Boy Abunda admits being humbled after successful liver abscess treatment
Pagkalipas ng mahigit isang buwan na hindi napapanood si Boy Abunda sa kanyang mga programa, binasag na ng TV host ang kanyang katahimikan tungkol sa tunay na dahilan kung bakit nawala siya nang ganoong katagal.
Binigyang-linaw rin niya ang mga maugong na espekulasyon tungkol sa kanyang karamdaman.
Aniya, “Hindi po ako naospital mula nung ako ay nag-umpisang mag-host sa telebisyon. Kaya naiintindihan ko nang bahagya kung bakit maraming tao ang nasindak na ako ay nagkasakit.”
Kahapon, September 7, ibinahagi ni Boy ang mga nangyari sa kanya at ang totoong kalagayan ng kalusugan niya.
Paliwanag ng TV host, “Bumigay na ho talaga ako. Sobrang sakit po ng aking ulo. Ayon sa nurses na aking kasama, ayon sa aking mga nagbabantay, nagdeliryo ho ako. Nagkombulsyon ho ako. Ang sabi sa akin, nagtsi-chill daw ako sobra, sobrang-sobrang chill."
Dagdag pa ni Abunda, ibinigay niya ang buong tiwala niya sa mga doktor hinggil sa kanyang kalagayan.
"Meron palang pagkakataon sa buhay ng isang tao, mga kaibigan, that sobra kang hina, that you are so helpless. Ibinigay ko sa Diyos ang aking buhay, at ibinigay ko sa mga doktor ang aking buhay. Kahit anong test, kahit anong test I'm open, sabi ko sa aking doktor, to any test."
Ilan sa mga eksaminasyong pinagdaanan niya ang para sa dengue, tipus, typhoid, HIV, hepatitis, lungs, liver, kidneys, at marami pang iba.
Pagkatapos ng maraming tests na ginawa kay Boy, ang pagkakaroon ng abscess o nana sa atay ang nakitang dahilan ng pagkakasakit ng TV host.
“Ang ginawa po nila sa akin, nag-aspirate po sila. Gumamit po sila ng pagkalaki-laki, at pagkahaba-habang karayom... Dumaan po sa ribcage, hanggang narating po iyong liver. Na-aspirate yung ibang nana. Pero hindi po lahat yun. Kaya mga three days pa, meron po akong pig tail na tinatawag, na iniwanan nila para i-drain yung natirang nana sa aking liver."
Ayon kay Boy, 300 ml na abscess ang nakuha sa kanyang atay.
Dagdag pa niya, may mga araw na hindi niya halos mailarawan ang sakit na nararamdaman.
""For the first time, kahit naroon yung mga mahal ko sa buhay, kahit naroon si Bong [Quintana, his partner], naroon yung mga nurses, naroon yung aking kapatid, for the first time in my life, doon ko po naramdaman yung may episode ho pala, na ikaw lang at ang Diyos, and you are stripped naked of everything."
Tila ipinaalala raw sa kanya ng doktor na may hangganan ang lakas ng kanyang katawan.
“One of my doctors said, 'You know, Boy, for many years, hindi ka naman nao-ospital, you've been running too fast. You thought you were invincible. You thought you were Iron Man. Ipinapaalala lang sa 'yo ng Diyos, at ng katawan mo, na hindi mo kaya ang lahat.' My stay in the hospital humbled me."
Ayon sa TV host, nagsimulang bumuti ang kanyang kalagayan noong Agosto 23, kung kailan din siya pinalabas sa ospital.
“I called Louie Andrada, our business unit head, and I said, 'Lou, I'm getting out of the hospital tonight, can you give me time?' Sabi ni Louie, 'Tito Boy, take your time. Restore. Recover. Kumain ka nang marami, ibalik mo ang kulay mo, magpataba ka. When you're ready, tell us. Nandito lang kami.'"
Nagpapasalamat si Boy sa lahat ng kanyang mga boss sa ABS-CBN para sa kanilang pag-intindi.
Sa kabila ng hirap na pinagdaanan, mayroon umanong tumulak sa puso at isipin niya upang patuloy na lumaban.
Aniya, "Sabi ko, 'Panginoong Diyos, ano ba talaga ang gusto ko sa buhay ko? Bakit ganito na lamang ka-passionate, bakit ganito na lamang ka-driven ako sa trabaho ko? What is it that I want?' Simple lang naman pala talaga ang sagot. Sabi ko, gusto ko lang magtrabaho, dahil gusto ko lang mabigyan ng mabuting buhay ang aking pamilya, at maalagaan ang aking nanay. Also because I love my job."
Bukod dito, ayaw rin ni Abunda na maiwan ang kanyang ina na hindi rin mabuti ang kondisyon dahil sa pakikipaglaban sa mild dementia. Dahil dito, hinid alam ng kanyang ina ang kanyang pinagdaraanan. Sinabi lang daw sa kanya na nasa abroad ang anak kaya ito nawala nang panadalian.
"Nakiusap na lang ako sa Diyos, sabi ko, 'Panginoong Diyos, huwag mong pabayaang ilibing ako ng nanay ko. I don't want to die.' Hindi ko kaya yun.' Nakiusap ako sa Diyos, yun yung hindi ko kaya. "Yun lang naman ang sagot sa tanong ko: 'Ano ba talaga ang gusto mo?'"
Dagdag pa niya, "“Pero alam niyo po, pagdating ko sa bahay, kahit sinabi nila na nasa abroad ako, dahil ayaw naming mag-alala ang aking ina, ang unang salita na sinabi sa akin, 'Magaling ka na ba? Magpalakas ka.'"
Thankful to showbiz family and friends
Nagpasalamat naman si Boy sa mga taong naging malaking tulong at nagbigay sa kanya ng suporta sa panahon ng pagkakasakit niya.
"I've never felt so loved. I've never felt so missed. Sa pamilya ko, thank you, Bong, at ginawa mong opisina ang St. Luke's, para lamang makasama ako, kasi ang lungkot-lungkot ho talaga. And, thank you, God, salamat ho talaga.
"To my Backroom family, salamat. Aileen, alam mo kung nasaan ka sa puso ko.
"Our beloved President, Charo Santos-Concio, thank you, for the kind words. "Louie, Deo [Endrinal], Nancy, thank you.
“Hindi ko kayang makita si Kris [Aquino] pa, hindi ko alam kung bakit. Thank you for your love. Salamat talaga, Krissy. Salamat. This is one of the worst falls. This is a bad fall, Krissy, and you managed to catch me. "Salamat for covering for me, thank you for doing Aquino and Abunda Tonight.
“Toni and Alex [Gonzaga], salamat for covering for us, every time Krissy wouldn't be able to do the show.
"Vice [Ganda] for doing The Buzz, thank you.
“Thank you, Gretchen Barretto. 'Di ko alam kung ano'ng sasabihin ko, alam kong magkaibigan tayo, Gretch, we've been friends for a long, long time.
“Dominique [Cojuangco], salamat. I was told you would tell your mom to hurry and go to the hospital, and bring me food. Tony [Cojuangco], salamat.
“Ang staff ko rin, dito sa bahay. Sa inyong lahat, walang maliit na bagay na ginawa... maraming-maraming salamat.”
Ayon sa TV host, nasa estado na raw siya ngayon ng pagre-recover mula sa naging karamdaman.
Masaya niyang saad, “I'm okay. Right now, ang aking estado po, I am starting to gain more weight. May sakit lang dito, kapag tumatawa, kapag umiiyak, kapag nagiging emosyonal, 'pag medyo kumikilos. Am I absolutely healthy? Siguro nasa mga nobenta porsiyento na po. I am on my way to joyful, great recovery."
Dagdag pa niya, maaari na raw siyang magbabalik-telebisyon sa susunod na linggo. — Pep.ph