Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera explains why she chose Alden Richards as her leading man in Carmela




Sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang acting career, ngayon lang binigyan ng karapatan ng GMA si Marian Rivera na mamili ng gusto niyang project.

At ang napili ng Primetime Queen ng Kapuso Network ay ang upcoming primetime series na Carmela: Ang Pinakamagandang Babae Sa Mundong Ibabaw, na magsisimulang umere sa January 27.

Sabi ni Marian, “In fairness sa GMA, nilatagan nila ako ng—kung hindi ako nagkakamali—apat na kuwento ng soap opera.

“Pinapili nila ako kung anong gusto kong gawin, at Carmela ang napili ko.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Marian sa grand launch ng Carmela nitong Huwebes ng gabi, January 16, sa Studio 7 ng GMA Network Center.
 
MARIAN’S CHOICE. Si Marian din ang pumili sa Kapuso heartthrob na si Alden Richards upang maging leading man niya sa Carmela.

Paliwanag ng aktres sa pagpili niya kay Alden, “Hindi ko naman inaano yung mga ka-age niya, pero si Alden kasi ang unang pumasok sa isip ko nung sinabing mas bata ang leading man.

“Alam naman nating lahat na dedicated, magaling na artista, at mabait—yun ang importante.

“Yung bagay, hindi ko pa masasabing bagay… kayo na ang humusga.”

Base sa ipinakitang trailer at MTV ng Carmela, marami sa imbitadong press ang nagsabing bagay nga silang dalawa.

Kinumusta ng PEP kay Marian ang chemistry nila ni Alden.

“Ano sa tingin niyo?” balik-tanong niya.

Sumang-ayon ang Kapuso actress sa sinabi ng press na “maganda” ang chemistry nila ng kanyang bagong leading man.

“Yun din ang naramdaman namin pag pine-playback namin yung mga nakukunan naming eksena.

“Na kahit kami minsan, ‘Ano, okay? Okay!’

“Pati yung mga nasa set, nagre-react din, ‘A, siguro nga okay.’”

Inasahan ba niyang magkakaroon ng magandang chemistry sa pagitan nila ni Alden?

Sagot ni Marian, “Well, mahirap pangunahan ang mga bagay-bagay na hindi pa nangyayari.

“Pero etong nangyari na, nagkaroon na kami ng eksena together, mas na-feel namin na, ‘A, ako na si Carmela, siya na si Yago.’”
 
YOUNGER LEADING MAN. Sa kuwento ng Carmela, mas bata talaga ang ginagampanang karakter ni Alden.

Sa tunay na buhay ay 22 years old pa lang si Alden, habang si Marian naman ay 29.

Sabi ni Marian, “Sa character ko dito, gusto ko lang linawin na hindi ako nagpapabata dito.

“First time ko kasing magkaroon ng leading man na mas bata, so isa ‘yan sa mga nakaka-challenge.”

In real life, puwede ba siyang ma-in love sa mas batang lalaki?

“In a relationship ako ngayon, so hindi ko masasagot ‘yan.

“Naniniwala kasi ako na kapag in love ka, wala naman sa age ‘yan, e.

“May mga batang matured mag-isip. May mga matatandang immature mag-isip.

“So, depende sa partner mo,” saad niya.

Kumusta si Alden bilang leading man?

Sagot ni Marian, “Siguro isa sa masasabi kong maipagmamalaki ko sa kanya, mahal niya yung trabaho niya. At yun ang mahalaga sa akin.

“Kapag mahal mo yung trabaho mo, lahat ‘yan magpa-follow na, e. Dun kami parehas.

“Natutuwa ako sa kanya kasi masyado siyang dedicated sa trabaho.

“Ang trabaho sa kanya ay trabaho, at ganun din ako.”

Hindi ba sila nagkailangan sa isa’t isa?

Ayon sa aktres, “Well, aminado naman siya at ako din naman, kahit papaano.

“Maganda na rin siguro yung may ilangan kesa naman sa sobrang kumportable niyo sa isa’t isa.”
 
LOVE SCENES. Sa hiwalay na panayam ay sinabi ni Alden na handa na siya sa love scene nila ni Marian. Hindi raw mag-iinarte ang young actor pagdating sa eksenang ganito.

Na-appreciate naman daw ito ni Marian.

Aniya, “Well, yun ang sinasabi ko sa inyo na ganyang klase siya magtrabaho.

“At malinaw sa amin, ang trabaho ay trabaho. Iba ang personal na buhay.

“At yun ang maganda. Kapag mahal mo ang trabaho mo, ibig sabihin, talagang pinapahalagan mo ang mga blessings na dumarating sa iyo.”

Looking forward din ba siya sa maiinit na eksena nila ni Alden?

Imbes na direktang sagutin ang tanong, sabi ni Marian, “Looking forward ako na pumunta sa taping kasi ang saya ng set namin.

“Hindi lang sa mga artista, staff and crew—lahat kami happy.

“Sabi ko nga, ang saya-saya ko dahil may mga bagong friendship na naman akong nabubuo sa bagong show.”

Ngunit nais linawin ni Marian na ang kuwento ng Carmela ay hindi nakasentro sa love angle nila ni Alden.

“Hindi naman yun ang highlight nung kuwento ng Carmela. Not more on kissing scene, not more on bed scene.

“Eto ay heavy drama. Kuwento ng mag-ina na nagkahiwalay, at kuwento ng isang lalaki na may problema sa kanyang pamilya.

“So, ito ay typical na heavy drama na para sa pamilya,” pahayag niya.
 
DINGDONG’S SUPPORT. May ilang entertainment press na nakapansin na may pagkakahawig si Alden sa boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes, lalo na sa mga eksenang ipinakita sa presscon ng Carmela kagabi.
 
Pero natatawang sabi ni Marian, “Talaga? Hindi ko nakikita! Hindi ko nakikita!

“Actually, maraming beses ko na siyang [Alden] nakatrabaho—sa Panday saka sa My Beloved. Pero hindi kami nagkakaeksena.”

Ano naman ang reaksiyon ni Dingdong sa pakikipagtambal niya kay Alden?

“Happy siya,” sambit ni Marian.

“Sabi niya… actually nag-text siya nang papunta ako dito.

“Sabi niya, ‘I’m proud of you… excited ako.’

“At natutuwa ako sa kanya, kasi si Dingdong talaga, suportado talaga niya ako.

“Mismo siya, sa mga interviews sa kanya, sinasabi niya na malakas ang chemistry namin ni Alden.

“So, thankful ako na may ganyan akong partner na sumusuporta talaga sa akin.”

Nang sabihin naman sa kanya na tila paganda siya nang paganda ngayon, napatili si Marian at sinabing: “Because I’m in love! Ay, ang landi ko!”

Dagdag pa niya, bilang pagtukoy kay Dingdong, “Kanino pa? Dyusko naman! Siyempre nag-iisa lang yun sa buhay ko.”

Ngunit itinanggi ni Marian na may kasalang naganap noong nagbakasyon sila ni Dingdong sa Laos.

Sabi niya, “Nagpadasal lang kami para lalo kaming i-bless ni God.” - Erwin Santiago, PEP