ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Roxanne Cabañero camp questions transmission of rape complaint vs Vhong Navarro to DOJ

PEP EXCLUSIVE. Dismayado ang kampo ni Roxanne Cabañero, 24, matapos malipat sa Department of Justice (DOJ) ang reklamong panggagahasang inihain nito laban kay Vhong Navarro, 37, sa Pasig Prosecutor’s Office noong February 19.
Basahin: Vhong Navarro, nakapuntos sa kaniyang mga kaso laban sa grupo nina Cedric Lee, Deniece Cornejo
Maging ang kontra-reklamong perjury na inihain ni Vhong laban kay Roxanne noong March 6 ay inakyat na rin sa DOJ.
“NOT NORMAL WITH THE CASE.” Sa ginanap na preliminary investigation sa Pasig Prosecutor’s Office noong March 13, ang mga nabanggit na reklamo ng magkabilang kampo ay submitted for resolution na.
Pahayag ng legal counsel ni Roxanne na si Atty. Virgilio Batalla, “The problem is we find something not normal with the case.
“The DOJ took the case even without a resolution yet from the local fiscal.”
Bunsod nito, agad umanong nakipag-ugnayan ang abugado sa pinuno ng DOJ, si Prosecutor General Claro Arellano, upang alamin kung bakit inilipat sa naturang ahensiya ng gobyerno ang reklamo ng kanyang kliyente.
Dagdag pa ni Atty. Batalla, “Sinulatan ko ang DOJ. Kinukuwestiyon ko, bakit ipinanhik sa DOJ nang walang determination for probable cause sa handling fiscal.”
Sa ngayon, wala pa raw natatanggap na sagot ang abugado mula sa tanggapan ng DOJ.
Eksklusibong nakausap ng PEP si Atty. Batalla, sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, ngayong Huwebes, April 10.
April 7 nang makatanggap ng anonymous text message ang senior writer ng PEP na si Arniel Serato, kung saan nakasaad dito na: “Chief City Prosecutor of Pasig transmits rape case filed by Roxanne against Vhong Navarro as well as countercharge of perjury to the DOJ. Could it be an attempt of to manipulate the cases by the camp of VN?”
Hiningan ng PEP ng reaksiyon si Atty. Batalla kung naniniwala siyang mayroong “attempt to manipulate” ang kampo ni Vhong kaugnay ng rape complaint na isinampa ni Roxanne laban sa actor-TV host.
Sagot niya, “Meron po, considering that our client is just a poor girl.
"She cannot even afford to finance her case compared to Vhong."
“NO ATTEMPT TO MANIPULATE.” Hiningan din ng PEP ng reaksiyon ang legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga hinggil sa isyu.
Mariing itinanggi ng abugado ang alegasyong may kinalaman ang kampo ng actor-TV host sa pag-transmit sa DOJ ng mga reklamong isinampa nina Vhong at Roxanne laban sa isa’t isa.
Ito ang ipinadalang pahayag ni Atty. Mallonga sa PEP, sa pamamagitan ng text message, noong April 8:
“There is no attempt on our part to manipulate the proceedings. We had no participation or involvement in the decision of the Pasig Prosecutor’s Office to inhibit itself from resolving the complaint of Roxanne and Vhong’s counter-charge for perjury and to transmit the same to DOJ for proper disposition.”
Nanindigan din si Atty. Mallonga na pawang kasinungalingan ang alegasyong panggagahasa ni Roxanne laban kay Vhong.
“Our position is clear: the Roxanne complaint should be dismissed for being a demonstrable fabrication.”
Muling iginiit ng legal counsel ni Vhong na mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang multiple charges na isinampa ng aktor laban sa grupo nina Deniece Cornejo at Cedric Lee.
“On the other hand, Cedric Lee and company should be charged for the non-bailable offense of serious illegal detention.
“We are confident that the facts and the law will eventually persuade the DOJ to file the proper information to the court,” saad niya.
VALID RAPE COMPLAINT. Sa kabilang banda, nanindigan ang kampo ni Roxanne na totoo ang alegasyong panggagahasang isinampa ng dalaga laban sa actor-TV host.
Rason ni Atty. Batalla, “Alam mo ang babae... Babae ka, e. Papayag ka ba na ma-malign ang buong pamilya mo, pati ikaw?
“I understand may isa pang kasong ipinayl [filed] against Vhong.
“Ibig mo sabihin, these people have no right to claim vindication of what had happened to them?
“Dahil lang sa nabugbog si Vhong, siya na ang tama lahat?”
Bagamat nabanggit ni Atty. Batalla ang ikatlong reklamong panggagahasa laban kay Vhong, nilinaw nitong walang kaugnayan dito ang kaso ng kanyang kliyente.
"No, I do not know," kung kilala raw ba ni Roxanne ang pangatlong nagsampa ng reklamo laban kay Vhong.
Dagdag niya, “I’m only a lawyer. I don’t know this person [Roxanne] personally, because we only deal with facts and the sworn statements of our client.
"Ang normal thinking would dictate that a crime of rape is a crime of rape no matter what."
DAMAGE SUIT AGAINST ROXANNE. Samantala, ibinahagi ni Atty. Batalla na hinihingan ng danyos-perwisyo ng Slimmers World si Roxanne.
Ito ay sa kadahilanang naapektuhan umano ang business transactions ng naturang kumpanya mula nang madawit ito sa reklamong panggagahasa na inihain ni Roxanne laban kay Vhong.
Ang Slimmers World ang organizer ng Miss Bikini Philippines, kung saan naging kandidata si Roxanne noong April 2010.
Matatandaang inihayag ni Roxanne sa isinumite niyang sinumpaang salaysay at mga sumunod niyang panayam sa media, na nangyari ang insidenteng panghahalay diumano sa kanya ni Vhong habang siya ay kandidata ng naturang beauty pageant.
Isa rin sa mga isinumiteng dokumento ni Roxanne sa Pasig Prosecutor’s Office ay ang certification mula sa pamunuan ng Slimmers World na magpapatunay na naging official candidate siya ng naturang beauty pageant.
Pahayag ni Atty. Batalla, “Nag-file ng kaso ang Slimmers World laban kay Roxanne for damages.
“If you look at it, this is another form of harassment.
"Ibig mo sabihin, kapag ang isang tao na-holdup sa isang harapan ng isang establishment, hindi niya puwedeng sabihin na naholdap siya dun?"
Sa kabila nito ay kumpiyansa ang abugado ni Roxanne na walang basehan ang paghingi ng danyos-perwisyo ng Slimmers World.
“I told my client about it. Ang sabi niya sa akin, ‘Nagsasabi lang ako ng totoo. Na talaga namang may certification din ng Slimmers World at Bikini Open.’
“So, pinag-aaralan namin yung kaso... walang kaso yun.
“It’s a faulty and harassment case.”
Ayon pa kay Atty. Batalla, ngayong araw malalaman kung kanino maira-raffle ang damage suit laban kay Roxanne sa Makati Regional Trial Court
Sa kabila nito, nananatili umanong determinado si Roxanne na ipagpatuloy ang inihain niyang reklamong panghahalay kay Vhong. -- Rachelle Siazon, PEP
Tags: vhongnavarro, roxannecabanero
More Videos
Most Popular