ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, gagawa ng pelikula tungkol sa isang ina na naging biktima ni 'Yolanda'




Very proud si Nora Aunor sa pelikula niyang Dementia. Ibang-iba raw ito sa mga napapanood nating horror films sa mga sinehan.

Kuwento ni Nora, “Ang kaibahan nito sa mga napapanood nating horror films na iba ay sinasadyang manakot, e. Dito hindi, e. Pero matatakot ka sa mga insidenteng nangyayari.”

Si Nora ay si Mara Fabre sa Dementia, isang babaeng unti-unting nakakalimot sa kanyang mga nakaraan. Kaya naman nagdesisyon ang mga kapamilya nitong iuwi siya sa kanyang bayang sinilangan, sa Batanes.

Si Perci Intalan ang kanyang director dito, ang dati rin niyang boss sa TV5. Kumusta kaya si Direk Perci bilang director?

Pagmamalaki ni Nora, “Ay, naku, napakagaling. Mahina ang iisang 'magaling' na salita na sabihin.”
Bilib daw siya rito kahit baguhan dahil palagi raw itong handa sa lahat ng kanilang mga eksena.

Pagpuri pa niya kay Direk Perci, “Ito yung ibig kong sabihin na pinag-aaralang mabuti at pinaghahandaan bago mag-shooting.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nora sa grand presscon ng Dementia na ginanap sa Imperial Palace Hotel, Tomas Morato, Quezon City.

Sa September 24 na ipapalabas sa mga sinehan ang Dementia na nakatakda ring ilaban sa Fantasporto Film Festival sa Portugal sa darating na February 2015.

YOLANDA. Matapos ipalabas ang horror movie niyang ito, muli naman silang magbabalik-tambalan ni Direk Brillante Mendoza.

Nakatakda niyang gawin ang indie movie na Yolanda.

Saad pa ni Ate Guy, “May susunod kaming gagawing movie na Yolanda.

“Aalis kami ng September 26 papunta ng Tacloban para gagawin ang Yolanda.”

Ano ba ang kuwento nito? Sagot ni Nora: “Yung totoong nangyari doon, yung may tatlo akong anak na nawala dun, pero hindi ako naniniwalang nawawala sila.”

Unang naging proyekto ni Ate Guy kay Direk Brillante ay ang Thy Womb na ipinalabas nung 2012.

Ang super typhoon Yolanda ay humagupit sa Pilipinas noong November 8, 2013. -- Arniel C. Serato,  PEP

For the full story, visit PEP.
Tags: noraaunor