Coco Martin, nilinaw ang isyu tungkol sa kanila ni Nora Aunor
Nilinaw na ng aktor na si Coco Martin ang lumabas na intriga tungkol sa kanila ng Superstar na si Nora Aunor na may kinalaman sa usaping pinansiyal.
Sa artikulong isinulat ni Glenn Regondola na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Sabado, sinabing maikli ang naging sagot ni Coco tungkol sa nasabing kontrobersiya na hindi naman daw totoo.
“Hay naku, ayoko na pong anuhin ang... kasi sa akin...
“Yung mga ganung isyu po kasi ay ayoko nang... lalo na't sa mga hindi naman po totoo,” pahayag ni Coco sa PEP at ilang taga-media na dumalo kamakailan sa presscon ng pelikula nitong "Maybe This Time."
Bago nito, nagkaroon ng mga intriga na nagkaroon daw ng hidwaan sina Nora at Coco dahil sa paulit-ulit na paghingi umano ng tulong pinansiyal ng batikang aktres sa aktor nang nagkasama sila indie film na "Padre de Familia."
Nadawit din sa naturang intriga ang isa pang batikang aktres na si Batangas Gov. Vilma Santos-Recto. (Basahin: Gov. Vilma Santos dragged into Nora Aunor-Coco Martin debt controversy)
Sa hiwalay na artikulong isinulat ni Arniel C. Serato sa PEP na lumabas nitong Biyernes, inihayag umano ni Nora sa ulat ng "Showbiz Police" na naisulto ang aktres sa lumabas na intriga.
Ayaw na raw sana niyang sagutin pa ang naturang intriga para hindi na lumala ang isyu.
Nagpadala rin umano si Nora ng text kay Coco para hilingin sa aktor na linawin ang isyu, at inaasahan naman daw niya na itatanggi iyon ng aktor.
Dagdag pa sa ulat, hindi naman daw itinuturing big deal ni Nora ang naging intriga sa kanila ni Coco, na itinuturing umano niyang anak. -- FRJ, GMA News