ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sef Cadayona thankful to Kristoffer Martin for acknowledging his acting in gay roles



 
Flattered at sobrang na-touch daw ang Kapuso young comedian na si Sef Cadayona sa sinabi ni Kristoffer Martin sa kanyang interviews na siya ang peg nito sa pagganap bilang bading sa isang episode ng Magpakailanman.

Ito ang "Siga Noon, Beki Na Ngayon: The Christopher Aguinaldo Story"  na ipinalabas noong Sabado, April 27.

Kuwento ni Sef sa PEP.ph ( Philippine Entertainment Portal), “Nung makarating sa akin yung balitang yun, kinilabutan talaga ako.

“Sabi ko nga sa sarili ko, tumatanda na ako.

“Kasi sa dinami-dami ng mga actors na gumaganap na bading, ako yung napili niyang gayahin.

"Malaking karangalan sa akin yun, kasi alam naman natin na magaling ding actor si Kristoffer Martin."

Ayon pa sa young comedian, bihira sa mga artista na sabihin sa kapwa niya artista na ginaya ang acting nito para magampanan ang isang role.
 
RARE GESTURE. Ayon kay Sef, nagkasabay silang mag-guest ni Kristoffer sa AHA!, at dito ay personal siyang nagpasalamat.

Pinanood daw niya ang episode ni Kristoffer sa Magpakailanman.

Saad ng 25-year-old Kapuso actor, “Doon ko nakita ang transformation ni Kristoffer bilang totoong lalaki sa pagiging bading.

“Ang galing niya. Kung 'di mo siya kilala, iisipin mo bading siya in real life.

"Pero alam naman nating lalaking-lalaki siya.

“Ang ganda-ganda niya nung naging bading siya. Yung galaw niya pati yung mga mata niya, bading talaga.

“Nakita ko nga dun yung sinasabi niyang ginaya niya sa akin, like yung pagiging mahinhin, way ng pagsasalita, at galaw ng mga mata.

"Feeling ko, habang pinapanood ko siya, nakikita ko ang sarili ko.

“Very effective yung performance niya. Pasado na siyang magbading-bading sa telebisyon at maging sa pelikula.

"Nakakatuwa na naging instrumento ako para magampanan ni Kristoffer nang buong-husay yung gay role niya, kahit sabihin pa natin na magaling talaga siyang artista."
 
JITTERY. Sa umpisa ay hindi rin daw naging madali para kay Sef ang gumanap bilang bading.

Inaral daw niya talaga kung papano kumilos ang mga bading at kung paano sila magsalita para magampanan nang maganda ang gay roles na ibinibigay sa kanya.

Saad pa ni Sef, “Masarap sa pakiramdam na may mga taong katulad ni Kristoffer na nagugustuhan yung ginagawa kong pag-arte bilang bading.

“Para sa akin, isa na yung achievement kasi, nung una, takot talaga akong magbading-bading sa TV.

“Naisip ko baka 'di magustuhan ng tao, baka walang matawa.

"Pero inisip ko na rin na walang mangyayari kung 'di ko susubukan."

May kinahinatnan naman daw ang deisyon ni Sef na pangatawanan ang pagtanggap niya ng mga gay role.

“Happy nga ako kasi sa pagbading-bading ako nanalo ako ng award."

Ang tinutukoy ni Sef ay ang pagwawagi niya bilang Best Supporting Actor in a Comedy Role sa Golden Screen TV Awards para sa Bubble Gang ngayong 2014.

Madalas kasi sa skit sa gag show na ito ng GMA ay bading ang kanyang ginagampanan.

Saad pa nito, “Kaya nga very thankful ako sa pagbabakla-bakla ko sa telebisyon, kasi siya yung nagbigay sa akin ng award.

"Kung 'di ko siya sinubukan at 'di ako nag focus dun, baka hangang ngayon hindi ko pa alam ang lugar ko sa showbiz.

“Kaya nga nagpapasalamat ako sa GMA-7 na nagtiwala sa akin na bigyan ako ng role na bading."
 
WISHFUL THINKING. Pangarap din daw ni Sef na manalo ng Best Actor award sa comedy.

"Pero alam kong matagal-tagal pa yun, masyado pa akong bubot pagdating sa pagkokomedya."
 
Dream din niyang mabigyan ng lead role sa isang family-oriented comedy show.

"Yung show na may kapupulutang aral ang manonood."

Gusto rin daw nitong subukan ang drama, "Kasi alam ko na kayang-kaya ko din yun."

Paliwanag pa ni Sef, "Kasi sa pagkokomedya nga, sobrang hirap dahil kailangan alam mo ang tamang timpla.

"'Pag hindi, flop at walang tatawa sa 'yo.

"'Pag drama, iisipin mo lang yung mga malulungkot na bahagi ng buhay mo, madadala ka na."

Natatawa pang sabi nito, “Malay natin, mabigyan din ako ng best actor award sa drama o kaya best actor sa drama/comedy."
 
TIPS FROM A PRO. Nuong una raw ay nailang si Sef sa kinasadlakang trabaho sa showbiz.

Saad niya, “Later on, habang ginagawa ko na at nagugustuhan ng tao, inisip ko na lang na trabaho lang naman ang ginagawa ko.

"Iba naman ako in real life dahil lalaki ako.

“'Tsaka sa ginagawa ko, marami akong taong napapasaya, kaya bakit kailangan akong mahiya o ihinto ito.

“Hangga't gusto siguro ng mga manonood yung ginagawa kong pagbading-bading, at may magbibigay sa akin ng proyekto, sa salitang bading, 'Go, go, gooo!'

Kaya nga ang unang payo ni Sef sa mga baguhang gustong subukan ang pagbabading sa telebisyon, alamin muna kung iyon talaga ang gusto nilang gawin.

Importante raw, kung magbabading-badingan sila, "Dapat hindi sila mahihiya, or else, huwag na lang."

Dagdag pa nito, "Hindi sila magiging effective kapag hesitant sila sa gagawin nila.

“Dapat mag-observe sila sa paligid nila, especially sa mga bading.

"Kailangang makita nila yung mga galaw, kilos, at pagsasalita ng mga bading.

"Mahalaga yun kasi sila yung gagayahin nila.

“Mas maganda kung may mga kaibigan silang bading kasi makakahingi sila ng tips sa kanila.

“Nung nagsisimula ako, may mga kaibigan akong bading na hinihingian ko ng tips.

"Tinatanong ko sila kung tama ba o hindi o sobra na to the point na overacting na.

“Hindi kasi maganda kapag over ang acting mo sa pagbabading. 

"Imbes na matuwa yung tao, magagalit sa 'yo.

“At higit sa lahat, ibigay mo yung 100 percent mo.

"Kasi mahirap magpatawa at mahirap magbading-bading lalo na't lalaki ka talaga.

“Higit sa lahat, huwag ka mahihiya sa gagawin mo, kasi trabaho lang ito at walang personalan." -- John Fontanilla, PEP