ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vhong Navarro gusto nang matapos ang mga kinakasangkutang kaso


Aminado si Vhong Navarro na may trauma pa rin siya mula sa mauling incident na nangyari sa kanya noong Enero 22, 2014.

Humarap sa entertainment media, kasama na ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), si Vhong noong March 30 sa press conference ng horror-comedy film niya na “Da Possessed.”

Sa umpisa pa lang ng presscon, inamin ng aktor na hindi naging madali sa kanya ang mga nagdaang araw.

"Itong presscon na ito... mahirap para sa akin na umupo sa harap ninyo pero ako po ay naglakas-loob para makapagpasalamat nang harap-harapan sa inyo."

Aniya, may nagbago sa katauhan niya nang mabugbog siya ng anim na katao sa isang condominium unit noong Enero.

"Hindi ko po alam kung ano 'yung nawala sa akin—feeling ko po nawala ang kumpiyansa. Nagkaroon po ako ng trauma.

"Pero... kinakausap ako ni Direk Joyce Bernal. Tinapat niya ako na kailangan na may gawin kami para mabalik 'yung character ko sa pelikula.

"Kinausap niya si Solenn Heussaff na tulungan ako na maibalik 'yon. Kaya nagpapasalamat ako kay Solenn at saka kay Direk Joyce."

Nang tanungin si Vhong kung ano na ngayon ang kanyang state of mind, ito ang sagot niya: "Ang gusto ko lang talaga at lagi ko itong iniisip... kahit anong dumating na pagsubok sa buhay, ang importante sa akin ay magpasaya ng tao.

"Hindi ko iniisip kung ano ang nangyayari sa buhay ko, kasi kung anong dumating sa buhay ko... dumating ito. Binigay ni God ito.

"At alam kong malalagpasan ko ito sa tulong ng ating mga madlang pipol, sa inyong lahat, at sa mga kaibigan ko.

"Basta sa akin, ang importante sa akin, magpasaya ng tao."

Matapos ang mauling incident, isang buwang hindi napanood si Vhong sa ABS-CBN noontime show na It's Showtime.

Ano naman ang pakiramdam ni Vhong nang bumalik siya sa shooting ng kanilang pelikula?

"Nung nag-shoot kami, may linya ako na... hindi ko mabanggit. Parang... unang shooting day ko ulit," kuwento niya.

"Niloloko nga ako ni Direk Joyce, 'Kaya mo pa ba? Gusto mo palitan na kita?'

"Sabi ko, 'Pero wala kang choice, Direk. Kasi may playdate tayo.'

"Ganun na lang namin binabali ang sitwasyon para hindi ko maalaala ang nangyari."

Tungkol pa rin sa mauling incident, sinabi ni Vhong: "Hindi ko naisip na puwede palang mangyari iyon sa akin. Kumbaga, napapanoood ko lang iyon sa pelikula o sa soap opera.

"Basta ang pinakagusto kong mangyari... matapos at malagpasan ito at ayoko ko nang maulit ito sa kahit kanino."

Like starting over

Matapos ang matinding pagsubok na iyon, pakiramdam ni Vhong ay nagsisimula siya muli sa kanyang career.

"Noong unang balik ko sa telebisyon, ang hirap, e. Kasi hindi ko alam kung paano ako matatanggap uli ng tao.

"Siyempre, hindi naman natin mapi-please lahat na, 'O, tanggapin n'yo si Vhong kasi nagsasabi siya ng katotohanan.'

"Hindi natin mapi-please lahat, pero ako po, ang sinabi ko ang katotohanan, kung ano ang totoo at kung ano ang nangyari.

"Ngayon, itong pelikula, hindi n'yo maaalis na kabahan ako, kasi hindi lahat napi-please natin."

On Ellen Adarna

May mga balita noon na dapat ay si Angel Locsin ang leading lady ni Vhong sa nasabing pelikula.

Kalaunan ay si Ellen Adarna ang naging leading lady ni Vhong. Ngunit naging usap-usapan na natanggal daw ang aktres dahil sa kaugnayan daw nito kay Cedric Lee, ang sinasabing mastermind sa pambubugbog kay Vhong.

Totoo bang hiniling ni Vhong na si Solenn Heussaff na lang ang maging leading lady niya sa pelikula?

Kuwento ni Vhong, "Ang totoo niyan, si Solenn ang gusto kong makasama sa pelikula. Nagkita kami sa airport at sabi ko sa kanya na gusto ko siya makasama sa pelikula.

“Pero exclusive siya sa Regal, kay Mother Lily Monteverde.

"Ang management po ang nagdesisyon na hindi isama si Ellen, kasi ang alam ko ay may iba pa siyang projects na gagawin.

"Management decision po iyon."

Dagdag naman ni John Paul Abellera ng Star Cinema, "Clarify lang namin, walang kinalaman ang cast sa decision ng management.

"We tried to get other actresses for the role pero ang dami-dami po talagang ginagawang projects at hindi nagkakatagpo ang schedule, at may playdate kami na April 19.

"The management had to make a decision."

On Angel Locsin

Tinanong din si Vhong kung bakit nawala si Angel Locsin sa pelikula.

Paliwanag niya, "Actually, si Angel noong una, then naging si Ellen. Management decision dahil sa mga schedules..."

Totoo bang tumanggi si Vhong na maging leading lady niya si Ellen?

"Hindi naman, kasi wala namang kinalaman ang isa...

"Ayokong mamersonal pagdating sa ganun. Kasi artista si Ellen, bakit naman natin gaganunin?

"Ang alam ko may soap pa siyang ginagawa. Saka wala po akong desisyon pagdating sa ganung bagay. Puwede tayong mag-suggest pero ang magdedesisyon ay ang management," aniya.

Willing ba siyang makasama si Ellen sa ibang proyekto?

"Oo naman!" bulalas ni Vhong. Pep.ph

Tags: vhongnavarro