si Ricky, kakagaling naman daw niya sa taping ng Carmela kunsaan, siya naman ang may guest role sa bagong primetime series ni Marian Rivera bilang ama nito.
 
“Reunion kami ni Agot, since Okatokat. May kissing scene kami ni Agot, love scene.”
 
Hanggang pa-guest-guest muna siya sa mga serye?
 
“E, wala e,” nakangiting sabi niya.
 
“Gusto ko rin sanang maging artista. Nakamiss, pero, dito na lang. Kapag may kailangang turuan. Lalo na sa mga talents.”
 
Nang kamustahin naman ang aspeto ng lovelife niya, nakangiting nagbiro ito nang, “malamig ang gabi.”

May apo na raw siya sa anak na si Kenneth at isang taon na raw ang apo niyang lalaki.
 
Kay Jackie Lou Blanco raw nakatira ang mga anak niya. Pero ayon dito, ang dalawang anak na babae niya, si Riki Mae ay graduating na raw sa kolehiyo.
 
“Hopefully with honors,” saad niya.
 
“Yung bunso naman, si Ara, third year High School sa Poveda.”
 
Kumusta naman ang komunikasyon niya sa mga anak?
 
“Okay, okay naman. Noong Christmas, New Year, magkakasama kami. Pati si Jackie.”
 
Okay ang relasyon nila ni Jackie?
 
“Okay, okay naman, dapat,” nakangiti at matipid niyang sabi.
 
Pero, bakit pagdating sa tunay na estado ng lovelife niya, parang napakalihim niya?
 
“Wala, wala naman.
 
“I’m married to my work.” Rose Garcia, PEP.ph