Mga isyu ng pagbubuntis sa advocacy film na Bigkis; LJ Reyes, may breastfeeding scene
Gumanap si LJ Reyes na isang batang ina sa pelikulang Bigkis ng BG Productions. Ayon kay LJ, marami siyang natutunan sa kanilang pelikula at isa itong eye opener sa mga kababaihan, lalo na ang mga nabuntis sa murang edad.
Anong aral ang mapupulot sa movie ninyo?
“Marami po talaga. Ang advocacy po nito ay breastfeeding talaga, pero marami po akong natutunan behind sa advocacy namin dahil sa location namin.
“Sa Fabella Hospital, ang dami talagang struggle sa mga public hospitals and dito sa Pilipinas, ang hirap pong makakuha ng medical support. So, isa yun sa mga na-realize ko na problem natin sa bansa.
“Makikita rin dito yung sa breastfeeding and more than that, ang tumatak talaga sa akin sa pelikulang ito ay ang mga problema natin na hindi nasosolusyunan dahil sa kakulangan sa budget.
(video upload by Outpost Visual Frontier)
“Sa Fabella, sa isang kama mayroong dalawa sila. Mayroon pang babae na nagsabi sa akin na ampunin ko na raw iyong anak niya. Kaya sabi ko sa kanya na blessing ang anak niya kaya huwag na sana niyang ipamigay,” paliwang ng aktres nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon na ginanap sa New Horizon Hotel, Boni Avenue, Mandaluyong City. Ang naturang event ay para sa mga pelikula ng BG Productions International tulad ng Bigkis at isa pang indie film titled Homeless.
Ang Bigkis ay pinagbibidahan nina LJ, Mike Tan, Rosanna Roces, Enzo Pineda, Rich Asuncion, Pancho Magno, Perla Bautista, Rico Barrera, at Lauren Young. Isa itong advocacy film tungkol sa buhay at sakripisyo ng mga nanay sa paanakang ospital.
Ayon sa supervising producer nitong si Dennis Evangelista, plano nilang isali ang Bigkis sa New Wave Category sa darating na Metro Manila Film Festival.
Samantalang ang Homeless naman ay tinatampukan nina Ejay Falcon, Ms. Snooky Serna, Dimples Romana, Hayden Kho, Chocoleit, Ynna Asistio, Rico Barrera, Mico Aytona, at Martin del Rosario.
Ang dalawang pelikula ay parehong mula sa panulat at direksyon ni Neal "Buboy" Tan.
Mayroon bang eksena si LJ sa pelikula na nagbe-breastfeed siya?
“Hindi naman po totally na ipinakita yung dede ko, hindi naman po talaga kitang-kita na nagpasuso,” nakatawang saad ng aktres.
Sinabi rin ni LJ na matagal na niyang gustong maging advocate ng breastfeeding.
“Nag-breastfeed po ako for two years and eight months, kaya very happy po ako na ibinigay po sa akin iyong project ng BG Productions ni Ms. Baby Go. Kasi, hindi lang po ako nabibigyan ng chance, pero if given a chance, gusto ko pong maging advocate talaga ng breastfeeding.
“Parang gusto ko na i-open din ang mga mata ng mga tao, na hindi po ito bastos, iyong ganoon? Ito po ay isang natural na paraan para palakihin ang iyong mga anak,” paliwanag ng GMA-7 actress.
Dagdag pa niya, “Dahil nakita ko po iyong benefits, first hand experience po talaga. Kailangan lang po ng tiyaga sa pagbe-breastfeed, pero iyong benefits na makukuha sa pagbe-breastfeed ay talagang malaki, lifetime.
“Kaya kapag may mga kaibigan po akong soon to be mothers and new mothers, lahat po, pinu-push ko silang mag-breastfeed.”
So, hindi ka nagdalawang isip nang sabihin sa iyo na may ganoon kang eksena?
“Ay, hindi po, hindi po! Kasi, gusto kong ma-realize ng mga tao na hindi naman bastos iyon, e.”
Eye opener ba ang movie para sa young mothers, na dapat ay paghandaan nila ang kanilang pregnancy para sa future ng kanilang magiging anak?
“Oo naman po, it’s better pa rin po talaga na planado iyon. Na kapag pinasok nila, hindi po siya madali. Alam mo iyon?
“Dire-diretso na po iyan e, na hindi naman po na pagkapanganak mo ay, ‘O, okay ka na!’ Dire-diretso pa rin po iyan, e, aalagaan mo, palalakihin mo pa ang anak mo.
“Each stage is different from the other. Na parang lagi kang nag-aaral ulit, mag-a-adjust ka ulit kung paano mo palalakihin ang anak mo. Bawat stage ay ganyan, mayroong changes.”
Dahil young mother ka rin, parang true-to-life ba sa iyo ang dating ng role mo sa movie?
“Well, in terms of yung unplanned pregnancy at saka breastfeeding, nakaka-relate po talaga ako totally.
“Pero yung kunwari, yung mga challenges nila sa hospital na… Kasi kawawa po e, as in iyong character ko sa movie, manganganak na lang siya wala pa siyang kuwarto, nasa sahig lang ako, ganyan.
“So, hindi ko naman po naranasan iyon talaga noong nanganak ako. Kaya thank God!
“Nang ginagawa po namin iyong movie, talagang nag-pray ako na, ‘Lord thank you po na hindi ko pinagdaanan ang ganitong klaseng struggle.’ Kasi, mas mahirap.
“I was very blessed na nanganak ako sa isang magandang ospital sa New York, ganyan…”
Sinabi pa ni LJ na umaasa siyang magiging sunod-sunod na ang mga mature roles na darating sa kanya.
“Well, sana naman po talaga, na sunod-sunod na ang mga mature na roles na darating sa akin. Kasi, hindi na po naman ako bumabata, hindi na po ako puwedeng magpa-tweetums!” nakatawang pahayag pa niya.
Kamusta katrabaho si Mike Tan, lalo’t naging magkasintahan sila noon?
“Oo nga e… alam mo actually, dito sa film na ito, noong nagsu-shoot kami ay dito lang kami ulit nakapagkuwentuhan ng matagal. Nakakatuwa naman din actually, kasi naging friends naman kami ni Mike. Kaya, sobrang komportable naman kami sa isa’t isa,” nakangiting saad ng Kapuso actress.
May na-rekindle ba sa inyo ni Mike sa paggawa ninyo ng Bigkis?
Tumawa muna siya at saka sumagot, “Tanong natin kay Mike.
“Pero, gusto ko naman talagang makatrabaho si Mike, iyong matagalan naman. Kunwari ay sa isang soap or another film.”
Kamusta ang puso ngayon ni LJ?
“Okay naman po, masaya naman po ang puso ko, maraming blessings from God. So, happy heart.”
May nagpapatibok ba ng puso mo ngayon?
“Aside sa anak ko [si Ethan Akio], wala pa e,” nakangiting sagot niya.
Posible bang magkabalikan pa kayo ni Paulo Avelino?
“Well, kung ngayon po ninyo ako tinatanong, talagang wala po talaga. Pero, kunwari in twenty years, hindi ko po masabi. I mean, baka mamaya sabihin ninyo kasi, ‘Sabi mo dati ay wala…’ Alam mo iyon? -- Nonie Nicasio, PEP