ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Marian Rivera: 'Masaya ako ngayon sa lahat ng parte ng buhay ko'

Kabaligtaran daw ng estado ng buhay niya ngayon ang emosyong nararamdaman ng karakter ni Marian Rivera sa pinagbibidahan niyang primetime series sa GMA, ang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae Sa Mundong Ibabaw.
Kung sa totoong buhay ay masayang-masaya at kuntento siya, galit at poot naman ang nararamdaman ng karakter niya bilang si Carmela.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media kay Marian sa taping ng Carmela sa Malolos, Bulacan, kamakailan, tinanong siya kung hindi ba siya nahihirapang ilabas ang emosyon para sa kanyang karakter sa drama series.
Tugon ng Kapuso Primetime Queen, "Siyempre, kapag aktres ka, lahat ng emotion, kaya mo. Kaya nga acting, e."
Sa Carmela ay naghihiganti ang karakter niya. Sa totoong buhay ba ay may pagkakataon na ring naghiganti siya?
Sabi ni Marian, “Revenge? Wala akong ganoong moment sa buhay ko, e.
“Alam niyo naman ako, transparent ako. What you see is what you get.
“Kapag nagalit ako, yun na, tapos na.”
Dugtong pa niya, “Basta ako, happy lang.
“Ang sarap kayang magpakasaya sa buhay!
“Sabi nga nila, ang happiness ay choice ‘yan. Bakit hindi mo pipiliin ang maging masaya?
“Sino ba naman ang gusto na maraming problema at mabigat?
“Gusto ko, yun lang, yung masaya lang.
“Pero yung totoong masaya, ha, ayoko ng nagpapanggap lang.”
May nagpapanggap ba?
“Hindi ko alam, basta masarap yung totoong masaya lang,” nakangiti niyang sabi.
NO COMMENT. Hindi naman nagbigay ng anumang komento at talagang itinikom ni Marian ang kanyang bibig nang tanungin kung ano ang naging reaksiyon niya sa naging pahayag ni Heart Evangelista tungkol sa kanya na: “She isn’t my favorite person because of what she did to me and others but that was years ago.”
Ito ay may kinalaman sa pambabatikos na natanggap ni Heart pagkatapos siyang mag-post sa Instagram ng larawan ng magazine rack kung saan magkatabi ang issues ng Cosmopolitan magazines kung saan sila ni Marian ang nasa cover.
Kahit anong pilit na magbigay ng reaksiyon si Marian ay hindi talaga ito nagsalita.
Sa halip, ang sabi lang niya: “Masaya ako ngayon sa lahat ng parte ng buhay ko. So, doon na lang ako magpo-focus.”
ALDEN RICHARDS. Ano ang mas mahirap na karakter na ginawa niya—itong sa Carmela o sa Temptation of Wife?
Sagot ni Marian, “Iba-iba, e.
“Ako nga, nagtatanong kay Ate Suzette [Doctolero, creator ng Carmela], ‘Ate, ano pa ang mangyayari?’
“’Naku, Yan-Yan, hindi ko pa alam.’
“Ang kulit namin! Week 7 lang, ang hirap tantiyahin kung saan itutungo ni Ate Suzette ang mga mangyayari.”
Balanse raw para kay Marian ang karakter niya bilang si Carmela.
Bagamat may galit siya sa dibdib, kapag mga eksena naman nila ni Alden Richards, doon naman pumapasok ang light moments.
“Yun nga ang sinasabi ko, kasi ang Temptation, ang acting lang diyan, mabait o naghiganti.
“Sa Carmela kasi, galit ka na, pero siyempre, si Alden ang leading man ko, hindi naman puwedeng magbata-bataan ako.
“Hindi rin naman puwedeng mature, kasi baka magmukha naman akong ate.
“So, dapat nasa gitna.
“Kaya yung character, nasa gitna ng hindi bagets at hindi naman matanda.
“Medyo mahirap siya noong una, pero ngayon na-balance ko na.”
Masaya siya kung paano inaatake ni Alden ang karakter niya?
Sagot ni Marian, “Oo naman, may time na nag-uusap kaming dalawa na dapat ganito ang atake.
“Nagko-compromise kami at nag-uusap kami sa gagawin naming pag-arte.
“Baka mamya, ang taas ko, ang baba niya. O ang baba ko, ang taas niya.
“Minsan, nag-uusap kami na ganito ang gagawin ko.
“Minsan naman, sasabihin niya, ‘Yan, ano ang gagawin ko rito?’
“Sabi ko, ‘Magpadala ka muna sa akin.’
“Minsan kasi, kapag emosyunal ka na, hindi mo alam kung paano iaarte mo.”
Pero paglilinaw ni Marian, may pagkakataon namang siya ang nagpapadala sa emosyon ni Alden.
“Yun ang maganda, walang patalbugan at nagtutulungan kami.”
Kaya kahit daw sa regional o mall shows nila sa Carmela, positibo at masaya lang daw palagi, ‘tulad nga ngayong Sabado, March 15, kunsaan nasa NCCC Mall sila sa para sa Araw ng Dabaw.
WORKING RELATIONSHIP. Ayon pa kay Marian, naging maganda ang working relationship nila ni Alden at posibleng magkasama sila muli sa isang proyekto.
Ibig sabihin, nagustuhan niyang leading man si Alden?
Saad ng aktres, “Oo, gusto ko talaga si Alden.
“Kasi, una sa lahat, dedicated siya.
“Alam niya na ang trabaho ay trabaho at walang pabandying-bandying na kung ano lang ang ginagawa.
“At malaki ang respeto niya sa akin.
“Hindi lang sa akin kung hindi pati kay Dong. Yun ang nagustuhan ko sa kanya.
“At saka, magaling din kasing umarte ang bagets na ‘to.”
MARIAN AS AN ACTRESS. Bukod sa sunud-sunod na endorsements niya, tila sunud-sunod din ang pagkilala sa kakayahan ni Marian bilang isang aktres.
Kailan lang ay itinanghal siyang Best Actress sa Students' Choice Awards ng Northwest Samar State University.
Sabi ni Marian tungkol dito, “Nag-post nga ako sa Instagram ko, nagpasalamat ako.
“Hindi kasi ako makakapunta dahil may taping ako. Ang layo dahil sa Samar.
“Actually, pangalawang pagkakataon ko na ‘to.
“Last year, nanalo ako sa Amaya. Ngayon naman, sa Temptation of Wife.”
Nominated din si Marian bilang Best Drama Actress sa Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society (EnPress) para rin sa pagganap niya sa Temptation of Wife.
Ano ang masasabi niya rito?
“Sana manalo ako!” natatawang sagot niya.
“Aba, e, sino namang artista ang na-nominate na ayaw manalo?
“Siyempre, kung para sa ‘yo, para sa ‘yo.
“Mas masarap yung pakiramdam na nanalo ka dahil totoo at alam ng tao na naniniwala sila sa ‘yo.
“Pero, in fairness sa Temptation, ang layo talaga ng narating ng Temptation.
“Nakilala ako sa Vietnam, ‘tapos nagka-award ako rito sa Negros at mismong mga estudyante pa.
“Hindi biro dahil ilang estudyante ang meron. Sobrang dami ng students para iboto ka nila.” -- Rose Garcia, PEP
More Videos
Most Popular