Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alden Richards on GMA’s Primetime Prince tag: 'Hindi ko po puwedeng iki-claim ‘yan'




Tatlo at kalahating taon pa lang sa showbiz si Alden Richards pero napagkatiwalaan na siya ng GMA-7 ng malalaking proyekto.

Kaya nga sa tangkang pagpapa-release ni Aljur Abrenica ng kontrata sa istasyon, marami ang nagsasabing si Alden na ang Primetime Prince ng Kapuso Network.

Pero, ayon sa 22-year-old Kapuso star, “Hindi ko po puwedeng iki-claim ‘yan.

“Ang hirap kasi mag-claim. Ako, never ako nag-claim ng kahit anong title na ibinigay sa akin ng kahit sino kasi ang title, title lang ‘yan e.

“Ang akin, ang malaking porsiyento ng pinagtatrabahuan ko dito is kung ano yung naibibigay ko sa trabaho. Kung ano yung output sa acting. Ngayon sa hosting, yung rapport sa tao.

“Yung title kasi, title lang ‘yan, e. Pero what you do to defend the title is what matters most. So sa akin, ayokong mag-claim, ayokong mag-claim, nahiya po ako e.”

Ang tao naman ang nagsasabi ng ganung titulo sa kanya, at hindi siya. Sabi niya, “'Ayun po, thank you po, thank you.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kasama ng iba pang media, si Alden sa Kapuso Fiesta para sa Kagay-An Festival ng Cagayan de Oro City, noong Huwebes, August 28.

Ginanap ang mini-presscon kasama ang local media ng Cagayan de Oro sa Limketkai Luxe Hotel, kung saan isa sa mga programang nakatakdang mapapanood kinagabihan ay ang regional finals ng Bet ng Bayan, ang pinakabagong talent reality search ng GMA.

Sa naturang presscon din ay nakasama ni Alden ang tinaguriang Primetime King ng GMA na si Dingdong Dantes na isa sa mga guest kinagabihan sa Kapuso Fiesta sa Kagay-An Festival.

BET NG BAYAN. Ano ba ang kakaiba sa Bet ng Bayan sa iba pang talent reality search?  

Saad nito, “Ito ang pambansang talent reality search, umiikot kami. Actually, ang difference nito sa mga reality search na nagawa sa TV, kami ang lumalapit ng audition, kami ang nagdadala ng venue, kami ang nagdadala ng lahat para makapag-audition ang lahat ng mga tao na hindi makapunta ng Maynila.

“Nilalapit namin ang show sa mga kababayan natin.

“Meron kaming tatlong categories—may kantahan, may sayawan, at saka kakaibang talento. Nasa second provincial showdown na kami so tapos na kami sa auditions, level-up na, yung mga napili sa auditions, paglalaban-labanin [sa grand finals].”

Bago magtungo sa Cagayan de Oro, nanggaling na si Alden sa Iligan City, para sa regional audition naman doon kung saan may napili na silang representative ng show para sa grand showdown sa Oktubre.

Bago pa nito, personal na pinupuntahan ni Alden ang mga provincial auditions ng Bet ng Bayan. Pinagtiyagan daw talaga niya ito habang wala pa siyang ginagawang ibang proyekto.

Kuwento ng binata, “Yes po, kasi wala pa akong soap. Yung Ilustrado kasi sulput-sulpot lang din yung shoot, pero hiningi ko e sa GMA.

“Sabi ko, ‘Hangga’t hindi pa po ako nagsusuka, pagtrabahuhin n'yo po ako. Hangga’t hindi ako nalulumpo or whatever, pagtrabahuhin n'yo po ako,’ sabi ko sa kanila.”

Ang main host ng show ay ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at sa September pa sila nakatakdang magsama sa hosting.

Ang Ilustrado naman ay ang upcoming "Bayaniserye" ng GMA kung saan gaganap si Alden bilang Dr. Jose Rizal na malapit ng mapapanood sa primetime. --  Arniel C. Serato, PEP

For more on this story, visit PEP