ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Boots Anson-Roa will retain name after her wedding to Atty. King Rodrigo




Hindi raw papalitan ni Boots Anson-Roa ang kanyang apelyido kapag nagpakasal na sila sa June ng kanyang kasintahan na si Attorney Francisco “King” Rodrigo.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang veteran actress sa taping ng Rhodora X sa The Orchard Golf and Country Club sa Dasmariñas, Cavite, kamakailan.

Sabi ng veteran actress, “Okey naman… Si Attorney [tawag nito sa kanyang kasintahan] naman ang nagsabi na huwag kong palitan ang pangalan ko, retain the Roa.

“Ano naman… respeto kay Pete.”

Si Pete Roa ay ang asawa ni Boots sa loob ng 43 taon. Pumanaw ito noong 2007.

Sabi pa ng 69 anyos na aktres, “Yung invitation namin ang nakasulat Rodrigo-Anson-Roa nuptial."

Magpapakasal ang dalawa sa June 14, at tatapat din sa 75th birthday ni Atty. Rodrigo.

DELAYED HONEYMOON. Inusisa rin si Boots kung pagkatapos ba ng kasal ay magha-honeymoon pa sila.

Aniya, “Ang honeymoon namin, delayed. Kasi nandito yung mga anak ko from the States.

"Yung mga pamilya ng anak ko at pamilya ng mga anak niya from the States.

“We will have to wait for them na bumalik sa States.”

Bibigyan ba si Boots ng bridal shower ng co-stars niya sa Rhodora X?

Natawa lang ito at ibinahagi na may nagregalo na sa kanya ng lingerie, “Naku, ilan na nga ang nagbigay sa akin.

"Para namang magagamit.”

Puring-puri naman ni Boots si Jennylyn Mercado dahil hindi raw madali ang role nito sa Rhodora X na may multiple personalities.

Buti na lang daw at may acting coach na umaagapay sa aktres.

Dati na raw niyang nakatrabaho sina Jennylyn at Mark Herras na kasama rin sa serye.

Nakasama niya ang dalawa sa 2006 movie na Blue Moon.

Sa Rhodora X, ginagampanan ni Boots ang role ni Amparo o Ima, ina ng karakter ni Glydel Mercado at lola ng mga ginagampanan nina Jennylyn at Yasmien Kurdi. -- Bernie V. Franco, PEP