Tiya Pusit, nasa malubha pa ring kalagayan matapos ang operasyon -- report
Hindi pa umano bumubuti ang kalagayan ng 64-anyos na aktres na si Tiya Pusit matapos isailalim sa double heart bypass surgery nitong nakaraang September 9.
Sa ulat ni Arniel C. Serato sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Miyerkules, sinabing humihiling ng mas taimtim pang dasal ang pamilya ni Tia Pusit, Myrna Villanueva sa totoong buhay, para malampasan ng aktres ang kalagayan nito ngayon.
Matapos umano ang nasabing operasyon, hindi pa rin daw bumuti ang kalagayan nito at patuloy na nakaratay sa Philippine Heart Center.
Basahin: Nova Villa, humingi ng dasal para sa paggaling ng kapatid na si Tiya Pusit
Sa mensaheng ipinadala ng anak ni Tiya Pusit na si Christian Uybengkee sa mga mamamahayag, inilarawan niya na mas lumala ang kalagayan ng ina.
Nakasaad umano sa mensahe na, "Dear friends of tia pusit. 2 weeks ago after her operation. Her situation has worsen. She has 2 episodes of stroke, blood clots with little brain activity. “Worst her kidney too is failing rapidly. Please pray for her. Shes at the phil heart center, east ave medical icu 4th floor room 428 if in case you want to visit her. Thank you."
Matatandaan na ilang beses ipinagpaliban ang operasyon ni Tiya Pusit dahil sa mga nararanasan nitong komplikasyon. Bukod kasi sa sakit sa puso, dina-dialysis din ang beteranang aktres dahil sa sakit nito sa bato. -- FRJ, GMA News